BUKAS NA LIHAM PARA SA BAGONG HUKBONG BAYAN
25 Marso 2019
Isang pagpupugay sa ika-50 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan, mula sa isang kaanak ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao ng mapanupil na estado.
Ako ay sumulat para maghapag ng isang hiling sampu ng iba pang kaanak ng di mabilang na biktima ng pagpatay, pagdukot, harassment at iba pang paglabag sa karapatang pantao.
Kaming mga kaanak ay taon at ang iba pa ay dekada nang sumuong sa prosesong legal na binigay sa amin ng 1987 Constitution para lamang makamit ang hustisyang aming inaasam. Lahat ng proseso ay dinaanan ng mga kaanak ng mga biktima. Pero di mabilang sa kamay ang mga may hustisyang nakamit ng mga kaanak. Bagama’t malakas ang ebidensya, parating nauuwi lamang sa kangkungan ang mga kasong aming hinain sa mga korte. Madalas, kami ay pinapaikot-ikot lamang sa kamay ng mga salarin at ng mga legal na institusyong dapat sana ay magtatanggol sa aming mga biktima. Pero paano nga naman kung ang hinahabol ng hustisya ay mismong nagpapatupad ng batas. Kadalasan bumabalik kami sa una naming tanong sa simula nang mapatay o madukot ang aming kaanak: paano ba namin makakamit ang hustisya?
Walang pakundangan ang mga pwersa ng estado maghasik ng lagim sa mga komunidad. Karahasan ang sagot sa mamamayang nagpapahayag lamang. Mabigat sa aming dibdib na patuloy at buong laya ang paglabag sa karapatang pantao. Tuyo na ang aming luha sa hinagpis habang ang mga salarin ay laya pa rin.
Alam ko/namin na kilala ninyo ang ilan sa mga salarin sa maraming kaso. Sila ay patuloy pa rin na nagkakalat ng lagim. Kada taong kawalan ng hustisya ay taong dusa ng mga biktima.
Humihiling kami ng hustisya sa tunay na hukbo ng bayan. Parusahan ang mga may utang na dugo sa mamamayan. Mula sa ulo ng krimen hanggang sa mga galamay nito. Di na ‘ko umaasa na makakamtan ang hustisya sa estadong nagsisilbi lamang sa mga dayuhan, panginoong maylupa at burgesya komprador. Sa inyo na lamang kami umaasa ng katarungan.
Depensahan ang mamamayan na inyong pinaglilingkuran. Ang bawat bigwas sa mga sagad-sagaring salarin ng paglabag sa karapatang pantao ay hakbang patungo sa paghilom ng aming mga sugat.
Muli, bumabati sa ika-50 anibersaryo ng tunay na hukbo ng mamamayan. Panahon na para maningil hindi lamang para sa aming mga biktima kundi para sa mamamayang inaapi.
Umaasa,
Kaanak
#NPA50
#ServeThePeople
#CherishThePeoplesArmy
#RevolutionaryJustice