Isang Hapon ng Kwentuhan kay Ka Rio, Kabataang Makabayan, Hukbo ng Bayan

in Mainstream
by Liberation Staff

Eskwela, pamilya, mga pangarap, buhay-pakikibaka. Ilan lamang ito sa mga ipinasilip ni Ka Rio sa aming kwentuhan, isang hapon sa isang sonang gerilya. Tunghayan ang isang millennial na sumasalungat sa dikta ng lipunang sa kabila ng kabulukan ay sumisibol ang mga kagaya niyang pag-asa ng bayan.

 

KAILAN KA NAGSIMULANG KUMILOS?

Naorganisa ako nu’ng second year college ako. Mula ako sa isang local State U (university) ng region. Kasagsagan ‘yun ng campaign sa tuition at miscellaneous fees. Dahil nga pabibo, e di join-join ako. Tapos alam mo ‘yung ano ng kabataan na adventurous, e di ganyan, sali-sali.

Nagpapapirma ako sa mga estudyante ng petisyon na wag natin payagan ‘yung ganito. Ayun, hindi na natuloy ‘yung plano sa school dahil sa petisyong ginawa ng mga organisasyon ng mga estudyante. ‘Yun ‘yung tumulong para i-pursue ang paglaban ng mga kabataang estudyante.

Pero hindi pa ‘ko nagtuloy-tuloy sa pagkilos nu’n. May patlang.
‘Yung sumunod, merong environmental investigative mission sa isang probinsya na merong problema sa mining. E dahil nga ma-adventure ako—at dahil dagat ‘yun!—e, di sama-sama ‘ko. Du’n ako mas na-agit (agitate). Bakit may ganito? Na sa kabila ng kayamanan ng Pilipinas, bakit may mga taong naghihirap— yung magsasaka, mga mangingisda? From there, nagtuloy-tuloy na ‘yung mga activities ko. Nag-gift giving sa isang komunidad ng mga katutubo. Du’n ako nag-Pasko sa kanila.

 

KM KA NA BA NU’NG PANAHONG ‘YAN?

Hindi pa ako KM (Kabataang Makabayan) nu’n. Basta aktibista. Isa rin ako sa KK nu’n— Kandidatong Kontak! Kasi nga ang tagal na pero hindi pa rin narerekrut! Ilang buwan pa bago ‘ko naging KM. Mula nu’n nagtuloy-tuloy na, hindi na ako napigil. Sumasama ako sa mga RTR (room-to-room) na pagrerekrut, pag-i-ED (educational discussion) sa mga estudyante.

Tapos, naglunsad ng mga pag-aaral sa isang sona (sonang gerilya), du’n pa lang ako nabigyan ng MKLRP, after a month na na-KM ako! Hahaha!

 

KUMUSTA ‘YUNG PAG-AARAL MO NU’NG NAGING AKTIBO KA NA SA PAGKILOS?

Sa eskwelahan, ‘yung oras lang na allotted sa mga subjects ko, du’n lang ako pumapasok. Tapos ‘yung the rest, nasa ibang kolehiyo na ‘ko, kumakausap ng mga estudyante, nagrerekrut. Hindi naman ako tumigil sa pag-aaral. Pinagsasabay ko ‘yung pagkilos at pag-aaral. Mas maano nga e, dahil guided na ‘ko ng MLM (Marxismo-Leninismo-Maoismo) principles, ‘yung kahit simpleng pagsusuri sa mga bagay-bagay, naa-apply ko s’ya sa loob ng eskwelahan kaya mas broader at sharper ‘yung mga pagsusuri sa loob ng eskwelahan.

Scholar ako. Hindi ako nagbabayad ng mga tuition fee kasi consistent college scholar. Basta ‘yun ‘yung ano ko sa nanay ko, na ok lang maging aktibista kasi hindi ko naman napapabayaan ang pag-aaral ko. Kahit sa gitna ng examination, midterm ganyan, nakakapunta ako ng mga activities labas sa eskwelahan. Nakakapunta pa ‘ko sa ibang probinsya. Hindi ako mag-e-exam pero kakausapin ko ‘yung prof ko, sasabihin ko na may mga ganitong activity. Dahil pinagkakatiwalaan nila ‘ko na hindi naman ako pabaya sa pag-aaral, pinapayagan nila ‘ko. Nag-e-exam ako pagkatapos na ng activity ko, ganyan.

Kasabay rin nu’n, ako ‘yung president ng academic organization namin sa school.

 

ANO BA’NG KURSO MO?

Psych. AB Psychology ako. Nagkasabay minsan na may pajama party kami sa academic organization namin tapos may ED din. E, ako ‘yung presidente ng org namin, hindi ako nakapunta sa ED! Hahaha! Nasayang ko ‘yung pagkakataon na ‘yun kasi du’n din sana ako bibigyan ng MK (MKLRP – Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino).

 

HINDI KA BA PINIGILAN NG MGA TEACHER O KAKLASE MO NA BAKA MAKAAPEKTO SA PAG-AARAL MO ‘YUNG PAGKILOS MO?

Siguro dahil ‘yung eskwelahan namin may isyu dati na naghukbo ‘yung mga estudyante, tingin nila na ‘yung organisasyon na sinasalihan ko ay aktibista, rekruter daw ng hukbo, ganyan-ganyan. Sa unang bahagi hindi naman nila ako sinasabihang ‘wag ka d’yan’. Sabi lang ‘mag-ingat ka d’yan.’ E di, ‘ok!’.

 

PAANO MO BINALANSE ANG PAG-AARAL AT PAGKILOS LALO NA’T ISKOLAR KA?

Pwede kong isantabi ang pag-aaral ko. Babalikan ko siya pagkatapos ng activity. Kaya hindi naging hadlang ‘yung pag-aaral ko sa pagkilos— o baligtarin natin— hindi naging hadlang ‘yung pag-kilos ko sa pag-aaral, ganyan.

Kung nandu’n ‘yung kapasyahan mo na lumaban at ‘yung diwa mo na talagang maglingkod sa estudyante at mamamayan, kahit ano’ng panahon ‘yan, pwede kang lumarga. Hindi ‘yun nagiging rason basta nandu’n ‘yung diwang palaban mo.

Nu’ng fourth year, naging chair ako ng isang University-wide na organisasyon. E di, mas lalong humihingi ‘yun ng panahon sa pagkilos dahil ako nga ‘yung nakatoka. May campaign din, ‘yung pagpapataas ng budget para sa mga State universities kasi may banta pa rin ng pagtataas ng tuition.

Kaya nagpapaliwanag kami sa mga estudyante, hindi dapat burden ng mga estudyante… mga chuchu…dapat ‘yung gobyerno ‘yung singilin natin, ganyan. Another round ng petition ulit! Petition signing, recruitment, ED, RTR na prop ‘yung pinagpapalit-palit na ginagawa namin sa loob ng school.

Nagampanan ko naman ‘yung mga ganu’n habang nag-aaral. Tapos nagti-thesis pa ‘ko nu’n. Thesis. OJT. Yung OJT ko, thrice a week ‘yun pero sa pagitan nu’n pumapasok ako sa school para du’n pa rin sa kampanya, rekrutment, ED.

Kaya ayun, bongga lang ‘pag naiisip ko. Tumbling. Lagare! Hahaha!

 

ANO ANG NAGING EPEKTO NG PAGIGING AKTIBISTA MO?

Karerista ako nu’ng hindi pa ‘ko aktibista. ‘Yung goal ko talaga, maka-graduate nang laude— cum laude, ganyan. Dapat maintained yung grades ko, dapat college scholar ako lagi.
Nu’ng nagtibak ako, mas tumaas pa ‘yung grado ko, nag-university scholar pa nga ako. Kaya sabi ko, hindi talaga hadlang ‘yun. Kapag nakikita mo, mas lumalawak ‘yung pang-unawa mo sa mga bagay-bagay; mas matalino ka sa loob ng eskwelahan. Di ba? Totoo naman ‘yun, e. Kasi hindi ka nakakulong sa apat na sulok ng pamantasan. ‘Yung teoryang nakukuha natin, mas naa-apply ko nga lalo’t psychology ‘yung kurso ko: paano naaapektuhan ng lipunan ‘yung pag-iisip ng tao. Mga ganu’ng eme! Hahaha!

 

CUM LAUDE KA NU’NG NAGTAPOS NG KOLEHIYO, HINDI KA BA KINUMBINSI NG PAMILYA MONG MAGTRABAHO?

Pag-graduate ko, hindi agad ako umuwi sa bahay namin. Agad-agad, pumakat ako pagkatapos ng graduation. Kinukumbinsi ako ng nanay ko na umuwi kasi parang may salo-salo sa bahay. Alam mo na, graduation tapos may honors pa ‘ko. Pero sabi ko, wag na. Parang hindi ko na rin inisip ‘yung mga pahanda-handa. ‘Yung mga ka-batch ko ng hayskul may mga laude rin. E di kantyawan, ‘pakain ka naman!’Pero after how many months later pa ‘ko bago umuwi sa bahay namin. E di wala na, panis na! Hahaha!

 

ANO’NG GINAWA MO? SA’N KA PUMAKAT?

Nagkomyu (community) kami nu’ng bakasyon. Nag-school-based din ako pagkatapos. Pero ang mungkahi ko du’n sa mga kakolektib (collective) ko, ayoko du’n sa pinag-aralan ko. Gusto ko sa iba na. Kilala kasi ako ng mga dean, mga prof.

Tapos parang pinepersonal kasi ako dun e. Nu’ng wala na ‘ko sa school, may narinig akong kwento na sabi raw ng OSS namin, hindi naman daw ako deserving mag-cum laude chuva-chuva kasi nga raw tibak ako, ganyan. Bitter! Hahaha!

 

KAILAN KA SUMAMPA SA HUKBO? PAANO ‘YUNG PAGHAHANDA MO?

Two years ako sa YS bago ako nag-CS. Comedy lang ‘yung pagpasok ko sa sona (sonang gerilya) nu’n kasi hindi naman talaga ako magti-TOD (tour of duty). Parang meet and greet lang sa mga hukbo, ganyan. Kasama ko ‘yung mga bagong KM, pinapakilala sa kanila ano ang hukbo, eme. Ako naman joiner. Tapos parang ako ‘yung naantig ba, na magpaiwan! Hahaha!

Di ba kampuhan nga ‘yung pinasukan namin, ED festival. Meron du’n isang kasama na gusto nang magpahayag ng pagpupultaym pero 16 years old pa lang so hindi pa pwede. Parang naisip ko, ‘hala siya naiisip na niyang magpultaym kahit 16 pa lang siya, pero ako 22 na ‘ko, hindi ko man lang maisip ‘yun.’ ‘Yung mas bata sa‘kin nakakaisip nang magpultaym kesa sa’kin na mas matanda. “Ano ba, teh?” Ganu’n ‘yung feeling ko.

Tapos meron pang isang kasamang kadre-militar na galing sa lokal, medyo hirap magbasa. Pauwi ako sa kubo ko, nakita ko siyang nagbabasa nang malakas “DA-PAT-PAG-A-RA-LAN…” Matanda na siya. Sabi ko, ‘Ano ba ‘yan!’ Parang na-antig na naman ako. Dito ka na talaga, teh! Hahaha! Eto na talaga ‘yun. Kasi parang ang husay-husay na niyang kadre-militar pero gusto pa niyang mas mahusay na paglingkuran ‘yung mamamayan sa pamamagitan ng pagtataas ng kamulatan sa taktika ng pakikidigma. Kahit na hirap siyang magbasa pero dahil gusto niya, pinu-push niyang magbasa. Sabi ko sa sarili ko, ‘Ikaw ganito, nakapag-aral ka pa!” Hahaha!

 

WALA PA BA SA PLANO MO ANG SUMAMPA SA HUKBO?

‘Yung isang kasama ko lang talaga ang magti-TOD. Wala talaga ‘kong balak magpaiwan. Gusto ko pang mag-aral. Gusto kong magdoktor kasi pangarap ko yun. Nakahiram na ‘ko ng reviewer, nagpaalam na ‘ko sa nanay ko magte-take ako ng entrance exam.

Nasabi ko na rin sa mga kasama sa kampuhan na gusto kong magdoktor. Sabi nila, “E di dito ka na lang magdoktor.” Totoo rin naman, pwede naman talaga. Sa sampung taong namamatay, pito du’n ‘yung hindi nakakakita ng doktor bago mamatay. E lalo dito na sobrang layo ng ospital. Hirap talaga ‘yung masa kasi nga mamamatay na ‘yung pasyente pero nandito pa rin sila sa baryo, nandyan ka pa rin sa daan. Mamamatay na ‘yung pasyente pero papunta ka pa lang.

Tapos napag-isip-isip ko kung magdodoktor ako, sino ‘yung paglilingkuran ko? Syempre ‘yung mayayaman pa rin, ganyan-ganyan ‘yung rason ko. Isa ‘yun sa factor kung bakit ako nagpahayag na magpaiwan for one month.

Pero hindi ko pa naaabot ‘yung one month, nagdeklara na ‘kong magpultaym talaga sa hukbo. Aside sa comrade pressure, hahaha ‘yung eklabu ng mga kasama na “gusto nga nating baguhin ‘yung chuva-chuva,” nag-decide na rin talaga ‘ko.

 

MAHIRAP MAG-DECIDE PARA SA KAGAYA MO ANG SUMANIB SA HUKBO, PERO MAS MAHIRAP ‘YUNG MANATILI. PAANO KA TUMAGAL NANG MAHIGIT ISANG TAON NA?

Actually, wait lang kuha lang ako ng English ko. Pengeng panyo! Hahaha!

Ano, nakakatagal naman, e di ngayon isang taon at tatlong buwan na ‘kong pultaym. Syempre sa buhay hukbo naman talaga, hindi lang naman puro saya. May kakambal siyang sakripisyo, lungkot sa pagka-miss sa pamilya mo, sa labas… sa pagkain, char! Hahaha! ‘Yung bag ko nga dapat hindi nawawalan ng pagkain e. Kahit hindi mo kakainin basta nakikita mo ‘yung pagkain, pang ano lang, pampataas ng morale, “Uy may pagkain pa ‘ko!” Hahaha!

Sakripisyo at sakripisyo din talaga ‘yung ibibigay mo.

Hindi lang ‘yan hirap sa lakaran, kundi ‘yung sa morale din. Pero dahil sabi nga ni Mao, “’Yung katapangan ay nagmumula sa kamulatan natin.” Kaya ang dapat na pini-feed mo lagi ay ‘yung kamulatan mo—‘yung ideo ba—‘yung pagpapataas ng ideo. Para malampasan mo kahit na anong hirap. Kasi ‘yung diwa mo, nakaturol du’n sa layunin mo mismo, ‘yung prinsipyo natin na lumaban. Lagi’t lagi, parang napapansin ko sa sarili ko nagbabasa ako ng dokumento, o kahit na ‘yung I Engage pati ‘yung diary ni Tuy sa Vietnam, kapag nakakabasa ako kahit ilang pages lang, yakang-yaka ko kapag lakaran. Kayang-kaya mo talaga basta may kapasyahan ka. ‘Yun nga, ‘yung katapangan ay nagmumula sa ating kamulatan, sabi ni Mao.

 

‘YUNG PHYSICAL NA HIRAP, LALO NA ISANG BABAE, PAANO MO NILALAMPASAN?

Syempre dahil nga ano… malaki ako! Hahaha! Talagang hirap na hirap din sa akyatan. Hirap pa ‘yung pack ko. May baril pa ‘ko. Pero dahil nga sa mga kasama, hindi ka naman iiwan n’yan, e. Tutulungan at tutulungan ka. Papasanin ‘yung bag mo kapag hirap ka na talaga. Tutulungan ka nila hanggang sa unti-unti mong malagpasan ‘yung mga kahirapan, ganyan.

Bilang babae… hassle ‘pag tag-ulan. Mahirap din yung hindi makaligo. Tapos duduguin ka pa! Pero unti-unti, makakasanayan din.

Dati nu’ng kampuhan, hindi pa ‘ko hukbo nu’n, gumagawa ako ng sampayan. Pero hindi ako marunong magtali kagaya ng ginagawa ng mga kasama ‘yung hindi lumalaylay. Tapos 30 minutes nang nakasampay sa balikat ‘yung basa kong damit, hindi pa rin ako tapos. Umuulan din nu’n, gusto ko nang magsampay kasi nangangawit na ‘yung braso ko. Paano ba ‘to? Shet ayoko na! Hahaha! Sampayan pa lang ‘yun ha! Pero ngayon napag-aralan ko na, yakang-yaka na! Ilang buwan lang din, marunong na ‘kong gumawa ng sariling tent. Chicken!

Nung pumasok ako, may dala akong wipes (wet tissue paper). Good for yung stay ko lang. Kaso nagdesisyon nga akong magpaiwan na. Habang nauubos ang wipes ko, unti-unti akong natuto gumamit ng dahong pamunas pag nagbawas. Ngayon, alam ko nang ang dahon ng saging ang pinakamalambot na pamunas.

 

ILAN KAYONG BABAE SA YUNIT?

Less than 10? Tapos ilan lang ‘yung may asawa du’n, dalawa. ‘Yung isa may anak na, ‘yung isa wala pa. Pero pagka pati ‘yung kasama sa ibang yunit, mga 20 siguro. Parang pinaliit na platun.
Haluan din. May mga peti-b (petty bourgeois) galing Maynila, meron ding lokal. Maraming galing sa hanay ng kabataan.

 

ALIN PA ‘YUNG MGA KARANASAN MONG SOBRA KANG NAHIRAPAN?

Siguro sa lakaran mismo. Du’n pa ‘ko nag-a-adjust talaga, e. Lalo ‘yung mahirap na lakaran – maputik, maulan, mataas ‘yung putik sa dadaanan mo, tapos may komand pa na hindi pwedeng mag-ilaw kasi nga may kaaway sa paligid. Nu’ng nasa recovery area kami, yung half day paakyat, half day pababa sa bundok. Ang hirap din nu’n.

Du’n ko naranasan na two weeks hirap sa pagkain. ‘Yung galyang ‘yung ulam mo, galyang din ‘yung kanin mo. Ima-mash mo ‘yung galyang tapos ‘yun na rin ‘yung ulam mo. As in wala na talaga. Pati ‘yung pagsasawsawan mo ng galyang ‘yung mamasa-masa nang asin, as in! Sabi ko, ‘ano ba ‘to?’

Meron pa, ‘yung walang-wala na talagang bigas, walang kape, walang asukal. Wala talagang supply. Pinipigilan din ng mga kaaway na may makapasok na supply. Kahit ‘yung pagkain ng mga masa, hindi inaaprubahan. Pinapababa nga nila sa baryo para hindi raw sila makapagdala ng pagkain sa mga NPA.
May mga pagkakataong sampung araw na walang liguan.

Merong maghapon ka na ngang basa, uulanin ka pa. Pero walang bumaba (umalis sa hukbo) nu’ng panahon ng kahirapan na ‘yun.

 

NARANASAN MO NA BANG MAPALABAN? ANO’NG NARAMDAMAN MO?

Nu’ng parehong panahon din na ‘yun, nu’ng wala kaming makain. First time ko nu’n. Hindi naman ako masyadong kinabahan, ganu’n. Kinabahan ako nu’ng unang putok. Akala pa nga ng marami sa’min, kawayan lang na natumba. Pero nu’ng sunod-sunod na, hindi na ‘to kawayan, kaaway na to! Hahaha! Laban na pala ‘yun.

Nu’ng una, dahil nga first time ko makarinig ng putok, hindi ko alam ‘yung gagawin ko. Kinuha ko lang ‘yung pack ko tapos ‘yun, sumunod na ‘ko sa komand. Nahirapan akong kunin ‘yung turod kasi susi nga ‘yun, dahil nga mabigat ako-may pack pa ‘ko, may baril pa, malubak pa.

‘Yun naman, kailangan may presence of mind ka, ganyan.
May ise-share pa ‘ko pero pagkain na naman, e. Hahaha! Dahil du’n sa duration ng walang pagkain, walang supply, ‘yung breakfast namin nu’n ‘yung saging na matigas pa. ‘Yun ‘yung pinang-umagahan namin bago kami napalaban. Tigdadalawang saging ‘yung S4 (supply) namin. ‘Yung saging na ‘yun ‘yung nagbigay lakas para harapin ‘yung kaaway. Dalawang saging ka lang! Hahaha!

Hindi mahirap ‘yung laban pero mahirap ‘yung atras. Lalo na nu’ng may helicopter na. Feeling mo lagi kang nakikita nu’ng helicopter. ‘Hala baka mag-machine gun ‘yan!’ ganyan-ganyan. ‘Yun ‘yung worries naming mga first time napalaban.

Masaya pag nababalikan, nakakatuwa na nalagpasan lahat ng ganu’ng kahirapan.

 

PAANO KUNG TUMATAMA ANG LUNGKOT?

Minsan talaga napupuna ‘ko sa hindi ko pagsasabi ng mga problema ko. Tunganga lang ako, sa duyan lang ako, sa kubol lang ako. Pero sinisikap ko rin sa sarili ko na mag-open up kasi nga mahirap talaga pag may bagahe. Mas mahirap ‘yung bagahe sa isip kesa ‘yung bagahe mo na nakapasan sa likod mo, ‘yung pack mo. Pak!

Totoo naman, di ba? Mas madaling maglakad na malaya ‘yung isip mo. Kahit nga ‘yung wala kang dala, kapag may mabigat kang iniisip, ang hirap maglakad, di ba? Mahirap makalayo, mahirap makarating sa gusto mong puntahan.

 

ANO NAMAN PARA SA’YO ANG PINAKAMASAYANG KARANASAN?

Nu’ng na-witness ko ‘yung mismong pagtatayo ng rebolusyonaryong gobyernong bayan, ‘yung eleksyon ng mga opisyales, ‘yung pagbabalangkas ng plano, ‘yung programa ng isang buong taon, ‘yung kung paano mamamahala sa buong baryo.

Tapos itong kakatapos lang na anti-pyudal na kampanya – kung paano siya nabalangkas na tumurol sa pakikipagdayalogo ng mga magsasaka na naipagtagumpay na mapababa ang porsyento ng mga pautang sa kanila, ganyan.

Sa ngayon, ito rin siguro ‘yung isa sa pinakamasayang inilunsad ng mga hukbo na anti-pyudal na kampanya.

 

ANO’NG NAGING REAKSYON NG PAMILYA MO NU’NG NALAMAN NILANG SUMAPI KA NA SA NPA?

Huling uwi ko nu’ng May, nung eleksyon. Tapos June kami pumasok sa larangan. Mga bandang August, nagpapaalam ako na uuwi na muna pansamantala. Magpapahayag lang ako na magpupultaym na. Hindi ako pinayagan. Bandang November nang sumulat ako sa kanilang naghukbo na ‘ko, walang reply! Hahaha!

Later, nagpaabot sila na uwi raw muna ‘ko. Para raw maalis ‘yung hinala ng mga tao na NPA na ‘ko. Sabi ko, ‘hayaan mo, mapapagod din ‘yan!’

 

NAKADALAW NA SILA SA’YO DITO SA SONA?

Hindi pa. Takot pa sila

 

E, IKAW? NAKADALAW KA NA BA ULI? ANO’NG REAKSYON NILA?

Nitong nakaraan nakauwi ako. Kasama ko ‘yung isang ka-buddy. Naiyak ‘yung nanay ko kasi pumayat daw ako! Tears of joy? Hahaha! Kwento lang ng ka-buddy ko, kinausap daw siya ng nanay ko. “Alam mo,” iyak-iyak daw ‘yung nanay ko, “Bakit, ‘nang?” sabi niya. “Si Rio, ngayon lang pumayat ‘yan!” Tapos tawa nang tawa ‘yung ka-buddy ko habang kinukwento sa’kin, ganyan.

Tapos nu’ng pumunta kami ng palengke, sabi ng nanay ko, “Hala! Mangongotong kayo?” Sabi ko, “Hala! Ganu’n mo ba ‘ko tinitingnan? Grumadweyt ba ‘ko para mangotong lang? Kung talagang mangongotong ako, ‘Ma, magtatrabaho na lang ako! Mas malaki kotong du’n!” Hahaha! Hindi na siya nagsasalita kapag sinasabihan ko nang ganu’n.

 

HINDI SILA NANUMBAT SA’YO? ‘YUNG KARANIWANG SINASABI NA PINAG-ARAL KA PA NILA?

Wala akong narinig na ganu’n. ‘Yung tatay ko, sabi ko, “Pa, gusto ko ng pizza.” Sabi niya, “Magkano ba ‘yung magpatayo ng tindahan ng pizza? Magganu’n ka na lang dito!” Hahaha! Magbenta na lang daw ako ng pizza! Haggard! Alam din ‘yung kahinaan ko, e. Pagkain! Hahaha!

Pero unti-unti, kapag nakikita ng magulang na decisive ‘tsaka determinado tayo sa ginagawa natin, susuportahan naman talaga nila tayo. Na dito nila nakikita na masaya ‘yung anak nila.

 

PAANO KA NILA NGAYON SINUSUPORTAHAN?

Pagkain din! Hahaha! Nagdrama lang ako, sinubukan ko lang manghingi ng grocery. Sabi ni Mama, ‘O sige papadalhan kita.’ E, di sinabi ko ‘yung mga pangangailangan ko. Tapos sabi niya, “Kailan mo raw babayaran ‘yang grocery, sabi ng Papa mo?” Hahaha!

Tawa ‘ko nang tawa kasi hindi na ‘yung pag-uwi ko ang tinatanong ng tatay ko, ‘yung pagbabayad na ng grocery!

Nu’ng umuwi ako, sinamahan pa ‘ko ng nanay at ate ko sa pagbili ng mga gamit pagbalik. ‘Yung ate ko pa ‘yung nag-empake ng gamit ko. Happy! Bawas bagahe.

 

PAANO MO SILA INIHANDA SA GANU’N? MAY CONSCIOUS EFFORT BA PARA IHANDA ‘YUNG MGA MAGULANG?

Wala. Kasi ako nga mismo hindi handa! Hahaha! Surprise sa ating lahat!

Nu’ng hindi pa ako KM, nakapunta na ang mga tibak sa bahay. Du’n sila nag-Christmas. Tanong sa’kin ng nanay ko, “Nak, aktibista ba ‘yang mga kasama mo?” Sabi ko, “Hindi!” Ganu’n ‘yung tanggi ko. E, hindi ko rin alam pa nu’n kung aktibista nga sila. Hindi pa naman ako gaanong mulat kung ano ‘yung aktibista. Pero nu’ng nagra-rally-rally na ‘ko, feeling ko alam na nila.

 

PINAPALIWANAGAN MO SILA NG MGA GINAGAWA MO?

Oo, kinukwento ko sa kanila. Halimbawa ‘yung pakat sa community, ‘yung mining, ‘yung pagsasamantalang malapyudal, mga ganu’n-ganu’n. Tapos mga karanasan ko rin sa eskwelahan.

Naiintindihan naman nila kasi syempre nararamdaman din nila ‘yung hirap. ‘Yung korupsyon mismo ‘yung nakikita nilang rason kung bakit nga naghihirap. Kaya lilinyahan na lang ‘yung kaalaman nila. Papalamnan ko na lang ng anti-imperyalistang linya para wasto ‘yung pagsusuri nila.

 

NAGKUKWENTO KA RIN NG MGA NAGIGING KARANASAN MO RITO SA SONA? ANO’NG REAKSYON NILA?

Oo, nu’ng sumulat ako. Sabi ng mga kasama dito nu’ng pinabasa ko sa kanila, “Hindi naman ‘to sulat, e! ED to, e!”

Reaksyon? E, di mayat! Ok naman. Haha! Pero syempre dahil magulang sila, ang worry lagi nila ay ‘yung security. Sabi ko nga sa kanila, “dito nga nagpapamahagi na kami ng lupa!” Sabi ng Papa ko, “Pero inaanop (hina-hunting) naman kayo ng mga kaaway!” Sabi ko, “Ganu’n talaga kasi sila ‘yung nagkakait ng lupa sa mga magsasaka. Talagang ganu’n ‘yung gagawin nila. E, kami ‘yung nagpapamahagi ng lupa sa mga magsasaka.” Tapos hindi na nakaimik ‘yung tatay ko.

“Basta mag-ingat ka na lang d’yan,” ‘yun lang sagot niya. Tanggap na nila na dito na talaga ako.

 

LABLAYP?

Wala! Hahaha!

May naghapag dati ng program. Tinanggap ko for a time, binigyan ko ng one month pero wala talaga, e. Pero ayoko muna. Paunlad muna, hmmm char!

Syempre, dahil naman ikaw ay kabataan, meron ka ring prospect minsan, nagugustuhan, ganyan. Pero dahil nga ano…. Haayyy… bumaba siya.

 

ANO’NG PAKIRAMDAM MO KAPAG MAY MGA KASAMANG BUMABABA?

Nakakalungkot syempre. May mga naging ka-buddy rin ako na nawala na. Syempre ‘yung layunin na mag-maintain, magparami ng hukbo, magpasampa. Pero ‘yung kasama mo sana sa pagpaparami, sila naman ‘yung umuuwi.

Pero syempre, hindi naman nila iniuwi ‘yung rebolusyon.

 

ANO ‘YUNG PINAKA HINDI MO MAKAKALIMUTANG REGALO, ‘YUNG GALING SA LABAS?

Ano ‘to, slumbook? Hahaha!

Mas natutuwa talaga ako ‘pag may sulat. Pero syempre mas matutuwa pa ‘ko kung may pasalubong na pagkain ‘yung sulat! Hahaha! Palagi kong inaasahan, kapag may galing sa ibang larangan o sa lunsod, lagi kong tinatanong kung may sulat ba. Syempre nami-miss ko sila.

 

ANO’NG MOST LOVED MONG KARANASAN?

Slumbook nga ‘to! Hahaha!

Marami, lalo na dito sa sona. Sabi ko nga sa nanay ko, ‘wag mag-aala dahil marami akong nanay dito na nag-aalaga sa ‘kin.
Meron pa nga ‘yung halimbawa ‘pag nagpa-pack up na, lalakad na kami, feeling ko nagagalit yung masa. Ayaw paalisin ‘yung hukbo, ‘yung ganu’n. Gusto pa nilang mag-stay ‘yung hukbo. Syempre hindi naman pwede dito na lang tayo forever, ganu’n. Gusto pa nating magpalawak, ganyan.

Meron pa ‘yung iba, syempre dalaga ako, ‘yung iba gusto akong manugangin, ‘dito ka na lang.’Tapos meron pa ‘yung isang nanay na nagsabi, “Pag ikakasal ka, dito ka na lang magpakasal, ha. Para malapit lang ako.” Natatawa na lang ako ‘pag nakakarinig ng ganu’n.

Tapos ‘yung mga simpleng mga gamit. Mga gamit na kahit hindi ka humihiling kusa silang nagbibigay. Mga shampoo, mga sabon, kahit bag. Parang mahihiya kang tanggihan kasi nga bigay nila ‘yun. Kunin mo na lang.

Lalo ‘pag mainit ka rin makipag-usap sa kanila, talagang tatatak ka sa kanila. Hindi ka makakalimutan ng masa. Kahit simpleng pagtatrabaho lang sa loob ng bahay. ‘Yung dapat hindi nagtatrabaho ‘yung masa kapag nand’yan ‘yung hukbo. May magluluto, maglilinis, parang ganu’n. Rotation ‘yung mga kasama sa pagtatrabaho. Parang ayaw na nilang paalisin ‘yung mga hukbo.

Tapos ‘yung kahit gaano kalayo at nakakapagod ‘yung lakaran, kapag sinalubong ka nila nang kasing init ng iaalok nilang kape, ‘yun ang pinakamasarap.

 

MAY NARANASAN KA NA BANG NAHIRAPAN KANG MAKITUNGO SA MASA?

Mas sa expansion area, du’n sa ibang probinsya. Kami rin kasi ‘yung nakatoka. Team lang kami. ‘Yung isang sityo, pupulungin tapos bubuuan ng GP (grupong pang-organisa). Dahil nga expansion, tapos dekada nang hindi nakakadalaw ‘yung hukbo doon – mahirap, makunat. Pero dahil assertive tayo tapos hindi napuputol ‘yung pagpapamulat, pagpapataas bakit kailangang itayo ‘yung GP, pumayag din silang itayo ‘yung GP.

Pakikisama. Kasi ‘yung masa nu’n, ‘yung sa pakikisama, mahirap. Parang matigas sila. Parang ayaw magpatayo [ng GP]. Pero dahil may kinikilala silang panglakay(?), pinakamatanda sa sityo, ‘yun ‘yung sinusunod. Syempre du’n ka mag-i-invest ng pamulat. E di pumayag sila na tayuan ng GP.

Kasi isyu sa kanila, tres pesos ‘yung gabi per kilo. Luya, tres pesos. Pero pagdating sa palengke, mahal na. ‘Tsaka ‘yung sa mining area. ‘Yun ‘yung isyu sa kanila nu’n, kaya ayun naman ‘yung ipinaliwanag sa kanila. Kasi punung-puno rin ng isyu sa kanila. ‘Yung pyudal na pagsasamantala tapos ‘yung mining.

 

ANO’NG PINAKAMALAKING NAGBAGO SA’YO NGAYONG NASA HUKBO KA NA?

Pang-miss universe? Pengeng tubig! Hahaha! My pamili…. Hahaha!

Siguro ‘yung… dati mahiyain ako humarap sa mga tao. Pero ngayon, ‘yun ang isang na-breakthrough ko sa sarili ko, ‘yung pagkamahiyain.

Na-strengthen din ‘yung pakikisama at pakikitungo ko sa masa at mga kasama. ‘Yung madali akong makibagay sa kahit anong klaseng tao.

Tapos ‘yung lumawak ‘yung pang-unawa. Dati parang punung-puno ako ng subjectivism. “E bakit ganito? Dapat ganito! Dapat ganito!” Idealism at subjectivism. Ngayon, napag-aralan ko na, at patuloy pa ring pinag-aaralan syempre, na lawakan pa ‘yung pang-unawa. Lalo at ‘yung isang nakatokang gawain sa akin e ‘yung pagpapataas ng morale sa mga kasama. Pagtulong kung paano ang pagresolba sa mga personal nilang problema. Dapat ikaw mismo, ganu’n ka rin sa sarili mo.

Pero syempre, ‘yung pinakaimportante du’n, ‘yung kapasyahan mo na kapag may gusto ka talagang gawin na pagpapaulad sa sarili mo, syempre ibukas mo ‘yung sarili mo sa pag-unlad. Tulungan mo ‘yung sarili mo para umunlad ka. Kaya ‘yung lahat ng gawain, kung gusto mong matutunan, ‘yun ‘yung dapat mong maging aktitud. ‘Yung gusto mo laging may matututunan. ###

1 Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.

*

Latest from Mainstream

Go to Top