Pananampalataya at/sa Pakikibaka

in Mainstream
ni Markus del Pilar

2 Timothy 3:16

All Scripture is breathed out by God and profitable for teaching, for reproof, for correction and for training in righteousness.

Matapos ang 14 na taon, muling nagkita-kita at nagtipon-tipon ang mga taong simbahan para sa isang pambihirang pagkakataon: ang Ika-8 Pambansang Kongreso ng Christians for National Liberation (CNL), alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Madalas mang magkita sa ilang mga pagkakataon sa urban at nagkakasama sa ilang aktibidad ng simbahan, masayang ngiti at mahigpit na pakikipagkamay ang isinasalubong ng bawat isa sa mga kapwa taong simbahan, sa mga masa, at mga mandirigma ng New People’s Army (NPA). Nananabik ang lahat na makipagtalakayan at magbahaginan ng karanasan at aral sa higit isang dekadang paggampan ng rebolusyonaryong gawain buhat nang idaos ang huling Kongreso noong 2003.

Kinanlong ng isang larangang gerilya sa Southern Mindanao Region ang mahigit sa 50 delegado at ilang bisita para sa nakatakdang okasyon. Sukbit ang mga bakpak na naglalaman ng mga personal na gamit at dokumento, walang kapagurang sinuong ng mga pari, obispo, madre, lay, mga dyakonesa ang mahabang byahe papasok sa eryang nasasakupan ng Pulang Bagani Battalion (PBB).

Magkaagapay sa preparasyon ang mga pulang mandirigma at mga masa sa urban at larangan sa paghahanda ng pagkain para sa tatlong araw na pulong, pag-aayos ng transportasyon, pagtitiyak ng seguridad ng mga delegado at lugar na pagdadausan, maging sa paghahanda ng mga pangkulturang pagtatanghal.

Pinayungan ng temang “Magpunyagi sa Pagkamit ng Higit pang Pagsulong sa Pambansa Demokratikong Rebolusyon na may Sosyalistang Perspektiba. Paigtingin ang Pakikilahok sa Rebolusyonaryong Armadong Pakikibaka ng Mamamayan” ang Ika-8 Pambansang Kongreso ng CNL. Pagtugon ito sa programa para kamtin ang estratehikong pagkapatas na inilatag ng Ikalawang Kongreso ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 2016. Gayundin, pagpupugay ito ng CNL sa pagdiriwang ng ika-44 na anibersaryo ng NDFP.

Layunin ng Kongreso ang magkaisa sa pag-unawa at analysis sa kalagayan ng kasalukuyang estratehiya at polisiya ng nagkakaisang prente, at humugot ng mga aral sa nakaraang 14 na taon mula nang maidaos ang Ika-7 Kongreso.

Partikular na obhektibo rin nito ang pagbabalik-aral sa mga dokumentong gumagabay sa gawain ng CNL; maghalal ng panibagong pamunuan; at, ipagdiwang ang ika-45 anibersaryo ng CNL.

Binaybay ng kapulungan ang nagdaang 14 na taon mula noong Ika-7 Kongreso. Kinatampukan ito ng malalaki at mayor na kampanyang masa para sa karapatang tao, serbisyong panlipunan, laban sa korupsyon, at mapangwasak na mina. Nagtuloy-tuloy rin ang pag-agapay at pagsuporta sa laban ng mga magsasaka, manggagawa, katutubo at lumad, maralitang lungsod, at iba pang aping sektor ng lipunan. Nagresulta ito ng mas malapad pang pag-abot sa panggitnang uri at mapagkaibigang pwersa at tulong sa pagpapalakas sa mga larangang gerilya ng hukbo.

Dikta ng batas ng diyalektika, may mga kahinaan ding kinaharap ang mga kasapi ng CNL sa paggampan ng mga rebolusyonaryong tungkulin sa nakalipas na taon. Ilan dito ay ang konserbatismo, burukratismo, liberalismo, indibidwalismo, at sektaryanismo.

Bilang mga Marxistang mananampalataya, matapos “mangumpisal” ng mga naging kahinaan, sa halip na dasal ay mga kongkretong hakbang at resolusyon ang naging tugon ng bawat kasapi. Pinagkasunduan ang pagsasagawa ng mas malalim pang pag-aaral sa sistema ng mga reaksyunaryong institusyon ng simbahan para mamaksimisa ang mga ito. Tuloy-tuloy na pag-aaral para maarmasan ang bawat kasapi sa pag-oorganisa. Mahigpit na pakikipagkaisa at paglubog sa mga batayang sektor. At, patatalaga o pag-deploy sa mga kasapi sa iba’t ibang larangan ng gawain sa kalunsuran at kanayunan.

Mapagkumbabang tinanggap ang mga puna; taas-noong hinarap ang panibagong hamon.

 

Ang CNL

Itinulak ng tumitinding pasismo ng diktadurang Marcos ang pagtatatag ng CNL noong Pebrero 17, 1972 sa hanay ng mga progresibo at makabayang pari, obispo, madre, at iba pang taong simbahan. Ilang buwan matapos nito, ipinataw sa buong bansa ang Batas Militar at itinuring na iligal ang CNL, at iba pang organisasyong masa, dahilan para mag-underground ang kalakhan sa kasapian nito.

Mula noon, lalong naging aktibo ang CNL sa pagsisilbi sa rebolusyon. Sa pagsisikap ng mga kasapi nito na kumikilos sa loob ng institusyon ng simbahan, naging tanggulan at santuaryo ito sa maraming mamamayang inaapi.

Bautismong maituturing ang malaking bahaging ginampanan nito sa pagtatagumpay ng inilunsad na unang strike ng mga manggagawa ng La Tondeña noong 1975. Ipinutok ng mga manggagawa ang strike sa panahong lukob ng pasismo ang bansa sa ilalim ng batas militar. Kinasuhan at tinugis ng pulis at militar ang mga organisador maging ang mga sumusuporta sa welga. Subalit hindi ito naging dahilan para manahimik ang mga taong simbahang nakalubog sa piket layn. Mas malakas ang panawagan ng pagpanig sa katarungan kumpara sa kahit anong porma ng pagpapatahimik at pandarahas.

Nagsilbing isa sa muhon ang CNL sa pagtatatag ng NDFP noong Abril 24, 1973. Ang NDFP ang nagbigkis sa mga progresibo at makabayang sektor, pwersa, at uri ng lipunan sa paglulunsad ng pambansa demokratikong rebolusyon. Alinsunod sa noo’y 10 Puntong Programang inilatag ng NDFP, ipinailalim ng CNL ang kanyang oryentasyon at programa batay rito. Malaking ambag din ang ibinahagi ng CNL bilang balon ng mga kadre at pulang mandirigma.

Hindi lamang mga kabataang nakapaloob sa simbahan ang nagtungo sa kanayunan at sumapi sa NPA. Maraming pari, madre ang lumabas ng kanilang kongregasyon, kumbento, parokya para humawak ng armas at maglingkod sa kanayunan.

Ang simbahang dati ay “tagakalembang lang ng kampana” sa mga ritwal at pista ay naging tunay na kapanalig ng mamamayang nakikibaka.

 

Moro at Kristiyano

Kapwa nagsilbing inspirasyon sa mga Moro at mga delegado ng CNL ang naganap na Kongreso. Para sa mga delegado, nakapagbigay ng malinaw na imahen ang pakikipamuhay sa mga kapatid na Moro para makita ang kanilang kalagayang kinakaharap at pakikibaka para sa sariling pagpapasya at kung ano ang kanilang maaaring maiambag para higit pa itong mapalakas at mapaunlad.

Maligaya rin ang mga Moro na makasalamuha ang mga kasapi ng CNL. Nauunawaan nilang hindi ang relihiyon ang dahilan ng kaguluhan sa Mindanao kundi ang tumitinding pananamantala at kahirapang nararanasan ng mamamayan, Moro man o Kristiyano. Ibinahagi rin ng mga Moro na sa kabila ng mga kasunduan at usapang kapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Pilipinas at ng MILF o NDF, nagpapatuloy pa rin ang pag-atake sa kanilang komunidad: matinding pang-aabuso at operasyong militar, at pagwasak sa kalikasan ng malalaking dayuhang kumpanya ng mina na pumapatay sa kanilang kabuhayan.

Nagpapasalamat sila na sa lugar nila idinaos ang pagtitipon. Malaking karangalan para sa kanila na maganap ang isang makasaysayang yugto ng kilusan at makitang nakalatag sa iba’t ibang rehiyon, mula Luzon hanggang Mindanao, ang rebolusyonaryong pwersa na gaya nila ay nakikibaka para sa tunay na kalayaan at makatarungang kapayapaan.

 

Madre

Maituturing ding makasaysayan ang pagkahalal ng kauna-unahang babaeng Tagapangulo sa Ika-8 Pambansang Kongreso ng CNL. Sa kanyang talumpati sa pagtanggap ng posisyon, ipinahayag niya ang kanyang pasasalamat sa pagtitiwalang iginawad sa kanya ng kapulungan.

Sabi ni Ka Puah, “Alam kong hindi magiging madali ang mga nakaatang sa ating tungkulin. Nananalig ako na sa ating kolektibong pagtutulungan ay mapapaunlad pa natin ang ating gawain para makatulong sa pambansa demokratikong rebolusyon.”

Makulay ang mahabang pagkilos ni Ka Puah sa loob ng simbahan. “Idol ko si Pope Francis. Sabi niya, ‘Get out, get messy in the mud.’ Literal na naputikan ang likod ko pagpunta dito!” pagbibiro niya.

Dagdag pa ni Ka Puah, “I feel I was restricted in the passion for justice, peace, gospel imperative and church teachings kaya hindi ako tumitigil sa loob lang ng kumbento. I defied my superiors. As a religious, alam kong ang CNL ang tamang lugar para magawa ko ang totoong pagsisilbi sa Diyos at sambayanan.”

“I have been listening to various sectors of Philippine society. After several years as a religious, I do not believe any more on the institutional church. But, rather, the church as a people of God. The voice of the people is the voice of God,” pagtatapos ni Ka Puah.

 

Pagpupugay sa mga Martir at Bayani ng CNL

Kung ano man ang inabot ng CNL sa loob ng 45 taong pagsusulong ng rebolusyon, ito ay dahil sa buong-buong paglalaan ng mga kasapi nito ng kanilang lakas, talino, at buhay, sa ligal na pakikibaka man o paglahok sa armadong pakikibaka. Hindi sila nagdalawang isip na suungin ang hirap na kakaharapin sukdulang umabot sa pag-aalay ng sariling buhay upang maipagtanggol ang buhay.

Puno ng pag-asa ang Bibliya. Isinalaysay nito ang buhay na pagtatanggol ni Kristo sa mga inaapi ng emperyo. Inihahayag ng Lumang Tipan ang pamumuno ni Gideon sa mga Israelitas para labanan ang pang-aapi. Ipinakita nito ang pagsanib ng mga propeta sa mga batayang sektor ng lipunan para palaganapin ang Mabuting Balita ng pagpapalaya sa sambayanan.

Pinatunayan ng mga bayani at martir ng CNL at mamamayan ang katumpakan ng paglulunsad ng rebolusyon. Isinabuhay nila ang pinakaubod ng aral ng Bibliya: na ang relihiyon at pananampalataya ay mapagpalaya. Na ang pananampalataya ay inilalapat at inilalapit ang mananampalataya sa kanyang kapwa para sa pag-asam ng buhay na kasiya-siya. Na ang pananampalataya ay hindi hadlang sa pagsanib sa mamamayang nakikibaka para sa isang lipunang may ganap na kalayaan, demokrasya, pagkakapantay-pantay, at makatarungang kapayapaan.###

Leave a Reply

Your email address will not be published.

*

Latest from Mainstream

Go to Top