Sa patuloy na pagdiriwang ng anibersaryo ng BHB at katatapos na anibersaryo ng NDFP

Kumperensyal na pag-aaral sa gawaing masa sa kanayunan, inilunsad

Sa patuloy na pagdiriwang sa ika-57 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan at katatapos na ika-53 anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines, inilunsad ang Paaralang Amado Guerrero ng Magbubukid na may paksang Gawaing Masa sa Kanayunan o GMK sa isang lugar sa National Capital Region. Nilahukan ito ng humigit-kumulang 100 mag-aaral mula sa iba’t ibang rebolusyonaryong organisasyon gaya ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM), Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA), Katipunan ng mga Samahang Manggagawa (KASAMA), Kabataang Makabayan (KM) at Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS), na hinati sa tatlong klase


Pokus ng pag-aaral ang Hakbang-hakbang na Pag-oorganisa (HHPO) at pagbubuo ng Organo ng Kapangyarihang Pampulitika (OKP) sa balangkas ng puspusang gawaing rekoberi at ekspansyon para sa rebolusyonaryong kilusang magbubukid. Marami sa mga mag-aaral ang nagalak na makasama at nagpahayag ng kawastuhan ng pagbubuo ng Demokratikong Gubyernong Bayan dahil ang kasalukuyang papet na estado ng imperyalismong US ay mapang-api at mapagsamantala sa mayorya ng sambayanang Pilipino.

Layunin ng pag-aaral na ihanda ang mga rebolusyonaryong pwersa sa pag-oorganisa sa kanayunan bilang mga pangkat kanayunan o organizing team. Ang rebolusyonaryong pag-aaral katulad nito ay bahagi ng puspusang pagsusulong ng Kilusang Pagwawasto. ###