Staying in love in the revolution

“Pick-up kita mga 7 ng umaga,” sabi ng jowa kong si Marco. “Huwag ka muna magbihis nang formal.” Alam kong may mga gagawin pa si Marco sa umaga ng kasal nina Lara at Jin. Bilang isa sa mga kasamang may kotse, siya ang tagahatid-sundo ng mga dadalong kasama. Ako naman, dahil ibinukas ang ganap sa ilang kasapi ng ARMAS, ay naatasang gumawa ng article tungkol sa gagawing kasal sa Partido (Heto na ‘yon!) Marami na akong napuntahang kasal, pero ito ang unang kasal sa Partidong mapupuntahan ko. Hindi naman ako kabado; sadyang di ko lang din alam ang aasahan.

Puno ang sasakyan ni Marco ng mga kasamang tutulong sa kasal. Sa compartment ng kotse, may tatlong jugs ng tubig, mga kalderong may lutong ulam, mga kaserolang walang laman, mga rekados, mga kubyertos, baso, percolator, at kung ano-ano pang gamit na tila titilapon sa sobrang dami. Para kaming naglaro ng Tetris para lang mapagkasya ang mga ito sa napakaliit na sasakyan.

Lumarga na kami matapos ang ilang minutong pagsiksik ng mga gamit. Pasikot-sikot ang inakyat naming lugar. Alam mong nasa siyudad dahil maraming establishments na nakapaligid, pero sa bawat liko namin, mas lumulubak ang daan, mas tumatayog ang mga puno. Naging lupa ang semento, naging dahon ang mga kawad ng kuryente. Dumating naman kami sa lugar na pagdarausan ng seremonya: liblib, pero accessible pa rin kahit paano. Perfect para sa gagawing kasal.

Ibinaba namin ang mga bitbit na gamit sa kusina at pagkatapos ay muling umalis si Marco para sunduin ang iba pang dadalo. Ilang batch muling dumating—mga matatandang nakilala ko bilang mga kamag-anak at ilang pamilyar na mga mukha. Ang iba sa kanila sa dadalo sa hiwalay na programa sa hapon. (Dalawang bahagi ang programa sa araw na iyon: Sa umaga, ang pormal na kasal sa Partido kasama ang mga ka-kolektibo ni Jin at Lara, ang kanilang ninong at ninang o marriage collective, at kanilang pamilya. Sa hapon naman bukas na para sa iba pang mga kasama’t kaibigan na wala sa kanilang mga kolektibo).

Kakaiba nga

Ilang minuto pa’y nagsimula na ang pang-umagang seremonya. Nakakandado ang silid kung nasaan kami. Sa labas, may nagpapatugtog ng pop hits para matakpan ang anumang tunog mula sa kuwarto.

“Ako po si Ka Mika,” pakilala ng isang babaeng nakatayo sa harap ng nakaupong ikakasal. “Ako ang magiging tagapagpadaloy ng kasal nina Ka Lara at Ka Jin.” Babaeng tagapagpadaloy ng kasal? First time kong makakita ng ganito sa Pilipinas! This is really not your ordinary wedding.

Ipinaliwanag niya kung paanong “kakaiba” ang pag-iisang-dibdib sa Partido. Bukod sa walang iisang kasarian ang tagapagkasal (na sa Katolikong setting ay laging lalaki), hindi rin lang exclusively heterosexual ang kasal. In other words, puwede ang same-sex marriage! At bukod dito, maaari din ang divorce sa pagitan ng mga mag-asawa—matapos ang masusing pagsusuri at pag-aaral. Biruin mo, same-sex marriage at divorce? Hetong mga bagay na hindi kinikilala ng burges at pyudal na lipunan at ng reaksyunaryong gobyerno ay matagal nang ginagawa ng Partido!

Pag-ibig sa isa’t isa, sa bayan, at rebolusyon

Kasama sa seremonya ang kwento ng love story nila Ka Jin at Ka Lara—ang highs and lows, mga challenges, kahinaan at kalakasan nila at ng kanilang relasyon. Pagkatapos nito, nagsalita rin ang mga family members nila at “principal sponsors” (mga tagapayo na kasama): mga payo tungkol sa kaligayahan (“Gawing masaya ang lahat!”), sa tampuhan (“Ayos lang matulog nang hindi nag-aayos, basta mapag-usapan sa hinaharap”), at sa pagpapamilya (“Magkaanak na kayo!”)

“Ang kasal sa Partido,” payo ni Ka Mar, “ay ang pinakabusilak sa loob.”

Tahimik kong ninamnam ang mga salita. Samantala, iniisip ko si Marco na baka pagod na sa kaniyang pabalik-balik na pagpanhik-panaog sa malubak na daan papunta sa venue.

Tulong-tulong

Nang matapos ang umagang seremonya, umikot ako sa venue. Sa labas ng gate, matamang nakabantay ang mga taliba. Sa ground floor, abala ang mga tao sa kusina—may mga dagdag na luto na sina Marina para sa lunch at dinner. Busy naman sa decorations sina Lily na nauna na sa venue nang isang araw. Matapos niyang umawit sa kasal, diretso naman siya sa final touches ng decors. Maya-maya, mawawala uli siya para tulungan sina Lara at Jin magbihis para sa panghapong programa. May mga nag-aayos naman ng isang kwarto kung saan gagawin ang kasunod na ganap.

Ako, tumulong sa pagsabit ng banderitas; si Marco panaka-naka kong nakikitang kasama ang iba pang batch ng attendees o nagbababa ng pinabiling gamit. May mga nagsi-setup ng karaoke at sound system. May mga nagpa-practice ng sayaw at kanta, naghahanda ng petals na isasaboy sa daraanan ng bagong kasal. Bawat mesa ay naka-set na ang plato at may floral centerpiece pa na sina Lily ang nag-arrange. Ang ganda, sabi ko sa sarili ko. Mag-uuwi ako mamaya.

Bago ang afternoon ceremony at matapos ang mga gawain, nagkaroon kami ng small moment of rest ni Marco. Small, dahil di nagtagal ay pinapasok na kami sa isang kwarto.

Salubungin ang bagong kasal

Di kakaiba ang setup sa ibang chapel wedding: nakaayos ang mga silya nang may aisle sa gitna, paikot sa isang “altar” sa harap, pero walang altar. Dalawang upuan lang.

“Mga kasama,” anunsiyo ni Nando. “salubungin natin sina kasamang Lara at Jin!”

Naglakad sila sa gitna ng pasilyo, magkahawak-kamay, balikat sa balikat. Hindi ito gaya ng mga napuntahan ko kung saan nakaabang ang lalaki sa harap ng altar, habang tila pag-aaring ipapasa ng ama ang bride sa kaniyang groom. Kung sa burges na kasal ay nananaig pa rin ang patriyarkal na pananaw—ang babae ay dapat “chaste,” naglilingkod sa lalaki, litaw na litaw sa wedding na ito ang pagiging rebolusyonaryo ng pag-ibig.

May mga nag-alay ng mga simbolo na di nalalayo sa ginagamit sa karaniwang kasal. Pero ang kandilang simbolo ng tanglaw ng mag-asawa, dito’y isang sulo ng nagliliyab na katotohanan at pakikibaka. Ang singsing na simbolo ng walang-hanggan debosyon ng mag-asawa’y nagsisilbing kawing hindi lang sa pagitan ng mag-asawa, kundi pati na rin sa bayan. Wala rito ang puting belong ikinakabit sa balikat ng mag-asawa na simbolo ng pagpapailalim ng babae sa lalaki. Sa halip, ang pulang bandila na may maso’t karet ang naging simbolo ng sambayanang yumayakap at pumupuspos sa bagong kasal. May halaman at tubig na tanda ng kalinga ng pamilya’t mga kasama sa bagong-kasal pati na rin sa arugang ipinapangako sa kanilang maaaring maging anak—mga panibagong salinlahing magpapatuloy sa dakilang layunin ng kilusan.

Gaya noong umaga, nagbigay muli ng mensahe ang pamilya ng bagong kasal.

Sabi ng nanay ni kasamang Jin, “kung ano man ang pagpapasya nila sa pinili nilang buhay, respetuhin natin ito.” Isang reminder na makatuwiran ang kanilang pagrerebolusyon. Affirmation mula sa magulang na tingin ko ay tumunaw sa puso ng bagong kasal, at siyempre, sa lahat ng naging saksi. Napakagaan sa pakiramdam na marinig sa isang magulang na tanggap ka niya. Habang pabiro naman na nagsabi ang nanay ni kasamang Lara (na mukhang nasa 40s pa lang ang edad) na “ ‘wag muna kayo mag-anak, di pa ko ready maging lola!”

Natuwa rin ang bagong kasal at ang mga bisita nang binasa ang mensahe ng miyembro ng NDFP Negotiating Panel na si Ka Coni Ledesma:

Mahalaga itong araw na ito dahil sa dalawang bagay. Una, ito ay araw ng kasal niyo. Ito ang araw na ipinapakita ninyo sa buong mundo ang pagmamahalan niyo at pagmamahal ninyo sa Partido. Ikalawa, ang kasal ninyo sa loob ng Partido. Lalong tumataas ang komitment ninyo sa Partido, sa pag Serve the People at sa pambansa demokratikong rebolusyon.”

At mula kay Ka Julie de Lima, ang kasalukuyang Chairperson ng NDFP Negotiating Panel:

Inaasam kong maging matagumpay ang inyong buhay bilang isang pamilya, ang inyong propesyon at aktibismong panlipunan sa pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya at para sa sosyalistang hinaharap.”

Samantala, not a single dry eye ‘ika nga sa chapel na iyon nang binasang muli nina Lara at Jin ang kanilang panunumpa sa isa’t isa—na siya ring pagsumpa sa Partido. Kahit si Marco sa tabi ko, hindi napigilan ang pag-iyak. Pinisil ko ang kaniyang kamay.

Rebolusyonaryong pag-ibig allover

Gabi na nang matapos ang seremonya. Nakabungad na ang full moon sa langit. Sa malayo, ang usok ng Maynila ay napalitan na ng city lights na nakikipag-agawan ng espasyo sa mga bituin sa taas.

Bumaba kami upang pagsaluhan ang mga pagkaing niluto ng aming mga kasama, umupo sa mga mesang inayos ng mga kasama, nakinig sa mga awiting inalay ng mga kasama. At sa ilalim ng mga banderitas na kasama akong nagkabit, nagtawanan kami’t nagdiwang sa matagumpay na pagdaraos ng isang “not-so-ordinary wedding” hindi lang dahil nagawa namin ito sa gitna ng lungsod, kundi dahil dito ko nadama kung ano ang posibilidad ng isang rebolusyonaryong pag-ibig, na nagiging posible dahil sa kolektibong pagkilos. Tiningnan ko ang mga kasama kong naging katulong ko sa pag-organize ng kasal na ito, kaming lahat na nagbigay ng aming oras, panahon, energy, gasolina, at kung ano-anong rekurso para maipagdiwang sina Lara at Jin, ang Partido, ang pagpapatuloy ng kilusan.

Naintindihan ko na si Ka Mar kung bakit ang kasal sa Partido ang pinakabusilak sa loob.

Nang lumalim na ang gabi, nag-anunsiyo si Lily sa naiwang kasama. “Yung mga gustong mag-uwi ng bulaklak, pwede niyo po iuwi.” Tinanong ko siya kung ano ang inarrange niya doon, at itinuro niya ang isang garapong may malalagong halaman, isang kumpol ng blue hydrangeas, at mga bulaklak na di ko mapangalanan. Sa gitna, may maliit na stamped image ng karet at masong na si Lara at Jin ang gumawa. Kahit pala ang floral arrangement, hindi rin pangkaraniwan. ### (ni Ka Isagani, ARMAS-Parts Bagani)