June 26, 2024 nang mag-landing si Ka Sam sa kampuhan ng NPA sa isang rehiyon sa Luzon. Dalawa ang sumalubong sa kanya:

Una, ang ulam na dinuguan na padala ng masa sa baryo kasi may nag-birthday.

Ikalawa, ang kwentong nagbanta raw ang AFP na hanggang sa June 30 na lang ang mga NPA sa naturang rehiyon. “O, paano na itong mag-iintegrate, may apat na araw na lang?” pabirong sabi sa kanya ng mga kasama.

At heto na nga, 2025 na. Lumipas na ang isang taon at obviously, dahil nakapag-kwento pa si Ka Sam ibig sabihin naka-survive siya; at hindi lang siya kundi pati ang yunit na sinamahan niya. Seven months tumagal sa kanayunan ang 22 year-old na si Ka Sam bago bumalik sa syudad. Ngayon, handa na siyang bumalik muli sa kanayunan, sa hukbong bayan. Ito naman kasi ang pinangarap niyang buhay.

Exciting sa CS

Kaiba rin itong si Ka Sam, eh. Bago pa man siya naging aktibista, bago pa siya naging member ng revolutionary underground organization ay pangarap na niyang maging NPA. Walang epekto ang red-tagging ng AFP at ng NTF-ELCAC kay Ka Sam. Mas bilib siya kay Ka Roger Rosal na napanood niya sa isang video documentary na gawa ng journalist na si Ed Lingao.

“Na-humanize sa akin ang buhay ng mga NPA. Wala naman akong nakikitang mali sa buhay nila, wala akong maisip na mali,” sabi ni Ka Sam. Tapos napanood pa niya at napahanga rin kay Ka Kathryn na spokesperson ng Southern Tagalog NPA.

Malamang, kahit hindi aminin ni Ka Sam, naging impluwensiya niya rin ang lolo niyang NPA. Kahit pa sabihing minsan niya lang itong nakita at medyo may tampo ang tatay niya rito “dahil absentee father.” Isa raw sa mga naunang NPA sa Mindanao ang kanyang lolo, pero yun lang ang alam niya tungkol dito.

Noong na organize na si Ka Sam, na-reinforce pa ang pangarap niyang mag-NPA dahil sa lagi rin itong laman ng usapan sa kanyang collective. “Para sa akin, di lang justified ang armed struggle dahil sa kalagayan ng lipunan pero exciting din sa CS at cool maging H,” tatawa-tawang sinabi ni Ka Sam. Sabi nga ng ka-collective ni Ka Sam, malakas ang sense of adventure nito.

Pero may mental strain

But wait, hindi tungkol sa kamatayan ang mental strain ni Ka Sam. Di raw siya takot mamatay. “Nung time na papasok ako sa kampo, may balita na may mga dating kasamang bumaliktad. Mental strain ito sa akin. Alam ko mahirap ang buhay doon. What if… baka maging ganito ang choice ko, bumaliktad at makapaminsala,” sabi ni Ka Sam.

Kung pinasalubungan si Ka Sam ng dinuguan at lumang joke ng AFP pagdating niya sa kampo, pinasalubungan naman niya ang PI ng hukbo ng bagahe niya—ang takot na baka bumaliktad siya at magturo pag nahuli ng kaaway.

Nagpaliwanag ang PI nila Ka Sam at may ipinabasang open letter ni Maria (di niya maalala ang family name) para sa mga militar pero batay sa naalala ni Ka Sam sinagot raw ni Maria ang ipinagyayabang ng AFP na sakripisyo nila para mapuksa ang mga rebelde, sukdulang maglaga raw sila ng bato para may makain. Bato? Nakakatawa. Sa sulat, sinagot ito ni Maria na ang hukbo ay nagmamalaki na hindi sila umaabot sa ganitong sitwasyon dahil hindi sila pinababayaan ng masa. Ito ang hindi maalis sa isip ni Ka Sam. (Sinubukan hanapin ang kopya ng parehong pahayag pero walang mahanap na kopya—Ed.)

Unti-unting magiging konkreto kay Ka Sam ang sinabing ito ng kanilang PI sa loob ng pitong buwang makakasama niya ang hukbong bayan at ang masa.

Akala ko lang

Kung kakaiba ang pangarap sa buhay ni Ka Sam, hindi naman kakaiba ang mga personal na danas niya sa mga iba pang taga-lungsod na first-time pumunta sa CS. Gaya ng iba, hindi rin na-imagine ni Ka Sam ang itsura ng “kampo” ng NPA, ang tindi ng lakaran, ang klase ng terrain—lupa, ilog, batuhan, putik. Alam niya lang na mahirap ang buhay ng hukbo.

Sa imagination ko, ang base o kampo ay nasa flat land with semi-permanent structures gaya ng school, although humahalo din ito sa alam kong mobile ang hukbo. Pag dating ko sa loob, nasa slope ng bundok ang pwesto namin, wala akong makitang flat ground. Ito na pala yun.

Ka Sam

Nalula si Ka Sam sa dami ng bundok na inakyat nila “though di naman ganoon ka-steep”, maraming lakaran, “talagang grabe ang putik, parang clay.” Pinag-baon naman si Ka Sam ng bota pero hindi niya rin ito nagamit dahil wala namang naka-bota sa mga hukbo. Iniiwasan kasi nilang mag-iwan ng bakas sa daan.

Dito na-realize ni Ka Sam ang kahinaan niya sa paghahanda physically, “naging lax ako, masyadong naging confident na kakayanin ko,” sabi niya. Sa loob ng pitong buwan, unti-unting magkakalaman ang “cool na hukbo” ni Ka Sam ng pagpapahalaga hindi lang sa disiplina sa trabaho, kundi pati sa physical at mental health. “Pati na rin pagpapaunlad ng pasensya.”

Ito na ang totoo

Matindi ang Focused Military Operation (FMO) at Retooled Community Support Program (RCSP) na “counterinsurgency” program ng AFP.

“Hindi talaga ako pinapasama sa mga tactical offensives (TO). Biro nila mag-fulltime raw muna ako. Kailangan ko rin daw bumilis sa paglalakad. Bumilis naman sa loob ng pitong buwan pero hirap talaga ako sa tsinelas, lalo na sa klase ng lupa doon,” kwento ni Ka Sam.

Pero may isang pagkakataon na may 12 formations ng kaaway sa palibot namin. Kita na nila kami pero nakapag-maniobra na kami bago sila nakarating. Buti na lang naipaabot agad ng masa,” dagdag ni Ka Sam. Maagang nagising ang masa nung araw na iyon dahil dadalo sila sa mobilisasyon. Talagang napasabak sa lakaran si Ka Sam, halos ilang araw din silang inaabot ng 14 hours ang lakad dahil papalit-palit ng pwesto.

“Minsan naman kailangan naming magmaniobra dahil sa presence ng kaaway. Halos buong araw kaming di kumain. Pero sa pagitan ng mga blocking, nakakasingit ang masa para mag-abot ng biscuit kaya hindi naman kami talaga nagutom. Spoiled nga kami sa masa. After nga nang mahabang maniobrang ito, adobo ang ipinaulam sa amin,” may kasamang ngiti ang pag-alala ni Ka Sam. “Kahit may bagyo, di kami napuputulan ng supply. Aktibo talaga ang masa sa suporta.” Di nga nila kailangang maglaga ng bato.

Busog sa pag-aaral

Dahil nga taga-lungsod at petiburges, natural na sa mga kasama sa CS na ilagay sa gawaing edukasyon at propaganda ang mga kasamang nag-iinteg. Ito ang kalakhan ng naging task ni Ka Sam sa loob. “Yun lang, challenge sa akin ang lengwahe. Nagbibigay ako ng ED sa tagalog, sumasagot ang mga mag-aaral sa lokal na lenggwahe nila. May tumutulong naman mag-translate. Mukha namang nagkaintindihan kami,” sabi ni Ka Sam. Ito ang pasensya.

Nairaos ni Ka Sam ang task sa pagbibigay ng pag-aaral kahit pa ang dialectical materialism, imperialism ang tinalakay niya sa hanay ng hukbo at sa masa. Nanguna rin siya sa pagtalakay ng mga artikulo mula sa Ang Bayan. Sa pagitan nito, nagsusulat din siya ng mga statements na inilalabas rin sa pahayagan ng rehiyon at ng Ang Bayan.

Masaya rin si Ka Sam kapag lumalahok sa gawaing produksyon—sa pagtatanim ng kamoteng kahoy at yung mga lokal na pananim nila. “Nakakatuwa kasi may kasama kaming agriculturist kaya malaking tulong sa pag contour ng lupa. Nakagawa kami ng terraces sa slope ng bundok at nag-introduce siya ng multi-cropping sa hanay ng masa,”

Puno ang schedule ni Ka Sam sa buong araw, masinop na nakaplano, kaya “mas naging responsable ako sa gawain. Dati may pagka-iresponsable pero nabago nito ang style of work ko.”

Armadong pakikibaka, agraryong rebolusyon, kilusang masa

Naging bahagi si Ka Sam sa pagpupulong ng mga hukbo, kinatawan ng Partido, at ng mga kasapi ng rebolusyonaryong organisasyon. Nakapamahagi na ng lupa sa mga lugar na kinikilusan ng yunit nila Ka Sam sa pamamagitan ng rebolusyong agraryo kaya ang pinag-usapan naman nila sa pulong ay tungkol sa rebolusyonaryong buwis at kung paano rin nila pagtutulungan ang pagbubungkal ng lupang naka-parte sa hukbo. Pinag-uusapan na rin nila ang pagpapasampa sa hukbo.

“Walang masyadong seryosong pagkakamali sa area namin na gaya nang natukoy sa rectification statement. Sa tingin ko, ang mas kailangan ay ang dagdag pang experience sa digma. Baka may kakaibahan rin sa dynamics na mayorya ay galing sa magsasaka,” sagot ni Ka Sam sa pangangamusta sa kilusang pagwawasto sa pinakatang yunit.

Sa loob ng isang taon, hindi nakaranas ng defensive ang yunit nila. “Mahusay na nakikita ang military situation kahit pa laging nakadikit ang kaaway. Mas umunlad ang kakayahang magsuri ng hukbo dahil sa gawaing masa at sa kilusang pagwawasto lalo na sa pagtanggap sa concrete conditions ng kinikulusang lugar,” ayon kay Ka Sam.

Sa kwento ni Ka Sam, konsolidado ang lugar—may sangay ng Partido, may rebolusyonaryong organisasyon sa lugar. Ang hukbo ay may naka-detach na yunit, “actually sila yung main body, sobra sa kalahati para sa mass work at pagbubuo ng iba pang mga sangay. Nakababad sila sa gawaing masa at malapit kung nasaan ang masa. Talagang di iniiwan ang masa lalo na kung nakakaranas sila ng harassment mula sa kaaway. Sila na rin ang humaharap sa kaaway. Bahagi ito ng kilwas, yung di iwanan ang masa.” May ilang TO na inilulunsad at sa pagitan nito ay inaayos ang expansion ng yunit.

Sa bawat gawain, may masinsing pag-aaral at mga assessment. Kung may mga maniobrang militar agad na tinatasa, at kinokonsolida ang mga kasama. Agad ding nagpaplano kung paano pa pahuhusayin ang gawaing militar.

Isa pang realization ni Ka Sam ay ang pagiging, “mahinahon ng mga hukbo. Mahusay ang pakikitungo sa mga kasama, sa masa. Saludo ako sa patience nila at sa matinding disiplina dahil nga may hawak na armas.” Impatient daw kasi siya.

Sa dulo, napatunayan ni Ka Sam na tama at totoo ang first impression niya sa hukbo mula sa napanood niyang documentary tungkol kay Ka Roger, “fulfilling sa CS kung saan aktwal na inilulunsad ang armadong pakikibaka. Kitang kita ang political power natin sa CS.” (Jose Simon) ###