Balitaan
May isang simpleng gawain sa mga sonang gerilya na nakakadagdag ng kaalaman. Nagpapatalas ng pagsusuri, nagpapaunlad ng pagkamalikhain at nagpapalakas ng pagkakaisa.
Sa umaga pagkatapos mag-almusal ay nagbabalitaan ang mga kasama. Bawat isa ay nagbabahagi ng nabasa o napakinggan sa radyo na mga balita. May mga kategorya na tulad ng sa radyo, telebisyon o pahayagan. Headline. Editoryal. Lokal at internasyunal na balita. Pangkultura. Palakasan.
May kanya-kanyang pamamaraan ng pagbabahagi. Maaring parang balita sa radyo o telebisyon. O di kaya ay para talagang mga broadcaster ang mga nag-uulat na mga kasama. Puwede rin namang sa porma ng isang maikling dula, tula o kanta.
Hindi nagiging mekanikal o nakakabagot ang mga balitaan kahit may regularidad sa paggawa nito. Mas natutuon din ang mga talakayan sa konteksto at mga pagsusuri ng mga balita. Kaya sa pagbabalik sa lungsod ng mga kasamang may pulong lamang o mahalagang pakay sa mga kampuhan at sonang gerilya ay tiyak na hahanap-hanapin nila ang mga ganitong kaganapan.
May kaibahan talaga kung may kasama kang nagsusuri at nag-aaral kahit pa nga sabihing mga balita lamang iyon. Napapalalim ang mga pareho ninyong mga pagsusuri at naiitama naman ang mga maling basa ng mga kasama sa mga nilalaman ng mga pangunahing pangyayari sa lipunan.
Panunuod ng Pelikula at Dokumentaryo
Sa mga gabing nakaiskedyul ay makikita ang mga kasama na nanunuod ng pelikula. May mga temang nakaplano kung ano ang tatalakayin at hahanapan ito ng angkop na pelikula. Halimbawa ay tungkol sa buhay ni Karl Marx at ang ipapakitang pelikula ay ang “The Young Karl Marx”.
Minsan naman ay tungkol sa panghihimasok ng US sa Ukraine at ipinalabas ang dokumentaryong “Ukraine on Fire”. Dahil hindi naman sa lokal na wika ang mga naturang panuorin, may dalang hamon ang mga ganitong gawain na parehong anyo ng edukasyon at pagpapalipas ng oras para aliwin ang bawat isa.
Kailangan ng magsasalin ng pelikula at dokumentaryo mula sa Ingles tungo sa Filipino o sa kung ano ang lenggwahe sa lugar. Pagkaraan ng ilang eksena ay ititigil muna ang pinanunuod at may tagasalin ng mga naging usapan o naratibo sa pinanunuod. Kung iniisip lang natin ang ganitong pamamaraan ay parang mahirap. Pero sa aktwal ay hindi naman. Interesado kasi ang mga tagapanuod. Nakapokus sila sa pelikula o dokumentaryo. At alam nila na maaaring matagal na muling mauulit ang mga ganitong gawain, depende sa sitwasyon, na siyempre pabago-bago rin. Kaya mahalaga ang bawat sandali. Hindi ito dapat masayang.
Sa mga mas maliliit na grupo o kolektibo ay sila ang pumipili ng mga pelikulang panunuorin nila habang nagpapahinga. Walang pagsasalin. Walang talakayan pagkatapos ng panunuod ng pelikula. Pero gaya ng lahat ng nababasa, napapanuod at nararanasan lahat ay may kontribusyon sa ating mga anatututunan. Sa katunayan, mahirap mo nang mapapanuod ang 1960 na bersyon ng “The Magnificent Seven” pero meron sila nito sa ilang mga sona. Kuwento ng tagumpay ng mga magsasaka laban sa mga bandido.
Tunay ngang maraming sorpresa ang mga dalaw sa BHB. Bigyan lagi natin ang mga sarili natin ng ganitong oportunidad. Sa kaduluhan, mahalaga ito saan mang larangan ng gawain tayo kumikilos. (ni Roberta Gonzalo)###