isinalaysay kay Ester Martires
Dalawang linggo ang ipinaalam niyang “bakasyon” sa mga kakolektibo niya. Kasama na rito ang ilang araw na biyahe papunta at pabalik. Kalkulado ang haba ng oras ng byahe; kung gaano kahaba ang lalakarin lalo’t maulan (at petiburges/laking lunsod siya); at kung gaanong ibayong pagtalima sa mas pinahigpit na palisiya sa byahe.
Ilang linggo pa lang mula nang ibaba ng Malacañang ang Memorandum Order 32 na nagdagdag ng pwersa ng pulis at militar sa rehiyon ng Bikol at sa mga probinsya ng Negros Oriental, Negros Occidental at Samar.
Pero mas maigting ang pananabik at determinasyon niyang makapasok, sa unang pagkakataon, sa larangang gerilya. Dagdag pa sa kanyang pananabik ang nalalapit na pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas na gaganapin sa eryang kinikilusan ng Bagong Hukbong Bayan sa ilalim ng Rodante Urtal Command sa Samar.
Makalipas ang mahigit isang linggong pakikisalamuha sa hukbong bayan, nagdesisyon siyang manatili at magdeklarang fulltime na pulang mandirigma.
Narito ang kaniyang kwento.
UNANG HAKBANG
“Sabi ko sa kolektib (collective) ko, magpapaprograma ako mag-CS (larangang gerilya). Halos lahat sila nakapunta na sa mga taunang anniv (anibersaryo). Sabi ko, magtu-two weeks ako para matagal ang stay. Sayang naman ‘yong panahon na walang pasok.
In-expect ko naman ‘yong ganito talagang sitwasyon, ‘yong mahirap umakyat. Kasi marami na rin naman akong ka-collective na nagkukwento. Sa tingin ko naman kakayanin ko or kung hindi man, and’yan naman ‘yong mga kasama para ikonsolida ka, ganyan.
Dapat magkasama kami ni Rei, ‘yong kasama kong galing na rin sa ibang larangan. Kaso may kailangan siyang kausapin sa kabilang larangan. E, hindi raw ako pwedeng pumunta do’n. So, magkahiwalay kami. Sobra akong kinakabahan kasi wala talaga akong idea. First time ko ‘to.
Bilin nang bilin si Rei, ‘O ganito, ganyan-ganyan. ‘Wag kang mahiyang magtanong. Magpa-buddy ka. Wag kang mag-isang maliligo. Maglagay ka ng efficascent.’ Sobrang nanay! Hahaha!
Kinabahan ako kasi una, language barrier. Ang hirap makipag-usap. Buti na lang maraming nakakapag-Tagalog. Medyo mabilis akong nakakaintindi ng mga sinasabi nila kasi marunong ako ng salitang Bicol. Saka basic at may context naman.
Sobrang swerte ko kasi ‘yong mga kasama, sila mismo ‘yong lumalapit para magtanong, makipag-usap. So, ang mode na lang ay sumagot do’n sa mga tanong. Hahaha! Bago talaga lahat. Hindi lang sa mga tao, pati sa environment.”
PAGLABAS SA KINAMULATAN
“Malaking tulong na may scholarship ako no’ng college. Bawas na ako sa iisipin ng magulang ko. So, ang pinaka-main goal na lang talaga e maka-graduate—makatapos ng pag-aaral, makapasok sa magandang paaralan lalo na sa kolehiyo—tapos makatulong sa pamilya at magkapamilya rin nang sarili.
Pero hindi rin ganoon ipinupursige ng mga magulang ko ‘yong magka-career ako dahil babae naman ako; mag-aasawa lang din naman. May takdang edad sila na dapat by 26 may asawa ka na. Sa kolehiyo, e di mas namulat na hindi naman kailangan na magpamilya kaagad. Parang pwede namang mag-focus muna sa career—women empowerment, ganyan. Unti-unti akong namulat na hindi naman kailangang isantabi ‘yong mga pangarap dahil babae ako. Mas gano’n na ‘yong naging mode.
Matindi rin noon ‘yong issue ng free education sa college. Ang pagtingin ko pa no’n okey naman ‘yong sistema na kung may pera ka, e di magbayad ka. E marami rin ‘yong nagpu-push ng “Hindi! Scrap natin! Kailangan free education!” So, mas na-curious ako sa gagawin ng school kung walang magbabayad ng tuition? Kasi ganyan talaga ‘yong sistema ngayon. Hindi kasi sila nagsisikap e. Nando’n ako sa pagtingin na ‘yon.
Tapos highschool pa lang, may mode na ‘wag kayong sasali ng mga rally-rally’ sa college. Hindi naman negative ang pagtingin ko sa mga aktibista no’n. Mas sa akin, ano ba ‘yong ihahain nilang alternative solution?
Dahil solusyon ang hanap ko, sumama ako sa pag-aaral nila. E di, kumbinsido naman ako. Pero wala pa ‘ko do’n sa mode na sumali talaga. Hindi ako nagpa-member. Nando’n din kasi ‘yong connotation na ‘pag aktibista ka, hindi nakaka-graduate.”
PAGHAHANAP NG GIYA
“Tuloy-tuloy pa rin ako no’ng second year. Naengganyo akong sumali kasi napadalas na ‘yong mga pag-aaral tapos marami na ring mga kaibigan na kasali na. So, parang hatak din ng barkadismo, gano’n? Hahaha! Nag-decide akong sumali pero hindi pa ‘ko nag-active.
Pagtuntong ng third year, doon na ako mas lumubog sa gawain. Nagbibigay na ako ng mga pag-aaral. Mas dumalas na ang pakikisalamuha sa mga tao labas sa unibersidad. Lumawak ang mundo. Tapos February no’n, may nag-invite na sa akin na sumali sa underground organization ng kabataan—‘yong Kabataang Makabayan. Do’n na rin ako pinasumpa.
Naging mas malalim na ‘yong commitment ko. Pero kasabay din no’n ‘yong pagtatago sa magulang. Dahil Journalism ang course ko, ang dali kong nailulusot—kasi may legwork; field; kailangan sa project, kailangang may interbyuhin.
Hindi ko rin naasikaso ‘yong pagma-mass work sa pamilya. United naman sila sa mga issue. Alam naman nilang may maling nangyayari, e. Pero ang mode nila, tanggapin na lang natin kasi ganyan na ‘yong nangyayari. Kailangan silang paliwanagan kung ano ang dapat. ‘Pag nagkukwentuhan kami, parang katulad ko rin sila, nagtatanong sila—o bakit ganito? Anong magiging solusyon d’yan?”
REBELYON SA URI
Ang mode ko pa rin noon kahit kumikilos, maka-push pa rin na maka-graduate. Tinapos ko ‘yong thesis ko. Tapos e di ‘yon, naka-graduate. Tingin ko, okey lang naman na magtrabaho ako. Sa tingin ko ‘yong linya naman ng trabaho ko malaki pa rin ang maitutulong. Tapos mapi-please ko pa ‘yong magulang ko na nagtatrabaho ako. Kung dati napagsabay ko naman ‘yong pag-aaral at pagkilos, e di kaya ko rin naman siguro ngayon kasi mas hawak ko na ‘yong oras ko, mas may resources ako na makatulong.
Five months akong natengga dahil sa sobrang tagal ng proseso ng interview ng kumpanyang in-apply-an ko. Na-depress na rin ako kasi halos lahat ng kasabayan kong grumadweyt nagtatrabaho na. So kinuha ko na ‘yong opportunity do’n sa kakilala ng tatay ko. Kulang na kulang daw talaga ng empleyado.
Dahil sa sobrang demanding sa oras ng trabaho ko, hindi rin talaga napagsabay ang pagkilos. Wala rin ako halos naitutulong sa kolektib ko. Mas abot lang ng resources. Hindi rin ako laging nakakapagpa-update sa kanila. Nakakausap ko sila thru social media, hindi talaga personal kaya hindi sila makapagbigay ng payo kung ano na bang dapat kong gawin.
Naging cause din ‘yong trabaho ng depression. Doon ko napatunayan na kapag namulat ka na, mahirap na talagang pumikit. Sobrang totoo n’ya! Hahaha!
‘Yong mga ini-interview ko, puro pro-government ang sinasabi. Tapos hindi ka makapag-komento. ‘Neutral’ dapat. Buti sana kung “neutral” talaga e, kaso hindi. Kailangan talagang panigan ‘yong government. Gustong-gusto kong magsalita pero hindi ko magawa. Laging pigil. Ako mismo, alam kong hindi totoo ‘yong mga isinusulat ko. Sobrang labag na labag s’ya sa kalooban ko.
Hindi ko ibinibigay ‘yong best ko kasi alam kong wala naman s’yang magandang naidudulot. Hindi ko rin napapaunlad ‘yong sarili ko. Pwede ko pa sanang masabi na ‘Ok, naggo-grow ka. Naho-hone mo ‘yong talent mo’ pero hindi s’ya totoo.
‘Yong work ethics din mismo, hindi rin maganda. Puro basura ‘yong ginagawa ko, basura pa ‘yong paraan ng paggawa. Pero ok lang din naman sa kanila. Hindi rin maayos ‘yong pagtse-check. As in pangit talaga! Hahaha!
‘Yong time na may hinalikan si Duterte, may chat box ‘yong team namin sa trabaho tapos ginagawa pa nilang joke! Gustong-gusto kong mag-leave group kasi puro basura ‘yong pinag-uusapan nila, pero hindi ko magawa.
Tinatanong na ‘ko ng tatay ko noong una pa lang kung kumusta ako. Parang alam din naman n’ya ‘yong mga posisyon ko sa mga bagay-bagay. ‘Kinakaya mo pa ba na ganyan ‘yong mga sinusulat mo? Mga ginagawa mo?’ E di, dumating ako do’n sa puntong sobrang hirap nang lunukin ng mga bagay para sa’kin. Sinabi ko ‘yon sa mga magulang ko. Sinabi ko lahat ng dahilan. Nag-decide na ‘ko na mag-resign. Parang okey naman sa kanila, ‘Sige, kung hindi mo na talaga kaya.’ ”
PAGHAHANAP / PAGTATAGO
“Pumasok na ‘ko sa grupong lilipatan ko noon pa sanang pagka-graduate ko. Nagdeklara na ‘kong fulltime no’n sa grupo ko pero sa magulang ko, nagtatrabaho ang alam nila. Dahil alam nilang nagtatrabaho ako, kailangan kong mag-abot ng pera. So ayon, doble-doble lahat: raket tapos nagpu-fulltime.
Lahat ng nakukuha ko sa raket, binibigay ko sa magulang ko kasi ang alam nila may sweldo ako. Hindi ko rin sinabi na nag-staff house na ‘ko. Alam nila nagbabayad pa rin ako ng bahay para alam nilang may mga gastos ako.
Hindi ko rin kinaya. As in hindi ko na kayang rumaket kasi sobrang dami na ng gawain. Nahihirapan na ‘kong magsinungaling kasi kailangan ko ring umuwi ng weekend sa bahay namin. Nahihirapan na rin akong mag dahilan kung bakit hindi ako nakakauwi. Nag-decide na ‘kong sabihin na nag-fulltime na ‘ko. Aware naman sila do’n sa konseptong fulltime kasi nasasabi ko naman ‘yon lalo na no’ng college na may mga kaibigan akong kilala nila na nag-fulltime na.
Unang tanong agad sa’kin ng tatay ko, ‘NPA ka na ba?” Sabi pa niya huwag daw akong mag-e-NPA! As in ‘yon kaagad! Hahaha!
Sabi ko, ‘Haggard! FT pa lang ako dito sa labas. Hindi pa nga ako nakakapunta do’n (sa sonang gerilya)!’ Sabi ko kung NPA ako, nando’n na ‘ko. ‘Tsaka wala akong baril! Hahaha! Tapos sabi niya, ‘wag daw akong mag-e-NPA; wag na wag daw akong aakyat ng bundok.
Tuloy-tuloy ‘yong pagkumbinsi ng mga magulang ko na pag-isipan ko ‘yong desisyon ko. ‘Pa’no na ‘yong future mo? Kung magpu-fulltime ka, pa’no ‘pag nagkapamilya ka? Sa’n ‘yong trabaho mo?’
Tuwing may chance na umuwi, kukumbinsihin ako ng nanay kong ‘wag nang umalis. Tapos magkaaway kaming maghihiwalay kasi hindi siya papayag na aalis na naman ako.
Tapos ‘yong tatay ko, tinatanong din kung ano bang plano ko. Ituloy ko na lang daw ‘yong dati kong balak na mag-law. Sagot na raw n’ya buong tuition. Ako na lang daw bahala kung sa’n ako titira.
Sunod-sunod ‘yon! – O gusto mo ba ng ganito? Gusto mo ba ng bagong ganyan? – May mga pamba-bribe talagang ginagawa.
Sabi ko, hindi ko naman kailangan ‘yan. Pinapaliwanag ko, di ba nga part ng pagpapanibagong-hubog. Hanggang sa dumating ‘yong time na parang medyo natanggap na nila na gano’n.”
PAGBAKA SA SARILI
“Lagi naman nandoon ‘yong perspective ng magsi-CS ako. No’ng nag-decide akong mag-fulltime sa lungsod, naisip ko na magsi-CS din ako. Kahit naman no’ng college, do’n ko rin naman nakikita ‘yong sarili ko. Pero parang long term pa. Magtatrabaho muna saka magsi-CS.
Tapos no’ng nakasama ko si Rei, kasi galing na rin s’ya ng CS, ang dami n’yang kwento. So, do’n pa lang namumulat ka na. ‘Pag nasa lungsod kasi parang vague pa rin ‘yong tungkol sa agreb (agrarian revolution); totoo ba ‘yong rev government (revolutionary government), parang hindi naman—parang sobrang imposible, parang ang hirap n’yang gawin, or hirap n’yang i-maintain.
Naiisip ko rin kung kakayanin ko ba? Kasi parang mode ko no’ng una, three months muna, six months. Alam mo ‘yon, parang may option ka pa ring bumalik. Sobrang petibs (petiburges) n’ya na gusto mong may back up plan ka lagi—na kung sakaling ayoko na—naka-graduate naman ako so pwede pa rin akong magtrabaho sa labas kung sakaling hindi ko na talaga s’ya kaya.
Tapos nabanggit ni Ka Jag ‘yong “burning the bridge” daw ng pagbalik sa petibs na pamumuhay. Na may mga desisyon s’yang pinili para wala s’yang fallback.
Sabi ko, hala parang oo nga. Hindi mo mapu-fulfill ‘yong sinasabi mong pagpapanibagong-hubog kung ang thinking mo lagi ay may fallback ka.”
PAGSULYAP
“E, di mukhang nabubuo na ‘yong mga kundisyon para mag-fulltime. Ito na ‘yong nakita kong paraan para hindi na ‘ko bumalik sa dating ako. Dito ko na nakikita ‘yong sarili ko, bakit pa ‘ko nag-iisip ng option? Alam mo ‘yon, nakikita ko na ‘yong sarili ko kung pa’no ko kakausapin ‘yong mga masa, kung pa’no ‘ko magpo-propa (propaganda) sa kanila.
Decided naman na ‘ko mag-fulltime. Pero uuwi muna ‘ko after ng anniv. S’yempre para sana mag-ayos ng mga maiiwan. Naisip ng mga kasama dito na baka mahirapang makauwi at makabyahe pabalik. Nabanggit ko rin kasi sa kanila ‘yong hirap namin sa pagso-solicit ng pamasahe. Tapos ayon, matindi na rin ‘yong seguridad.
Paulit-ulit din ‘yong pag-iisip na s’yempre iba ‘yong mga tendensya ‘pag nando’n ka na ulit sa lungsod. Una, kultura. Malaki talagang pagpapanibagong-hubog kasi ibang-iba talaga ‘yong kalagayan dito sa nakasanayan natin sa labas. Kahit fulltime din ako sa labas, iba pa rin ‘yong kultura. Tapos ‘yong ganitong kalagayan na maputik. Tapos ‘yong kinagisnan mong bahay talaga—na may CR—‘yong maliliit na comfort.
Pangalawa, ‘yong usapin sa pamilya. Matindi talaga ‘yong emotional blackmail. Hindi sila aware do’n pero ang laking epekto no’n sa’tin. ‘Yong kailangan mong magpakatatag kasi hihilahin ka talaga. Sobrang hirap lagpasan. Lahat naman daw ng nagpu-fulltime pinagdadaanan ‘yon. Natural lang daw ‘yon.
Wala naman ako do’n sa mode na takot akong mamatay. Kasi given naman s’ya. ‘Yong takot ko lang sa hindi pag-uwi ay mas titindi ‘yong galit ng pamilya ko sa kilusan. Hindi man lang ako nakapagpaliwanag sa kanila. Hindi ko naayos ‘yong mass work sa sarili kong magulang. Kakulangan ko ‘yon na imbes na maintindihan nila, kung hindi man sila sumali, ‘yong pinaglalaban ng kilusan.
Pangatlo, na mas magiging mahirap ‘yong pagkilos dito kumpara do’n sa nakasanayan natin sa labas. Although matindi rin naman ‘yong militarisasyon sa labas pero relatively mas “safe?” Mas dito mo mapapatunayan ‘yong buhay-at-kamatayan talaga ‘yong dahilan ng paglaban n’yo. Mas matindi talaga ‘yong panganib pero sa sitwasyon kasi natin ngayon, pwede nang may mangyari sa’yong masama, e. Mas dito mo maiintindihan ‘yong pangangailangan ng pagtangan ng armas.
Alam mo ‘yon, kung ikukumpara ‘yong mga problema ko sa lungsod, walang-wala s’ya sa problema dito! Hahaha! Kahit wala ako do’n, kakayanin ng mga kakolektib ko ‘yan. Pero dito, kung mas malaki ‘yong pwersa, mas mapapabilis ‘yong gawain.”
PAGKAMPAY
“Napaisip ako sa mga sinabi nina Ka Ambo at Ka JR. Sabi ng mga kasama, malaking bagay raw sa mga parag-uma na may mga tagalungsod na pumupunta dito at nagpu-fulltime. Malaking bagay sa mga parag-uma na may mga tagalungsod—na relatibong mas okey ‘yong buhay at mas may ibang opportunity at option—pero pinipiling pumunta dito.
Sila mismo naiisip nila na ‘Bakit hindi kami kikilos? Bakit hindi kami magbibigay ng same effort na ibinibigay ng mga tagalungsod, eh kami naman ang pangunahing makikinabang sa rebolusyong agraryo?’
No’ng kinausap ko si Ka Jag na magpu-fulltime na ‘ko, mass work talaga ‘yong ni-request ko. Sabi n’ya, ‘E di magpalakas ka muna dito, mag-integrate ka muna nang three months para meron ka talagang panghahawakan na nakapag-mass work ka na—na mas lumubog ka na talaga, nakita mo na kung ano ‘yong mga pwede mong gawin dito. Kesa do’n sa aalis ka nang puro kwento ng mga kasama ang dala mo.
Ngayon, mas positibo na ‘yong pagtingin na magpakahusay sa gawain. Para naman ma-prove ko sa sarili ko na tama ‘yong pinili ko, tama ‘yong pagtanggal ko do’n sa option na meron akong babalikan. Kailangan ko ring ma-prove sa mga kakolektibo ko sa labas na kailangan talaga dito.
So kailangan ko s’yang galingan para mas maging maayos ‘yong gawain. Alam mo ‘yon, may maibabahagi ka talaga.
Na kailangan kong patunayan na tama ‘yong ginawa kong desisyon na piliin ang pagkilos kesa sa pagtatrabaho. Na hindi sayang ang buhay ko o ‘yong pinag-aralan ko dahil alam kong kailangang baguhin ang mali sa sistema.
No’ng nag-aaral pa ‘ko naisip ko na may maitutulong pa rin ako sa bansa kahit nagtatrabaho kasi prop pa rin s’ya. Pero ‘pag nando’n ka na sa loob mismo, makikita mo na hawak ka pa rin ng estado kahit nasaan ka mang kumpanya. Tapos kung private pa s’ya, mas matindi ‘yong pag-censor sa mga istoryang ilalabas mo.
Kaya mas pinili ko ang kilusan kesa sa trabaho dahil alam ko ‘yong kalagayan at mulat rin na merong kayang iambag na mas malaki. Relatibong mas malaki talaga kesa do’n sa maiaambag ko do’n sa trabaho.
At mas totoo ‘yong mga istoryang magagawa ko dito.”
—
Lalabagin ng kanilang yunit ang palisiyang “huwag mag-ingay” bago pa man pumutok ang liwanag. Aalingawngaw ang sigawan ng pagpupugay: “Mabuhay ang ika-singkwentang anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!” Sabay-sabay na sasagot ang mga makakarinig mula sa ibaba, sa may bandang tagiliran, sa likuran, sa may kusina, sa lahat ng nakaposisyong pormasyon ng mga mandirigma: “Mabuhay!”
Naroon si Ka Maya. Buong giting na nakatindig sa hanay ng hukbong bayan: nagagalak, nagpupugay, nakataas-kamaong inaawit ang Internationale. Sa pagtatapos ay ang muling koro ng “Mabuhay! Mabuhay!”
Mula rito, kasama ng pulang kawan ng mga rebolusyonaryo, lilipad si Ka Maya. Para maging malaya. Para magpalaya.