Ang Kasarian ng Digmang Bayan
ni Markus del Pilar
“Siguro, aabot sa halos isang kumpanya kung pagsasama-samahin kami. Kaso hindi pwede! Kita mo naman kanina sa laro namin ng volleyball, ‘no? Maiingay kami!” nagtatawanang pagbibida nila.
Napakadalang ng pagkakataong nagkakasama-sama sila. Ang ilan sa kanila ay ngayon lang nagkita at nagkakilala. Magkakahiwalay kasi sila ng larangang kinikilusan at gaya nga ng sabi nila, hindi sila pwedeng pagsama-samahin… hindi dahil sa “maiingay sila” kundi mas doon sila kailangan sa mga eryang pinagtalagahan sa kanila.
Sila ay mga hukbo ng Pulang Bagani Battalion. Rebolusyonaryo. Bayot.
Tinagurian ng mga masa sa baryo na “grand production sa mga bayot” ang nagdaang selebrasyon sa Davao City ng ika-48 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas. Mga bayot na hukbo ang nagdirehe, nag-ayos ng programa, nagturo ng sayaw, nagdisenyo ng entablado, ang ilan ay kasama pa sa mismong pagtatanghal. Tuwang-tuwa ang mga masa habang pinapanood ang kanilang pag-eensayo at paghahanda.
“Buti naman at pinayagan nang sumapi sa NPA ang mga bayot,” sabi pa ng isang masa.
Pagbaka sa Diskriminasyon
“May mga kwento ang mga ‘ninunong bakla’, mga ‘anitong bading’ sa lunsod noon na tinitingnang kahinaan ng ilang kasama ang pagiging bakla nila. Sasabihan pa raw sila noon na bakit tikwas nang tikwas ang mga daliri nila, kembot nang kembot sa rali. Umabot pa sa puntong itinuring na banta sa seguridad ang kabaklaan nila. Pero pinatunayan nilang walang kinalaman ang pagtikwas at pagkembot nila sa kakayanan nilang mamuno at gumampan kahit pa gawaing militar,” kwento ni Ka Riko, choreographer.
Itinulak ng lumalaking bilang ng mga bakla at lesbyanang kasapi ng Partido ang pangangailangang magkaroon ng dokumentong gagabay sa wastong pakikitungo sa mga kasaping may piniling kasarian. Inasahang makapagpapahupa ito sa diskriminasyong nararanasan nila mula sa iba pang kasapi.
Isa na rito ang On Proletarian Relationship of the Sexes (OPRS)–gabay na dokumento ng Partido sa pakikipagrelasyon at pag-aasawa. Noong 1998, idinagdag ng Ika-10 Plenum ng Partido Komunista ng Pilipinas ang Annex E na nagsasaad sa pantay na karapatan ng mga kasaping may piniling kasarian at pagkilala sa kanilang kagustuhang makipagrelasyon at makapag-asawa.
Subalit hindi magiging madali ang proseso ng pagpapatanggap sa ibang kasapi dahil na rin sa iba’t ibang antas ng pag-unlad ng mga kasama. Bukod pa rito ang nananatiling hibo ng burges na lipunan at kulturang kinamulatan na kinakailangan ng tuloy-tuloy na pagbaka.
Kwento pa ni Ka Duday, isa sa mga medic ng Pulang Bagani Battalion, “Naramdaman ko noon na hindi ko alam kung paano ilulugar ang sarili ko. Hindi ako pwedeng sumabay sa mga lalaki sa paliligo kasi paglabag daw sa palisiya. Hindi rin pwedeng sumabay sa mga babae dahil pagsasamantala raw iyon. Nasabihan din ako ng isang kasama na ‘walang lugar sa rebolusyon ang mga bakla’. Galit na galit ako noon. Bumaba ang morale kaya nagdesisyon akong bumaba na lang. Pag-uwi ko, wala rin naman akong nagawa. Iyak lang ako nang iyak. Matapos ng ilang buwan, nagsabi akong babalik ako para makipag-assess.”
“Tingin ko, iyong pagbaka at pagbabago sa nakagisnang kultura sa burges na lipunan, magmumula kapwa sa mga bakla at lesbyana at mga straight. May mga dokumento namang pwedeng gumabay sa pag-aaral para ipaunawang hindi hiwalay ang mga bakla at lesbyana sa nararanasang pagsasamantala, na kabahagi ng rebolusyon ang mga bakla at lesbyana. Pero paano namin maipapaabot ang mensahe at aral kung kami mismo ay lumalabag sa mga disiplina.” dagdag ni Ka Duday.
“Turning point siguro, kung partikular sa karanasan ng SMR, noong late 2000. Napadepensiba ang isang yunit ng NPA at nahirapang mag-withdraw sa erya. Palapit na noon ang mga militar. Isang bading na NPA ang humarap sa kanila para matulungang makapagmaniobra ang mga kasamang naipit,” pagpapatuloy ni Ka Riko. Proud!
Malaki ang naging epekto ng insidenteng ito para bigyang pansin ang “tamang pakikitungo sa mga kasamang bading”. “Mararamdaman mong may cat-calling pa rin pero hindi na kagaya noon na halatang may pandidiri. Ngayon may halo nang lambing. Bongga kaya ang mga bading sa kilusan, matapang! Palaban!” sabi pa ni Ka Riko.
Halos isang taon na rin ang lumipas nang mamartir sa isang labanan si Wendell Gumban — o si Weng sa kanyang pamilya, o si Wanda sa mga kaibigan at kasama sa urban, o si Ka Waquin sa mga mandirigma ng Pulang Bagani Battalion at mga Lumad sa bahaging iyon ng Mindanao. Isang Tourism graduate mula sa Unibersidad ng Pilipinas na tinalikuran ang mga pansariling pangarap para magsilbi at mag-alay sa tagumpay ng rebolusyon.
“Labas sa pagiging baklang NPA ni Ka Waquin, ang kanyang dedikasyon sa paglilingkod sa sambayanan ang nagsisilbing inspirasyon, hindi lang sa mga kagaya naming bayot kundi sa maraming kasama at masa. Pinatunayan niyang hindi dahilan ang pagiging bayot para hindi mo makalabit ang gatilyo lalo na kung para sa pagpapalaya ng bayan,” pagmamalaki ni Ka Duday.
Paglaladlad
Bukod sa pagharap sa kaaway, kinailangan din ng ilan sa kanila na buong tapang na harapin ang internal na tunggalian sa sarili. Batid nilang kaakibat ng paglaladlad ang pangungutya, pangmamaliit, at pandidiri.
“Hayskul pa lang ako, alam ko nang bayot ako. Pero pilit ko ‘yong tinago sa pamilya ko. Nakakasalamuha ko na rin ang mga hukbo noon pero hindi ko binalak na maging NPA. Tumutulong-tulong lang ako noon sa kanila. Kapag galing ka sa magsasakang pamilya, gugustuhin mo ring iahon sila sa hirap. Nagtrabaho akong security guard sa syudad. Pero hindi rin ako nakatagal nang maranasan ko ang sobrang pahirap na ginawa sa amin ng mga katrabaho ko. Kinontak ko agad ang kaibigan kong NPA, sabi ko magpu-fulltime na ako.” paglalahad ni Ka Princess.
“Isang taon mahigit kong itinago ang pagkatao ko sa mga kasama. Naging bagahe ko na. Kaya isang araw, kinausap ko si Ka Bob, political instructor namin. Sabi ko sa kanya, ‘Bob, basin di ka mutuo sa akong ingnon ba, basin ma-schock ka kung unsa katinuod akong ingon. Giingnan gyud nako sya na tinuod gyud na babae gyud ko. Ikaw na magpaabot sa han-ay sa komite nga maistoryahan ninyo na. Kay basta importante, nakapaabot ko ana. (Bob, baka hindi ka maniwala sa sasabihin ko, baka ma-schock ka kung gaano sa katotohanan. Sinabihan ko siyang babae talaga ako. Ikaw ang magsabi sa komite at pag-usapan niyo. Ang importante nasabi ko na.”
“Inimbitahan ko rin ang pamilya ko na dumalo sa selebrayon ng ika-48 na anibersaryo ng PKP. Doon ko ipinagtapat sa kanilang bayot ako. Nagulat sila noong una, pero natuwa rin naman nang ipaliwanag ko sa kanila ang nararamdaman ko,”
“Inasahan ko nang kakantyawan ako ng mga kasama kapag nagsabi na ako ng totoo. Pero iba ang naging reaksyon nila. Ang mga masa at ilang kasama, ayaw pang maniwala noong nagtapat ako ng identidad ko. Sabi nila, lalaki naman daw ako pumorma, magsalita, kumilos. Sabi ko, kapag pilit mong itinatago ang pagiging bayot mo, lahat gagawin mo para hindi ka paghinalaan.”
“Napakagaan sa pakiramdam pagkatapos kong magsabi sa kanila. Para akong nabunutan ng tinik sa lalamunan,” pagsasalaysay ni dating Ka Marco na ngayo’y Ka Princess na, giyang pampulitika ng isang platun.
Nakadagdag naman sa bagaheng dalahin ni Ka Awra ang pagiging Moro niya.
“Bumilib ako sa mga kasama ko noon sa urban. Maraming kasama, babae tsaka lalaki, na magaling mag-gay lingo. So, pakiramdam ko tanggap na tanggap nila ang mga bakla. Pinagdududahan na rin pala nila akong bakla noon kasi lalamya-lamya ako. Hindi naman nila ako pinipilit paaminin. Tapos noong 2005, pinapunta nila ako sa launching ng organisasyon para sa mga bakla at lesbyana. Nagtataka na ako noon bakit pinapunta nila ako doon. Tapos n’ong pakilanlanan na, sasabihin mo ang pangalan mo… tsaka kung bakla ka ba, lesbyana, silahis. Ayon, na-launch pati ang career ko bilang Awra Alindogan! O, di ba bongga!” natatawang pagbabalik-tanaw ni Ka Awra, instruktor sa pag-aaral.
“Nadiskubre kong marami pa pala akong pwedeng gawin pagkatapos kong mag-out. Marunong pala akong magsulat, sumayaw. Mas naging bukas na rin ako sa mga kasama at masa. Mamahalin ka ng masa lalo na kung tinutulungan mo sila sa kanilang mga problema, makikita nilang kasama ka sa hukumang bayan sa pagresolba ng mga suliranin. Nakikinig sila kapag nagbibigay ka ng pag-aaral, kurso man ng Partido o simpleng pagbasa at pagsulat. Kung kasama ka sa pagdedesenyo ng programa at pagpapatupad nito, buong-buo kang tatanggapin ng masa kahit pa anong kasarian mo.”
De Kalibreng Bayot
“Minsan, na-raid ang kampo namin. Nasamsam lahat ng gamit at damit ko. Pinadalhan nila ako ng isang supot ng mga pampalit sa mga nawala kong gamit. ‘Kay Awra’ ang nakalagay sa supot. Mangiyak-ngiyak ako noon sa sobrang saya. Sinulatan ko sila pabalik para magpasalamat. Excited lagi sila makakwentuhan ang mga hukbo kapag nalaman nilang malapit lang kami sa kanila.”
“Ang respeto kasi hindi naman makukuha ‘yan sa pagtatago ng identidad mo. Unang-una, hindi naman kailangang itago ang pagiging bakla. Kung mahusay mong nagagampanan ang tungkulin mo, marunong kang makisama, tumatalima sa mga programa’t palisiya, wala kang magiging problema. Pangalawa, hindi lang ito para sa mga bayot, kahit babae o lalaki, na magpakahusay sa paggampan ng mga gawain. Sa ganoong paraan namin nakukuha ang tiwala at respeto ng mga kasama at masa.”
“Minsan naatasan akong mag-team leader sa isang special operation. Ayaw na ayaw kong pumayag. Ang haba na ng buhok ko noon pero kailangan daw gupitan. Iyak ako nang iyak habang ginugupit nila ang buhok ko. Sabi ko pa, ‘Ayaw ko nang mag-struggle,’ with matching iyak-iyak,” natatawang kwento ni Ka Awra.
“Pero sa bandang huli, naisip ko rin na uunahin ko ba ang pansariling kaligayahan kumpara sa gawaing ibinigay. Pumayag na ako. Tapos nagpraktis na kami paano ilulunsad ang operasyon. Sa aktwal na, nakabantay ang mga “direktor” ko. Tinatawag ako pag tingin nila lumalambot ang pagsasalita at kilos ko. Pero hinahayaan naman nila akong maging ako kapag walang ibang tao. Nakakapagdekwatro na ako at nakakapag-abaniko kapag kami-kami lang. Babalik lang sa karakter kapag may ibang tao at sasakyan.”
“Pagkatapos ng operasyon, pinapa-pack up ko na ang mga kasama kaso nireklamuhan akong gutom na raw sila. Baka raw pwede kong pakiusapan ‘yong paparating na trak ng prutas. Last na raw. Syempre naimbyerna na ‘ko, pero sige na lang. Naawa rin naman ako sa kanila. Pinara ko ‘yong trak, nakasando na lang ako, tsaka ginamitan ko na ng aking charm. Nakilala naman kaagad nilang mga NPA kami kasi bakla ako. Wala naman kasing nagpapakilalang baklang sundalo ng AFP. Nagpakilala pa ang driver na masa raw namin siya, taga roon daw siya sa isang barangay na kinikilusan namin,” masayang pagkukwento ni Ka Awra.
Kilusang Mapagpalaya
Itinuturing na malaking pasulong na hakbang ang paggalang at pagkilala ng Partido Komunista ng Pilipinas sa karapatan ng mga bakla at lesbyana. Totoong maraming aral pa ang mapupulot nito sa patuloy nitong pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon. Marami pang lubak na susuungin ang kilusan subalit nariyan ang Marxismo-Leninismo-Maoismo para gabayan ang landas tungong tagumpay. Nariyan ang mga kasama, kadre, at masa para palamnan, isabuhay, at lalo pang paunlarin ang mapupulot na aral.
“Hindi maiiwasan na magkaroon pa rin ng problema ang mga bayot lalo na sa mga kasamang hindi pa ganap na naiwawaksi ang kulturang kinamulatan sa burges na lipunan. Pero ito ang kaibahan ng PKP sa lahat ng pampulitikang partido, kinikikilala nito ang mga kahinaan at natututong magwasto mula rito,” saad ni Ka Riko.
“Walang pinipiling kasarian ang rebolusyon. Walang kasarian ang baril. Ang paglilingkod sa masa at ang pagtatagumpay sa ganap na pagbabago ng lipunan ang magbibigkis sa atin, lalaki man o babae, bakla man o lesbyana,” dagdag ni Ka Princess.
“Nararapat lang na sumapi sa kilusan ang lahat ng bayot at lesbyana. Sa armadong pakikibaka natin maitataguyod ang lipunang hindi lang panlabas ang ganda kundi gandang magmumula sa kaibuturan ng ganap na paglaya,” pagtatapos ni Ka Duday.
Higit sa pagkilala ng Partido sa kanilang karapatan, ibinigay rin sa kanila ng rebolusyon ang armas na siyang gagamitin nila para palayain, hindi lamang ang kanilang sektor, kundi ang lahat ng inaaping uri; na siyang gagamitin nila para basagin ang lahat ng kumbensyon na ang kanilang piniling kasarian ay hindi lamang pang-parlor at panlibangan lang ang kanilang kakayahan; na siyang gagamitin nila para ilatag ang isang lipunang malaya sa lahat ng uri ng pagsasamantala at diskriminasyon.###