Tatak na ng reaksyunaryong eleksyon sa Pilipinas ang malaganap na vote buying o pagbili ng boto. Sa pagpayag ng Comelec na ipagpatuloy ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa panahon ng kampanya sa eleksyon 2025, nagkaroon ng dagdag na anyo ang bilihan ng boto ng mga pulitikong mula sa naghaharing-uri.
Ang AKAP at AICS ay mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para tulungan daw ang mga mahihirap na pamilya at indibidwal sa panahon ng krisis. Nagsimula noong 2024, ang AKAP ay para raw tugunan ang di mapigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin na nagsimula noong panahon ng pandemyang COVID-19. Mahigit Php 26 bilyon ang badyet para sa dito noong 2024 at muli para sa 2025. Samantala, ang Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS naman ay nagsimula noong 2020. Mula sa Php 8.7 bilyon sa 2020 national budget, umabot sa Php 40.9 bilyon ang badyet nito noong 2023 at ngayong 2025 ay nasa Php 44.7 na ito.
Sa maraming barangay sa buong bansa, nasa pangalan ng mga trapong kandidato ang pamimigay ng mga ayudang ito.
Vote buying na, corruption pa
Gaya ng mga political ads sa media at mga nagkalat na billboards sa mga kalsada, maaga ring ginamit ng mga pulitiko ang AKAP para magpasikat sa eleksyon.
Halimbawa, noong Nobyembre 2024, namigay ng “ayuda” gamit ang pondo ng AKAP sa isang mall toursina House Speaker Martin Romualdez at iba pang miyembro ng Kongreso. Si Erwin Tulfo naman, dating kalihim ng DSWD na tumatakbo ngayon bilang senador, ipinagmamalaking siya raw ang nagpasimula ng AKAP.
Gaya rin ng AKAP, aktibong ginagamit ng mga trapong tulad ni Imee Marcos ang AICS para sa pangangampanya.
Bukod sa AKAP at AICS, marami pang ibang programang ayuda ang reaksyunaryong estado ang aktibong ginagamit para sa eleksyon. Nariyan ang 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program na tinutuntungan ng pangangampanya ng 4Ps Party-list na pinamumunuan ni Nonoy Libanan, alyado ng mga Marcos. Mayroong maliliit na ayuda gaya ng Start-up Investment Business and Livelihood Program (SIBOL), Cash Assistance and Rice Distribution (CARD) at iba pa na ginagamit din nila Romualdez.
Dahil bulok nga ang reaksyunaryong eleksyon, kahit pa namimigay daw ng “ayuda” ang mga trapo at ginagamit na pambili ng boto,mismong sila ay nagdadayaan at kanya-kanyang ibinubulsa ang malaking bahagi ng “ayuda.”
Maraming pang report sa iba’t ibang lugar sa bansa na ang Php 10,000ng AICS ay Php 1,000 lamang ang totoong nakakarating sa mga tao. Ang Php 9,000 ay napupunta sa ibang bulsa. May katulad ding ulat sa AKAP na Php 1,000 lamang ang naibibigay sa mga benepisyaryo sa halip na Php 3,000. Lahat ng pangungurakot na ito ay nangyayari sa ngalan ng mahihirap na mamamayan.
Pulitiko nakikinabang, mamamayan nalilinlang
Para kay Ka Raps, isang lider-maralita sa Quezon City at kasapi ng KASAMA, ang mga reaksyunaryong pulitiko lamang ang makikinabang sa nasabing desisyon ng Comelec, hindi ang sambayanang Pilipino.
“Malinaw na yung desisyon ng Comelec ay hahantong sa vote buying,” aniya. “Hindi maiiwasan na may mga tao sa komunidad na nabubulag sa pera, na dahil nabigyan sila ng isang pulitiko ng ayuda ay maiimpluwensiyahan ang kanilang mga boto.”
Bukod rito, pinunto niya na ang karaniwang binibigay na ayuda ay sapat lamang para sa isang araw o isang linggo. Hindi totoong natutugunan ng mga programang ayuda ang mga batayang problema sa ekonomya ng mamamayan—kawalan ng trabaho, mababang sweldo, mataas na presyo ng bilihin, gutom. Dagdag pa rito, dahil sa palagi namang nasa krisis ang ating bansa, talagang umaasa na lang ang ilan sa ayuda.
Sawang-sawa na ang masang Pilipino sa mga panakip-butas na solusyon o band-aid solution ng naghaharing-uri sa patuloy na lumalalang pang-ekonomyang krisis ng bansa. Pero kada taon, nakakahanap ng bagong paraan ang mga trapo at burukrata-kapitalista para bigyan ng bagong pangalan at mukha ang inilalako nilang ayuda sa halip na lutasin ang mga ugat ng kahirapan ng mamamayan.
“Sa ganitong klaseng eleksyon, nagiging matingkad ang papel ng organisasyon sa komunidad,” sabi ni Ka Raps. “Kailangan mag-organisa sa masa para maging mapagbantay at mamulat sila sa katotohanan na wala tayong maaasahan sa mga pulitiko na ‘yan pagkatapos ng eleksyon.” At pinatunayan na ito ng napakaraming nagdaang eleksyon.
Huwad na eleksyon, rebolusyon ang solusyon
Kahit na sa Mayo pa ang araw ng botohan, malinaw na ang pandaraya at kapalpakan ng hungkag na ehersisyong ito. Wala nang patago-tago pa, harapan na ang lokohan at pagbibili ng boto. Dagdag pa, sinasamantalahan ng naghaharing-uri ang kasalukuyang krisis para gawing palaasa ang masang Pilipino sa ayuda. Hindi nito tinutugunan ang matagal nang kahilingan ng masang anakpawis bilang pangmatagalang solusyon sa krisis—ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.
Sa bilyon-bilyong ginagastos ng mga burukrata-kapitalista sa vote buying at iba pang tipo ng pandaraya, tiyak na kontrolado nila ang resulta ng eleksyon. Habang may pagsisikap ang ilang mga progresibo at makabayang kandidato para mahalal bilang senador at kongresista, hindi na nakagugulat kung mga trapo at myembro ng mga dinastiya lang ulit ang mananalo sa parating na eleksyon.
Malinaw sa masang anakpawis na hindi kailanman makakamit ang pagbabago sa pamamagitan ng reaksyunaryong eleksyon. Kaharap ng ganitong klaseng lantarang pandaraya at kabulukan ng sistema, walang ibang solusyon kundi ang pag-oorganisa at ang pagsulong ng pambansang demokratikong rebolusyon. ### (Gaea Sumulong)