Ang bawat hayag na eleksyon sa Pilipinas ay bangayan lamang sa pagitan ng mga kinatawan ng mga burukrata kapitalista, burgesya komprador at panginoong maylupa; ng mga makapangyarihan, makapang-api, at mapagsamantala sa lipunan. Ito na ang naging kalakaran mula noong pinagkaloob daw ng Estados Unidos ang “kalayaan” natin at naitayo ang isang papet na Republika.
Sa panahon pa lamang ng “Commonwealth” sinanay na ang mga Pilipino sa demokrasyang tatak-US—eleksyong rigodon o musical chairs, circus, magic, goons, guns, and gold, at batuhan ng putik para matiyak na ang nagpapalitang mga paksyon ay mananatiling tapat sa kanilang imperyalistang amo. Sa patuloy na pagsasanay, lalo pa itong pinaunlad ng bawat kumakandidatong paksyon para mapanatili ang bulok na sistemang kumakalinga sa kanilang uri at higit na magbigay ng kapangyarihan at kayamanan sa kanila. Ngayon, naidagdag pa sa mga gimik ang mga ayudang tulad ng AKAP, ang disinformation, fake news at troll farms; at higit sa lahat, ang high tech na pandaraya sa pamamagitan ng Automated Election System.
Tuwing kampanya, ginagamit ng mga reaksyunaryo ang mga isyu ng mamamayan hindi para bigyang solusyon at pagkaisahin ang mamamayan kundi para hatiin—isang lumang paraang pinakinabangan ng mga mananakop ng ating bansa. Sa batuhan ng putik, inuudyukan nila ang mamamayan na kampihan ang isang panig hanggang sa makalimutan na ang mga tunay na isyu at mauwi na lamang sa kampihan. Pinakamalinaw ito sa kasalukuyang iskandalosong bangayang Marcos-Duterte na pawang mga dinastiya’t kumakatawan lang sa interes ng kapwa nila naghaharing uri. Ang ibinabato nilang kasalanan sa isa’t-isa—korupsyon, paglabag sa karapatang pantao, pagpatay, pagpabor sa mga dayuhan, mga proyekto at patakarang pampahirap sa masa—ay kapwa naman nila ginagawa.
Ngunit kahit magkaaway ang sinumang kampon ng kadiliman at kasamaan, sa dulo ay magkakampi pa rin sila laban sa pagbabago ng lipunang mapagsamantala at mapang-api sa mamamayang Pilipino. Ngayong nagsisikap ang malawak na demokratikong hanay na magpatakbo ng mga progresibong kandidato, di-kataka-takang nagkakaisa ang mga kampon para siraan ang mga progresibo sa mamamayan at pagmukhain silang masasama.
Naipanalo ng demokratikong kilusan ang ilang mga progresibo at maka-mamamayang kandidato. Ngunit anumang munting hakbang para sa kagalingan ng mamamayan na inihapag nila sa gubyerno ay agad tinutumbasan ng ganting-batas para mapalabnaw o maging lampa ang mga panukala.
Ilang eleksyon na nga ba ang dumaan sa mga buhay natin, pero may nabago ba? Naging madali ba ang kumain ng tatlong beses sa isang araw, magpaaral ng mga anak, magpagamot o bumili ng gamot na abot-kaya, magkaroon ng sariling bahay, mag-commute? Nagkaroon na ba tayo ng sariling lupang sakahan? Disenteng trabaho at nakabubuhay na sweldo?
Patuloy na magsisikap ang demokratikong kilusan na magpatakbo sa eleksyon. Patuloy silang magsisikap na mamulat ang mamamayan para sa tunay na pagbabago, tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon; at ang pangangailangan ng sama-samang pagkilos. Pero hangga’t di naaalis ang katangiang papet at pasista ng gubyernong hawak ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo, hanggang sa maliliit na kaginhawaan lang ang maaasahan nating makamit.
Wala na bang pag-asa?
Ang mga lugar sa bansa—sa mga sonang gerilya ng rebolusyonaryong kilusan—na pilit dinurog ng mga pwersang militar ng naghaharing uri ay mga lugar kung saan unti-unti pero tuluy-tuloy na nagaganap ang pagbabagong hangad ng taumbayan. Narito ang mga rebolusyonaryong kilusang masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika ng mamamayan. Kahit maliliit pa, kalat ang binhing ito sa buong kapuluan para sa pagtatayo ng Demokratikong Republika ng Bayan sa pagwawagi ng pambansa demokratikong rebolusyon. Dito makikita ang kapangyarihan ng nagkakaisang mamamayan, kasama ang Communist Party of the Philippines at New People’s army, na sama-samang kumikilos para mula sa maliliit na pagbabago ay makamit ang ganap na tagumpay.
Related article: Have you heard of the revolutionary movement’s elections
Dito sa mga sonang gerilya ay totoo ang reporma sa lupa. Sa pamamagitan ng rebolusyong agraryo ay napawi ang usura sa maraming lugar at napakinabangan ng libu-libong magsasaka at ng kanilang pamilya ang bunga ng kanilang pagod sa mga sakahang naging kanila.
Dito nagkakaisa ang mamamayan para pataasin ang produksyon ng pagkain, pangalagaan ang kalikasan at paunlarin ang sistemang pangkalusugan. Dito rin nagaganap ang mga pag-aaral hindi lamang para matutong magbasa at magbilang kundi para paunlarin ang mga kasanayan at kamulatan at pag-unawa sa lipunan. Dito binibigyang buhay, sa iba’t ibang antas, ang mga elemento ng 12-puntong programa ng National Democratic Front of the Philippines.
Sa loob ng mahigit 50 taon, malawak na ang naipanalo ng rebolusyonaryong kilusan para sa kagalingan ng mamamayan sa kabila ng ngipin-sa-ngiping pagharap sa pandarahas ng estado. Bunga ito ng tagumpay na pagkaisahin ang mamamayan mula sa masang anakpawis, propesyunal, relihiyoso, negosyante, at ang mga katutubo at mamamayang Moro.
Related article: Reaping gains towards more victories
Sa darating na eleksyon sa Mayo 2025, maaring magkamit ang mamamayan ng mga reporma at kagyat na kaginhawahan kung magsisikap itong maipanalo ang mga progresibong kandidato ng taumbayan. Ngunit malulubos pa ang maaring kamting tagumpay ng mamamayan kapag sama-samang magmumulat, mag-oorganisa at magpapakilos lagpas sa eleksyon at mahamig at mapakilos ang mamamayan para sa makabuluhan at pangmatagalang pagbabago—isang solidong pagkakaisa para isulong at ipagwagi ang pambansa demokratikong rebolusyon at itayo ang demokratikong gobyernong kakatawan sa interes ng taumbayan. ###