Isang mapula at militanteng pagbati ang ipinapaabot ng Kabataang Makabayan-Kristine Florendo sa lahat ng mga kabataang tumitindig sa harap ng matinding krisis ng imperyalismo at sa malawak na hanay ng masang Pilipino na hindi nagpapatinag sa pananamantala ng mga naghaharing-uri.
Lantad na lantad na ang pabulusok na kalagayan ng imperyalismo, pangunahin ang imperyalistang Estados Unidos, sa buong daigdig. Nagkukumahog ang mga kapitalistang bansa na kontrolin ang mga bansang pagkukuhanan nila ng supertubo para lang mapanatili ang kanilang palubog na barko. Ginagamit ng imperyalismo ang giyerang agresyon upang ganap na mamonopolisa ang lahat ng kapangyarihan at rekurso sa pandaigdigang antas. Bakas sa mga nagdaang taon ang ganitong kalakaran ng Estados Unidos–mula sa paghihimok ng henosidyo sa Palestina, pag-atake sa Venezuela at pagdukot sa kanilang presidente na si Nicolas Maduro, hanggang sa walang pakundangang pag-bobomba nito at ng kasapakat niyang Zionistang Israel sa Iran. Dumanak ang dugo ng daang-libong mga rebolusyonaryo’t sibilyan, kabilang ang mga bata at kababaihan, sa walang katuturang pang-uupat ng giyera ng imperyalismong US. Bunga rin nito ang higit na paglala ng krisis na nararanasan ng mamamayan sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Ang imperyalistang pang-aatake ng Estados Unidos sa mga bansa ay atake sa masang anakpawis nito. Taktika nila ang lumpuhin ang mga bansang pinag-iinteresan upang lumikha ng paborableng sitwasyon para sa pagkamal ng kita, kapalit ng sumisidhing kahirapan at kagutuman ng mga mamamayan. Sa kasaysayan ng pagiging malakolonya ng Pilipinas ng Estados Unidos, nananatili ang dominansya nito sa ekonomya, politika, at kultura ng bansa.
Ang digmang bayan ng mga
bansang lumalaban sa
mga imperyalistang pwersa ang magpapalaya sa buong daigdig!
Patuloy na namamayagpag sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. ang mga neoliberal na polisiyang nagbubukas ng pinto sa ganap na kontrol ng mga dayuhang namumuhunan sa ating ekonomya at politika. Ginawang imbakan ng mga kagamitang pang-giyera at lunsaran ng ehersisyong militar ang ating lupain na siya namang nagdulot ng matinding takot at kawalan ng kabuhayan sa mga komunidad sa kanayunan. Bahagi ito ng plano ng Estados Unidos na panatilihin ang Pilipinas bilang “unsinkable battleship” sa pang-uupat ng digma nito sa iba pang imperyalistang bansa katulad ng Tsina. Kaya naman hindi nalalayo ang bansa sa usapin ng giyerang agresyon ng US, bagkus, mas may malaking pangamba pa tayong mahila sa giyerang hindi naman natin likha.
Sa iba’t ibang dako ng daigdig, sumusulpot ang ispontanyo at organisadong pag-aaklas ng mga mamamayan laban sa patuloy na hegemonya ng mga imperyalistang bansa. Batid ng masang anakpawis ang kronikong krisis sa ilalim ng kasalukuyang sistemang pandaigdig, kung kaya’y napapanahon nang baguhin ito sa pamamagitan ng rebolusyonaryong pagkakaisa at pakikibaka ng mga uring pinagsasamantalahan sa buong mundo.
Ang pagsulong sa pambansang paglaya ay hindi kailanman makakamit sa parlyamentaryong pamamaraan lamang. Hindi masasalba ng eleksyon o diplomasya ang bansang binobomba at ginugutom ng imperyalistang pwersa. Kinakailangan ang armadong paglaban ng sambayanan, tulad ng sa mga malapyudal at malakolonyal na bansa sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan, upang ganap na maputol ang kawing ng imperyalismo sa ating bansa. Kasabay nito ang pagwaksi sa panlipunang base nito na pyudalismo at sa mga burukrata kapitalistang galamay nito.
Dahil ang papet na rehimeng Marcos ang tagapamandila ng imperyalismo sa bansa, dapat itong ibagsak, at itayo ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan at iba pang demokratikong sektor ang Demokratikong Gubyernong Bayan. Sa paglaya ng sambayanang Pilipino, hihina ang kawing ng imperyalismong Estados Unidos sa Asya-Pasipiko, at mapapawi ang hegemonya nito sa rehiyon, na magpapahina naman sa pusisyon nito sa buong mundo.
Sa paglaya ng sambayanang Pilipino,
hihina ang kawing ng
imperyalismong Estados Unidos sa
Asya-Pasipiko at mapapawi ang hegemonya nito
sa rehiyon na magpapahina naman
sa pusisyon nito sa buong mundo.
Walang kinabukasan ang mga kabataan sa isang malapyudal at malakolonyal na lipunan. Pawang kronikong krisis at kahirapan ang nakaabang kahit pa makatapos ng kolehiyo. Naturingang mga peti-burgesyang intelektwal, ngunit sa katunayan ay alipin ng imperyalismo, niloloko ng mga burukrata kapitalista at dadagdag lamang sa malaking mayorya ng pamilyang namumuhay nang mas mababa sa family living wage. Nag-aantay sa kanila ang kawalang trabaho, mababang sahod, flexible labor, kontraktwalisasyon, kawalang serbisyong panlipunan at iba pang porma ng pang-aabuso at pagsasamantala ng mga monopolyo kapitalista at papet na estado.
Hinog ang panahon ngayon para sa mga kabataan na mabilis na makapagpamulat, mag-organisa, at magpakilos–hanggang sa pinakamataas na antas ng pakikibaka sa kanayunan. Sa ilalim ng tumitinding krisis, madaling tumitimo sa mga kabataan na baog ang pinag-aaralan sa burgis na paaralan kung hindi magbago ang sistemang nagpapanatili sa kahirapan at inhustisya. Higit na nagiging klaro kung bakit makatarungan ang tumangan ng armas upang tuluyang masupil ng masang Pilipino ang mga mapagsamantalang uri at makapagbuo ng isang tunay na malaya at demokratikong lipunan. Ang digmang bayan ng mga bansang lumalaban sa mga imperyalistang pwersa ang magpapalaya sa buong daigdig!
Kabataan, tumangan ng armas! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa ganap na tagumpay!
