3 senyales ng nabubulok na reaksyunaryong eleksyon, gobyerno

Eleksyon na naman. Pista muli ng paasa.

Pupunta sa masa ang mga bago, luma at bagong lumang hari, reyna, dyos dyosan at marami pang iba. Gaya ng nakasanayan kada halalan, magpapasabog sila ng matatamis na pangako. Mamimigay ng munting grasya at pera. Susuyuin nila ang masa—lilibangin, haharanahin, sasayawan.

Bawat eleksyon sa Pilipinas ay pista ng kabalintunaan. Ang mga kandidato ng naghaharing uri ay mangangako ng pagbabago na sila mismo ang sisira pagkatapos ng halalan. Ang botong di nila makuha sa santong dasalan, kukunin nila sa pagbabayad ng boto at/o mga armado para gipitin ang masa na sila ang “iboto.” Mismong mga paraan ng naghaharing uri para makuha ang poder, mismong mga gawi nila—korapsyon, paniniil, dinastiya, pandaraya—lahat ng pangpapanggap nila ay katunayan na hungkag ang demokrasya at pagbabago na ipinapakalat nila tuwing eleksyon.

Para sa mamamayang Pilipino, alam nilang ang eleksyon ay okasyon para mangako ng pagbabago, ng maayos na buhay. Alam din nilang walang natutupad sa mga ito. Sa dami nang nagdaang eleksyon, ganoon pa rin naman ang kahirapan. Mas tumitindi pa nga. Sa kabilang banda, mayroon pa rin namang naniniwala sa eleksyon kaya pumipili na lang ng kandidatong di gaanong kurakot. Pero kurakot pa rin.

Pero maaring makakuha ng mga reporma sa hungkag na eleksyong ito kung sama-sama nating hahamunin ang mga boladas ng mga pulitiko. Pwede nating gamiting lunsaran ang hungkag na eleksyon na entablado ng naghaharing uri para ipakita na ang pambansang demokratikong rebolusyon at programa nito ang magdadala ng tunay sa pagbabago—ng kaginhawahan, demokrasya at kasarinlan.

Kaya, kailangangang palakasin ang rebolusyonaryong hanay kahit na sa panahon ng reaksyunaryong eleksyon. Ito ang panahong nakikita ang paghina ng salalayan ng panloloko ng naghaharing uri. Nais nilang magpista ang masa sa ilusyon ng demokrasya pero sila rin ang sumisira sa ilusyong ito dahil sa paghahabol ng poder.

Ilan sa mga gawi nilang ito ang sumusunod:

1. Nasaan ang pagbabago at demokrasya kung mga pampulitikang dinastiya pa rin ang nangingibabaw?

Ang eleksyon sa Pilipinas ay tunggalian sa pampulitikang kapangyarihan ng mga pamilya ng naghaharing uri. Ang linaw na halos pare-parehong pamilya ang nagpapalitan sa matataas na pwesto mula nasyunal hanggang sa lokal na pamamahala.

Sa 2025 midterm election, ang malalaking nagsasabong ay dinastiya ng mga Marcos at Duterte. Sa paligid nila ay ang iba pang dinastiya na namimili ng pupustahan, depende kung saan sila mas makikinabang. Sabi ng report ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) noong Oktubre 2024, mismong sa Malacanang, may limang tatakbo sa pamilyang Marcos para sa Senado, sa Kongreso at sa Ilocos Norte at lima naman mula sa angkan ng Romualdez sa Leyte na kamag-anak naman ni Imelda Marcos; may tatlo naman sa mga Duterte ang kandidato.

Dagdag pa ng PCIJ, sa Kongreso raw ay walo sa bawat 10 representante ay bahagi ng dinastiya. May 142 representatives na muling tatakbo sa 2025 samantala 67 naman ay maaring palitan ng kapamilya nila. Sa kabuuang bilang ng mga congressman, 33 lang ang hindi kabilang sa political dynasties.

Ang mga political dynasty, na kabilang sa mga burukrata kapitalista, ay tiyak na gagamitin ang pondo, impluwensiya at kapangyarihan ng kanilang pwesto sa gobyerno para lalo pang magkamal ng yaman at para manatili sa poder ang pamilya nila. Isa ring paraan ito para makaiwas sa mga parusa sa mga krimeng ginawa nila. Narito ang nakakasukang katangian ng political dynasties:

  • Mapagpanggap na public servants, tumatakbo ang mga myembro ng pamilya para kunwari ipagpatuloy ang serbisyo ng pamilya sa masa. Ang totoo, nasa likod sila ng malalang misgovernance gaya ng korapsyon, takipan ng mga kasalanan, kawalang parusa sa kasong isinampa kahit sa mga napatunayan nang nagnakaw o gumawa ng mga krimen, paglulustay ng kabang bayan, at marami pang iba;
  • Dahil naka-pwesto sa gobyerno tila mga bandido silang nasa likod ng walang habas na pag-ubos ng yaman at rekurso ng bansa; at
  • Mga pinuno ng kriminal na kapalpakan at kapabayaan sa taumbayan dahil mas inaasikaso ang interes ng kanilang pamilya.

Ang mismong pag-iral ng political dynasties ang nagpapakita sa mamamayan na manloloko ang naghaharing uri. Patunay ang political dynasties na ilusyon lang ang demokrasya ng sistemang malakolonyal at malapyudal.

2. Nasaan ang pagbabago at demokrasya kung mas garapalan ang dayaan?

Mula noong “manwal” pa ang eleksyon (2007 ang huli) hanggang ngayon na “automated” na, ang mga abuso ng nasa kapangyarihan para makapanatili ay patuloy at lalo lamang lumalala. Lalo lang pinapakipot ng naghaharing uri ang “demokrasya” ng iilan.

Paano nga ba nandaraya ang naghaharing uri sa panahon ng eleksyon?

  • Nariyan ang pinakalaganap na vote-buying.
  • Gamit rin ang pera, nakapag-uutos ang kandidato ng naghaharing uri sa mga armado (pulis o militar o paramilitary) na manakot at mamilit para sila ang iboto, sukdang i-hamlet ang mga magkakapitbahay para kunin ang boto nila (halimbawa, kukunin na lang pangalan nila at kunwa’y bumoto sila), o sagarang terorismo ang gamitin para hindi makaboto kung hindi rin lang amo ng goons ang iboboto.
  • Sa social media, lumaganap din ang disimpormasyon para lokohin ang botante pabor sa political dynasty. Kasama sa dis-impormasyon ang red-tagging sa mga progresibong kandidato o mga partido.

Ibayong tumindi and kahungkagan ng eleksyon ng naghaharing uri sa pagpapaandar nito ng automated election system.

Ang mga karaniwang daya mula “Hello Garci” noong panahon ng dagdag-bawas ni Gloria Arroyo ay elektroniko nang nagagawa sa pamamagitan ng automated election system o AES. Masahol na korapsyon rin pa sa pagpili ng supplier ng mga makinang gagamitin sa eleksyon.

Tinukoy, halimbawa, ni Trinidad Ramirez, chairperson ng Liga ng Agham para sa Bayan (LAB, kasapi ng NDFP) na kumita mula sa COMELEC ang Smarmatic ng lagpas sa Php 25 bilyon mula 2010 hanggang 2022. Dagdag ni Ramirez, “Noong 2023, idinemanda sa korte sa Estados Unidos ang matataas na opisyales ng Smartmatic at ang dating COMELEC Commisioner Andres Bautista dahil sa daan-daang milyong pisong suhol para matiyak ang kontrata nito sa eleksyon.”

Sa pinakahuling eleksyon noong 2022, kung saan misteryosong nanalo si Marcos Jr at Sara Durterte, nasindak hindi lang ang masa kundi mga eksperto sa Information Technology sa hindi kapani-paniwalang bilis ng pagbilang at pagtransmit ng boto.

Hindi rin nasagot ng Comelec ang mga tanong tungkol sa: mga balota at SD cards na pwedeng pre-shaded at saka pre-loaded ng datos ibig sabihin may boto na bago pa ang eleksyon; walang bantay na magtitiyak na hindi pakikialaman ng logistics company na nagdeliber ng mga gamit sa eleksyon para paboran ang mga nagbayad na politiko (kilalang crony ni Duterte Dennis Uy ang may-ari ng logistics company). Kahit ang misteryosong IP address ng mga computers na nagtransmit ng 20 milyong boto ni Marcos Jr—na lampas sa kakayanan ng tatlong kumpanya ng mga telcom—ay walang matinong paliwanag.

Ang AES para sa eleksyong 2025 ay nasa anyo ng Full Automation System with Transparency Audit/Count o FASTrAC na gamit ang serbisyo ng kumpanyang Miru. “Kailan lamang, sumingaw naman ang alegasyong bilyon-bilyong pisong suhulan ang naganap sa pagitan ng Miru at si George Garcia, chairperson ng COMELEC, para paboran ang Miru. Tumanggap raw si Garcia ng pera na naka-deposito sa offshore accounts,” sabi ng pahayag ng LAB.

Read: FASTrAC: Bagong pakulo ng rehimeng US-Marcos

Smartmatic man o Miru, misteryo pa rin sa mga botante kung paano binibilang ang kanilang boto. Hindi rin maipaliwanag kung paano tumakbo ang mga computer at kung mahuhuli ba rito ang mga hacking, palit-SD, naka programang resulta, peke ba o tunay ang resulta.

Ang dayaan ay senyales na ang eleksyon—na pista ng paasa ng naghaharing uri sa taumbayan—ay bastos sa boto at balota. Sila-sila na nga lang ang naglalaban, sila-sila rin ang nagdadayaan at lahat sila ay walang galang sa boto ng mamamayan.

3. Nasaan ang pagbabago at demokrasya kung ginigipit, sinisiraan ang mga kinatawan at boses ng masa?

Anumang bahid ng demokrasya mayroon ngayon, ito ay magiting na ipinaglaban ng sambayanan. Hindi ito kusang ibinigay ng naghaharing uri. Sa maraming pagkakataon, ang mga naipaglaban na ng mamamayan ay binabawi at sinasabotahe ng reaksyunaryong gobyerno. Isang patunay ito na bulok ang gubyerno at hindi kailanman maglilingkod sa masa.

Halimbawa ang partylist system na naisabatas noong 1995 ay tulak ng reaksyunaryong Saligang Batas ng 1987 na nasulat matapos ang people power ng 1986. Kakatwa sa gobyerno ng iilan ang partylist system. Sa isang banda, konsesyon at reporma ito alay sa nagpuprotestang masa; sa kabilang banda, ay patutoo ito na walang tunay na demokrasya. Dahil kung tunay na may demokrasya, bakit kailangan pang limitahan sa 20% ang mga kinatawan ng masa sa kongreso? Kung tunay na may demokrasya, bakit isa lang sa bawat limang mambabatas ng Kongreso ang kinatawan ng mas nakararaming masa?

Ang partylist system na konsensyon ng estado sa masang nagpupuyos sa kriminal na kapalpakan, katutaan at kabulukan ng mga burukrata kapitalista ay binaboy mismo nila. Sa pagsusuma ng International Observers’ Mission sa Halalan 2022, “ang sistemang partylist ay binalahura ng mga political dynasty hanggang sa punto na iilan na lang sa mga kumakatawan sa mga agrabyadong sektor ng lipunan ang nagtatagumpay.” Ang partylist system ay naging instrumento na ng mga pulitiko para manatili ang kani-kanilang dinastiya.

Nag-unahang magbuo ng kani-kaniyang partylist ang mga pulitikong suportado o galamay mismo ng iba’t ibang political dynasty at traditional na partido. Noong halalan 2022, inulat ng PCIJ na mga 70 na partylist ang may nominadong konektado sa mga dinastiya at/o may kaanak sa mga lokal o pambansang opisyal.

Samantala, ang mga makabayang kandidato at partylist na may track record ng serbisyo sa bayan at siyang totoong oposisyon ay inaatake. Batbat sila, at ang kanilang mga taga-suporta, ng red-tagging, surveillance, pananakot at harassment, extrajudicial killings, disimpormasyon at diskwalipikasyon bunga ng mga gawa-gawang kaso.

Sabi nga nga Bayan Muna kinatawan na si Neri Colmenares na kung sa ibang karaniwang partido ginawa ang masidhing atake tulad ng ginawa sa mga partylist ng Bayan Muna, ACT Teachers, Gabriela, Kabataan Partylist, Anakpawis, at iba pa, malamang nagiba o nawala na ang mga iyun. Pero nananatili sila at patuloy na lumalaban sa loob o labas man ng kongreso. Patunay ito ng mahigpit na suporta ng mamamayan dahil sila ang nagdadala ng kanilang mensahe at palaging kasama nila.

Isinisisisi ng mga reaksyunaryong pulitiko sa mga makabayang kinatawan sa kongreso, sa mga aktibista, progresibo, at kritiko ang pagyabong ng armadong rebolusyonaryong kilusan. Ngunit ang mga pahirap at krisis na bunga ng kanilang paghahari ang talagang nag-aanak ng protesta at nagtutulak sa mamamayang magsalita, kumilos, mag-organisa, mag-armas at magtayo ng sariling gobyernong bayan. Kahit ang people power at mga legal at demokratikong protesta ay dahil sa korap, mapang-api at mapagsamantalang paghahari ng iilan sa Pilipinas.

Kaya naman, kung inaakala ng naghaharing uri na lumalakas sila mentras pinasisidhi nila ang panunupil at paninira sa mga kritiko, nagkakamali sila. Laluna sa paparating na eleksyon 2025 at sa mga susunod pa, maipapalasap na naman ng sambayanan ang pagkamuhi nila sa kabulukan at panunupil ng reaksyunaryong gubyerno. Anumang panunupil ay tanda ng matinding kaba ng naghaharing uri. Anumang pagbabalik diktadura ay tanda na nabubulok at pabagsak na ang kanilang sistema. (Pinky Ang) ###