Mabuhay ang ika-57 taon ng Bagong Hukbong Bayan!
Ipinapaabot ng kababaihang magbubukid sa ilalim ng Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan–Pambansang Katipunan ng Magbubukid–National Democratic Front of the Philippines (MAKIBAKA-PKM-NDF) ang pulang pagsaludo sa lahat ng kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa pagdiriwang ng ika-57 taon ng pagsusulong ng armadong pakikibaka sa bansa. Ang mahabang paglaban at hindi magapi-gaping “hukbo ng masang anakpawis” ay patunay ng kawastuhan ng pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-MLM) sa Rebolusyong Pilipino.

Kahanga-hanga ang dedikasyon at sakripisyo ng mga kasama sa BHB para isulong ang rebolusyong agraryo at itayo ang mga binhi ng Demokratikong Gubyernong Bayan para sa kapakanan ng masang magbubukid at sambayanang Pilipino. Hindi rin nalilimutan at pinagpupugayan ng mga rebolusyonaryong kababaihang magbubukid ang lahat ng mga martir na nag-alay ng kanilang buhay sa pagsulong ng Digmang Bayan.
Lalong umiinam ang sitwasyon, para sumapi ang kababaihang magbubukid sa BHB, mismong humawak ng armas, sumama sa armadong pakikibaka at sa kalauna’y mamuno. Walang kinabukasan ang kababaihan at kabataang kababaihang magbubukid sa isang pyudal-burgis na kultura at nabubulok na sistemang malapyudal at malakolonyal na tadtad ng pampulitika-ekonomiyang krisis, na pasimuno ng papet ng imperyalistang rehimeng US-Marcos.
Determinado ang mga rebolusyonaryong kababaihang magbubukid na makapag-ambag ng pagpapalakas ng kilusang magbubukid sa kanayunan sa pamamagitan ng paglaban sa pyudal at malayudal na pagsasamantala. Pinupukaw, inoorganisa at kinokonsolida ang hanay para buuin ang mga grupong pang-organisa, ganap na samahang masa at kasama sa pagbubuo ng Komiteng Rebolusyonaryo ng Baryo. Instrumental ang mga rebolusyonaryong kababaihang magbubukid sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo, nangunguna sa mga komiteng organisasyon, edukasyon, kalusugan, kultural at sosyo-ekonomiko. Araw-araw hinaharap ng sektor ang mga usapin sa kahirapan, kagutuman, kalusugan, malnutrisyon, literasiya, kagalingan ng mga anak at pamilya, kalikasan at iba pa. Namumuno rin sa mga anti-pyudal, anti-pasista at anti-imperyalistang pakikibaka para mahamig ang malawak na mamamayan at mabuo ang Rebolusyonaryong Nagkakaisang Prente sa kanayunan.
Sa malapyudal at malakolonyal na lipunan, lihis at walang silbi sa kababaihang magbubukid ang burgis na peminismo, at ang tunay na kalayaan sa kasarian ay sa pamamagitan lamang ng demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba. Sa pagpapatupad ng mga anti-pyudal na pakikibaka at rebolusyong agraryo, kasamang nangunguna ang sektor sa pamamahala at produksyon, at hindi nakakadena sa mga bahay o domestikasyon, kapantay ng mga kalalakihan at malaya sa diskriminasyon sa pagbubuo ng mga desisyon at plano. Ang mismong pagsama sa armadong pakikibaka at paghawak ng armas, ay pagbalikwas mula sa pang-aabuso, diskriminasyon, pang-aapi at pagsasamantala ng malapyudal at malakolonyal na sistema.
Instrumental ang mga
rebolusyonaryong kababaihang magbubukid sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo,
nangunguna sa mga komiteng organisasyon, edukasyon, kalusugan, kultural at sosyo-ekonomiko.
Nakaukit na sa mahabang kasaysayan, na ang pakikipagtulungan ng mga rebolusyonaryong kababaihang mabubukid sa BHB at Partido, ay instrumental sa pagbubuo ng solidong lakas ng MAKIBAKA, PKM at Kabataang Makabayan (KM) para sa digmang bayan at rebolusyong agraro. Nagsisilbing di-matuyu-tuyong balon ng suporta at salinlahi para sa demokratikong rebolusyong bayan ang mga mayor na organisasyong masa sa kanayunan. Sa pagkakabuo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan, nararanasan na ng mga sektor sa kanayunan ang kalayaan at demokrasya, na malaking pagkakaiba sa mga sektor sa kalunsuran na pawang aping alipin at biktima ng reaksyunaryong sistema, ng burukrata kapitalismo, imperyalismo at pasismo.
Sa okasyong ito, umasa ang BHB at Partido na tatanganan ng kababaihang magbubukid ang makasaysayang papel nito sa rebolusyong pilipino. Sa pagtataguyod ng kilusang pagwawasto, dadaluyong at paparamihin nito ang pagpapasampa sa hukbo at tuluy-tuloy na pamunuan ang sektor at masang anakpawis para sa demokratikong rebolusyong bayan. ###