MAGWASTO, MAGPALAWAK, MAGPALAKAS AT MAKIBAKA PARA SA PAMBANSANG DEMOKRASYA!
Elias Dipasupil, Secretary-General, NDFP
Nagpupugay ang National Democratic Front sa ika-50 Anibersaryo ng Liga ng Agham para sa Bayan (LAB). Sa kabila ng ilang dekada ng malupit na pasistang paniniil ng estado, patuloy na pagsasadlak sa hirap sa masa ng pyudal na pagsasamantala at imperyalistang globalisasyon hanggang sa mas masahol na pandarambong ng mga burukrata kapitalista at lantarang paggamit ng US sa Pilipinas para imantini ang geopulitikal na kapangyarihan, nakapagpanatili, nakapagpalakas at nakapagsikap makabawi sa naging kahinaan at pagkakamali ang LAB sa pagkilos at pagpapalaki nito.
Napakahalaga ng naging papel at magiging papel pa ng mga syentista mula sa pagpupundar, pagpapalakas, hanggang sa pagtatagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon at sa sosyalistang rekonstruksyon ng ating bayan matapos nito.
Bago pa man maganap ang First Quarter Storm (FQS) ng dekada 70 at bago pa maitayo ang LAB, nakiisa at kumilos na ang mga syentista para sa panlipunang pagbabago. Aktibong kasapi ang mga syentista at teknolohista ng naitayong Kabataang Makabayan noong 1964. Naging bahagi ng labindalawang pangunahing sektor ng Movement for the Advancement of Nationalism ang mga syentista at teknolohista noong 1967i. Itinayo ang Samahan ng Makabayang Siyentipiko (SMS) at Progresibong Samahan sa Inhinyeriya at Agham (PSIA) noong kasagsagan ng paglakas ng demokratiko at makabayang kilusan sa panahon ng FQS. Masigla ang partisipasyon ng mga estudyante ng chemistry, physics at engineering noong Diliman Commune. Hindi na kailangang idetalye ang natatangi nilang partisipasyon sa pagtatanggol sa academic freedom at sa UP Community laban sa pananalakay ng Metrocom. Marami nang urban legend tungkol dito.

Nang ibaba ang Batas Militar, ginawang proyekto ng mga makabayang syentista ang pagsusulong ng Explosives Movement (EM). Nagsanay sa mga rebolusyonaryong aktibista at ginawang isang kilusang masa ang paggawa ng mga pasabog, granada, pulbura at bala mula sa mga kagamitang madaling mahanap sa karaniwang buhay. Ang teknolohiyang ito, katuwang ng mga katutubong sandata tulad ng mga pana, balatik at patibong, ay nakapagbigay sa masa ng di maisasantabing pagkakataon para ipagtanggol ang sarili laban sa mga pasistang tropa na sumasalakay sa mga lugar kung saan itinatayo at pinalalawak na ng rebolusyonaryong masa ang kanilang noo’y musmos na armadong pwersa, ang Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Patuloy ring nag-ambag ng natatanging kasanayan ang mga syentista at teknolohista, kapwa ang mga propesyunal, estudyante at organikong intelektwal, sa pagpapaunlad ng mga naitayong rebolusyonaryong base sa kanayunan. Ang mga irigasyon, herbal gardens, contour farming at organic farming ay naging realidad sa kanayunan na pinagtulung-tulungang isabuhay ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa bilang bahagi ng kanilang gawain. Malayong mas epektibo ang mga ito kaysa sa mga substandard o ghost projects na gatasan ng mga burukrata-kapitalista dahil dinesenyo, itinayo at sinusubaybayan ng rebolusyonaryong kilusan.
Maging ang umunlad na teknolohiyang digital ay iniangkop ng mga syentista sa pangangailangan ng rebolusyonaryong kilusan. Bagamat monopolyo ng mga imperyalista ang larangang ito, gumawa ng mapanlikhang mga hakbang ang mga syentista upang makabuo ng mga paraan sa encryption, pag-aangkop ng mga kompyuter sa kilos gerilya, at marami pang iba.
Sa kasalukuyan, patuloy na isinusulong ng LAB ang pambansa, syentipiko at pangmasang kultura habang lumalahok ito sa buong pambansa-demokratikong kilusan.
Hanggang sa hinaraharap, ang “malaking kwerpo ng mga natural scientist, enhinyero, teknolohista, at may kasanayang manggagawa ay sasanayin para isulong ang pambansang industriyalisasyon, agrikultural na pag-unlad at iba pang na nangangailangan ng syentipiko at teknikal na kasanayan.ii”
Kaya’t napakaangkop ng panawagan ng LAB sa inyong ika-50 anibersaryo na Magwasto, magpalawak, magpalakas at makibaka para sa pambansang demokrasya! Kailangang kailangan natin ito sa kasalukuyang lumalakas na daluyong ng kilusang masa at tumitinding pananalasa ng burukrata-kapitalismo sa iba’t ibang mukha, laluna ng pasismo.
Sinusuportahan namin ang itinakda ninyong gawain ng LAB sa patuloy na pagpukaw, pag-organisa, at pagpapakilos sa sektor ng agham at teknolohiya para sa pambansa-demokratikong rebolusyon at pagkondukta ng rebolusyonaryong propaganda na iuugnay ang mga suliranin ng masa at ng sektor sa pambansa-demokratikong rebolusyon. Hindi lang ito para sa kasalukuyang pagtugon sa mga kagyat na pangangailangan ng masa sa kanayunan, kundi ang pagtitiyak ng walang patid na daloy ng mga bagong syentista at teknolohista na magdadala ng siyentipiko at pangmasang kultura at ng rebolusyonaryo o pangmasang oryentasyon sa agham at teknolohiya.

Ang itinakdang gawain ng LAB sa pagbigay ng teknikal na serbisyong suporta sa pagsulong ng rebolusyong agraryo, armadong pakikibaka at pagtatatag ng baseng masa ay kailangang maglaman na rin ng pananaliksik at pagbibigay ng pangmasang mga pag-aaral kung paano malalabanan ng masa ang digital surveillance tulad ng drones, electronic bugs, GPS trackers, facial recognition, thermal cameras at iba pang gadget na ginagamit hindi lang para tukuyin ang mga rebolusyonaryong pwersa at tinatarget na aktibista, kundi para kontrolin sa kabuuan ng naghaharing uri ang kalayaan ng mamamayan upang patuloy silang mapagsamantalahan.
Sa diwa ng kilusang pagwawasto, isang paghamon sa mga syentista para sa kanilang pagpapanibagong-hubog ang makipamuhay sa masa para makita ang tunay na buhay, pangangailangan at kakayahan ng masang pinaglilingkuran nila. Napakahalagang magpanday ng mas marami pang rebolusyonaryong syentista tulad nina Engr. Ramon “MonRam” Ramirez, Jan Michael “Ka Simon” Ayuste, Cora Casambre, at Botanist Leonard Co na nagbigay buhay sa paglilingkod ng agham para sa masa. Ayon nga kay Joan Hinton, isang Amerikanang physicist na tuwirang lumahok sa rebolusyon sa Tsina, “our scientific research alone will never lead us to understand the necessity of struggling against and negating that aspect of our outlook that stems from our personal self-interest, nor will it lead us to understand the development of human knowledge through the practice of changing both the subjective and objective worlds… Merely through practice in the natural sciences alone and without participation in the practice of the proletariat’s struggle to liberate itself, I do not think this leap is possibleiii.” (di kailanman tayo ituturo ng ating syentipikong pananaliksik lamang tungo sa pag-unawa sa pangangailangan ng pagbaka at pagbaliktad ng aspeto sa ating pananaw na nagmumula sa ating personal na pansariling interes, at hindi rin tayo ituturo tungo sa pag-unawa ng pagpapaunlad ng kaalaman ng tao sa pamamagitan ng pagbabago kapwa ng suhetibo at obhetibong daigdig… sa payak lang na pagsasapraktika ng natural na syensya at walang paglahok sa praktika ng pakikibaka ng proletaryado para palayain ang sarili, sa paniniwala ko ay hindi mangyayari ang igpaw na ito.”
Muli, pagpupugay! Mabuhay ang LAB!
i (Jose Maria Sison: Basic Documents and Speeches of the FOUNDING CONGRESS, Movement for the Advancement of Nationalism, February 7 & 8, 1967, National Library Auditorium, Manila
ii Jose Maria Sison, The People’s Alternative Towards National Freedom and Democracy; 45th Annual Convention of the College Editors’ Guild of the Philippines Iloilo City, 1985
iiiJoan Hinton, On Science and Technology, Beijing, Feb. 22, 1970
