Malamig ang umagang iyon bagaman balot ng smog ang paligid. Maluwag pa ang kalsada ng Kamaynilaan, malamang tulog pa ang nasa gimikan kagabi. Sarado pa ang mall kung saan ako susunduin ng isang kasama. Sa isip, naglalaro ang mga haka-haka tungkol sa seremonya ng kasal ng Partido—may mga baril, nasa gitna ng kagubatan, at may firing salute matapos mag-kiss ang mga ikinakasal.
Pagkaraan ng ilang minuto, dumating na ang sundo ko. Nakasukbit sa kilikili niya ang isang malaking sako bag na kulay blue. Laman nito ang mga gagamitin sa pagluluto, mga stick pangbarbecue, ilang rolyo ng tissue, at iba pa. Maya-maya sumakay na kami papunta sa venue ng kasal. Nangangarap na ako ng kape.
Sa venue, walang may baril at walang naka-ready para sa firing salute. Hindi pa nabibihisan ang lugar—may nag-aayos pa ng mga bulaklak sa gilid, may nagkakabit ng banderitas. At may nagtitimpla ng kape. KAPE! Sa wakas, makakapagkape na. Ilang higop ng kape para magising, tumulong na akong magbuhat ng mesa at bangko para sa inaayos na kainan pagkatapos ng kasal.
Dalawang bahagi ang activity sa araw na iyon. Sa umaga ang pormal na seremonya ng kasal sa Partido nila Ka Jin at Ka Lara na dadaluhan ng kanilang mga kolektiba, marriage collective (ninong at ninang sa kasal), pamilya, at ilang piling kasapi ng ARMAS. Sa hapon naman ay mas malaking grupo ang inaasahan—mga kasama’t kaibigan na hindi bahagi ng kanilang mga kolektiba pero naging saksi rin sa pagunlad ng relasyon ni Ka Jin at Ka Lara.
Sa maliit na kuwarto, habang nag-aayos ang bride dumating ang kanyang nanay at mga kapatid. Nakapostura at mababango. Nagpakilala kami gamit ang mga koda namin. Sila, sa tunay na pangalan. Bongga! Mayamaya ay dumating ang groom matapos magpanic ang lahat nang matagalan siya sa pagsusundo. Kasama na niya ang kanyang pamilya na nagpakilala rin sa kanilang tunay na pangalan.Hindi Party members ang magulang ng mga ikakasal. At hindi pa iyon ang pinakanakakaloka, ito rin ang unang beses na magkikita ang dalawang pamilya, sa kasal ng kanilang mga anak sa Partido.
Panunumpa sa isa’t isa at sa bayan
Sa isang maliit na kuwarto, nagsamasama ang mga piling miyembro ng Partido. Habang ako, naroon bilang miyembro ng ARMAS. Ibinukas ang kasal sa ilang kasama sa ARMAS bilang exposure raw sa mga gawain ng Partido at rebolusyon.
Sa harap ng kwarto ay nakasabit ang bandila ng Partido na idinikit sa pader gamit ang iba’t ibang uri ng tape (kahit sa tape, nag-uuri pa rin talaga tayo, chz!). Mayroon ding mesang pinalamutian ng bulaklak at may dalawang upuan. Kaharap nito ang hindi hihigit sa 15 upuan para sa 15 bisita—ang marriage collective (o ang mga ninong at ninang), mga ka-kolektiba, at pamilya.
Suot ni Ka Lara ang puting blusa at nakaputing polo naman si Ka Jin. Walang ibang garbo at komplikasyon. Simpleng damit na puting sumisimbolo sa kadalisayan ng pag-iibigan ng dalawa. Wala pa mang nangyayari, tumutulo na ang luha ng karamihan habang nakangiti.
Actually, nagpipigil rin ako ng luha. Tanong ko pa nga, paano kaya nakakapagpataas ng komitment sa rebolusyon ang kasal sa loob ng Partido? Naglaro tuloy sa isip ko ang tagubilin ng Partido noong December 26, 2025, ika-57 na taong paggunita nito simula nang ito’y itatag. Sa statement, mariing pinapaaalala na ang Kilusang Pagwawasto ay isang ideological na gawain. Iniisip ko, ano kaya ang relationship ng isang kasal sa pagpapatibay rin sa gawaing pang-ideolohiya?
Nang simulan ng aming tagapagpadaloy, si Ka Anthurium ang programa, sabay na tumugtog nang malakas ang Lay Me Down ni Sam Smith sa labas ng kwarto. Kahit sadya ito para hindi madaling marinig ng mga nasa labas ang nangyayari sa loob, ay medyo napalakas nga. Buti’t nakaramdam ang mga nagbabantay sa labas at nahinaan naman agad ang tugtog. Di ko na rin kasi mapigilang matawa sa kanta. Habang nangyayari ito, nagpakilala kami nang pormal sa isa’t isa gamit ang aming koda. Nakakanta na rin kami ng—isang kantang pampag-ibig na kinabog si Sam Smith.
AWIT SA KASAL
Ang pag-iisang dibdib
ay pagpanday
sa pag-ibig;
Ito ay wagas
na pangakong mag-alay
ng panahon at buhay
alang-alang
sa ‘yong minamahal
Ito rin ay kasunduan
sa iniirog na bayan
Pag-aalay sa kanya
ng panahon at buhay

Sa exciting part, pinadaloy ni Ka Mika ang kasal bilang officiator. Di mo kinaya na babae ang officiator ng kasal!
Pinaliwanag niyang sa Partido walang pinipiling kasarian ang pag-officiate ng kasal. Kabog! Gayundin, pinaliwanag niya ang kaibahan ng daloy ng kasal sa Partido at ng kasal sa burges. Mas simple ito, siyentipiko, at makabuluhan. Simple dahil hindi kakikitaan ng garbo ang gawaing ito, Siyentipiko ito dahil metodikal ang proseso, sinusuri ang kasaysayan ng relasyon, tinutukoy ang kalakasan at kahinaan at nagmumungkahi kung paano pa ito pauunlarin. Makabuluhan dahil ginaganap ito sa panahon ng pagwawasto ng Partido; mahigpit na pagbabalik sa turo at prinsipyong ating pinanghahawakan at itinataguyod.
Dito rin nagpalitan ng pangako (vows) ang ikinakasal—para sa isa’t isa at sa bayan. Makabuluhan at simbolikong ipinagtibay ang mga pangakong ito nang isukbit sa kanilang balikat ang bandila ng Partido—na may sagisag ng maso’t karet.
Personal kong paborito nang humarap ang dalawang ikinakasal sa amin at buong kilig na ikinuwento sa amin ang kasaysayan ng kanilang pagkakakilala at ng kabuuan ng kanilang relasyon hanggang sa dumating sa punto ng pagpapasiyang magpakasal at magpamilya. Hindi ko maalis sa isip ang pagkamangha nang taluntunin nila nang buo sa kanilang isip at diwa ang bawat minuto at segundo ng kanilang pagkikita. Nakangiti rin akong pinakikinggan kung paano sila itinama, pinalakas, at pinayabong, bilang indibidwal at bilang magkarelasyon, ng prinsipyo ng Partido bilang mangingibig at mga kadre.
Pamilya, kakampi ng rebolusyon
May mahalaga ring parte ang pamilya ni Ka Jin at Ka Lara sa seremonya.
Unang nagbahagi ang pamilya ni Ka Jin. Nagsisimula pa lang, nagpapahid na ng luha at sipon ang bunso niyang kapatid. Naiiyak siya dahil ang isang mahalagang pagkakataon sa buhay ng kanyang kuya ay naibukas sa kanila, ang pagrerebolusyon bilang kasapi ang Partido. Well composed naman ang nanay ni Ka Jin habang nagbibilin na maging safe silang mag-asawa sa kabila ng hirap ng buhay na mayroon sila. Di man umiiyak ay bakas sa mukha ang galak.
Sumunod namang nagbigay ng mensahe ang mader ng Ka Lara. Maluha-luhang niyang sinabi na, “ang mahalaga, anak, ay masaya ka sa buhay na pinili mo. Masaya ako kapag masaya ka. Nakakabawas ‘yan ng inaalala ko bilang magulang.” Buong puso niya ring tinanggap si Ka Jin bilang parte ng kanilang pamilya.
Di mapigilan ang tila talon na tulo ng luha ng mga kasama nang kausapin ni Ka Jin at Ka Lara ang kanilang pamilya at ipinakilala ang mga kasama na nasa kwarto.
“Sa aming mga pamilya, sila po ang mga kasamang nag-aalaga sa amin bilang mga fulltime na kumikilos sa rebolusyon. Hinanda namin ang kasal na ito nang magkakasama. Hindi po namin pinababayaan ang isa’t isa. Sa mahihirap man o sa masasayang pagkakataon, sila po ang mga kasama namin.” Ganito nila pinakilala ang Partido sa kanilang pamilya: Matatag, buo, at puno ng pagmamahal.

Napaka-inspiring na makita ang mga pamilya ni Ka Jin at Ka Lara na tanggap ang seremonya at existence ng CPP. Dahil ito sa pagsusumikap at kaseryosohan ng mga kasama na mamulat at ibukas ang programa ng Partido sa kanilang pamilya bilang mga kakampi ng rebolusyon.
Natapos ang seremonya ng kasal sa halik at ang pag-awit ng Internationale. Paglabas namin ng maliit na kuwarto sinalubong kami ng mga nag-aayos ng bulaklak, ng mga upuan at mesa, ng mga banderitas, at ng mga nagluluto sa kusina at bumati nang paisa-isa: “Mabuhay ang bagong kasal!” Mahina ngunit makabuluhan.
Malamig pa rin ang araw na iyon at tanaw ang smog sa Kamaynilaan ngunit pinag-init ng kasal na ito ang diwa ng pag-ibig sa Partido at sa bayan.
Pag dating ng hapon, ibinahagi ng Ka Lara at Ka Jin ang nangyari sa pormal na kasal at muling nanumpa sa Partido sa harap ng mga bagong dating na kasama at kaibigan.
Kinagabihan, nagkakaraoke, nag-swimming, at nagkukuwentuhan tulad ng karaniwang pagdiriwang ng kasal—may nabusog, nagtawanan, nagkuwentuhan, naglaro, sumayaw at napaos. ### (ni Ka Alon, ARMAS-Parts Bagani)
