Isang guro sa Lutod-lutod, Capiz si Reynaldo Bocala o mas kilala sa pangalang Ka Minoy at Sir Hans noong 1971, nang siya ay makakuha ng pampulitikang pag-aaral na naging daan para lubos na maunawaan ang tunay na kalagayan ng lipunang Pilipino at saligang suliranin ng ating bansa. Kasabay ito ng makasaysayang First Quarter Storm sa Maynila na naging mitsa ng paglaban ng mamamayan sa pasismo ng rehimeng US-Marcos. Isa si Ka Minoy sa mga tagapagtatag ng hayag na demokratikong organisasyon ng mga propesyonal sa Capiz, ang MasangProp (Makabayang Samahan ng mga Propesyonal). Aktibo ang organisasyong ito kung kaya’t maraming propesyonal ang naorganisa sa iba’t ibang bayan ng Capiz at Roxas City na karamihan ay mga guro at inhenyero.

Nang ideklara ang Batas Militar noong 1972, si Ka Minoy kasama ang ibang aktibista ng MasangProp ay kumilos nang underground dahil tinutugis sila ng mga reaksyunaryong pwersa. Matapos ang isang taon, isa siya sa mga gurong nagtungo sa kabundukan. Bitbit ang prinsipyong paglingkuran ang sambayanan, kasabay ang ibang mga kasama, sinuong nila ang kahirapan sa unang pagsisikap na maipundar ang rebolusyonaryong base sa border ng probinsya ng Aklan, Capiz, at Iloilo sa Panay na tahanan ng mga katutubong Tumandok. Dito niya ibayong napanday ang sariling paninindigan at katatagan sa gitna ng maraming sakripisyo at kahirapan sa pagpundar ng rebolusyon mula sa halos wala. Dito rin niya nakilala at naging kabiyak si Ka Concha Araneta na tagapagsalita ng NDFP-Panay at nagkaroon sila ng apat na anak.
Walang eskwelahan at serbisyong pangkalusugan sa erya. Pagkakaingin ang mayor na kabuhayan ng mamamayan at isang beses lamang maaaring makapag-ani sa loob ng isang taon. Kinakailangan namang maglakad ng dalawa hanggang tatlong araw para makarating lamang sa bayan para makabili ng rekurso at makatamo ng serbisyong panlipunan.
Guro ng rebolusyonaryong paaralan
Kaya naman sa isang baryo, sa boundary ng tatlong probinsya, itinayo ang kauna-unahang rebolusyonaryong eskwelahan ng Panay sa pangunguna nina Reynaldo at Nonito Aguirre, Sr. Sa pagtutulungan ng hukbo at masa, naitayo nila ang kanilang klasrum gamit ang kanilang mga itak, kawayan at kahoy. Si Reynaldo ay naging si Sir Hans sa rebolusyonaryong eskwelahan, ngunit dahil hindi mabigkas ng mga katutubo ang letrang “s”, siya ay naging Sir Han, ang kanilang pinakamamahal na guro.
Layunin ng eskwelahan na agad matugunan ang uhaw sa edukasyon ng mamamayang pinabayaan ng pamahalaan. Mabisa ang paraan ng pagtuturo nina Sir Han dahil mabilis na natutong magbasa, magsulat, bumigkas ng rebolusyonaryong tula at awitin ang mga mag-aaral sa loob lamang ng ilang buwan, at hanggang sa kasalukuyan ay memoryado pa ito ng mga naging estudyante nila. Kasabay nito, tinuruan din sila ng paglilinis ng katawan, paglilinis ng bahay at kapaligiran nang sa gayo’y maiwasan ang pagkakasakit ng kanilang mga pamilya. Parehong estudyante ng rebolusyonaryong paaralan ang bata at matandang miyembro ng mga pamilya mula sa baryo at kalapit na mga baryo. Araw-araw silang nagtuturo para sa mga bata habang tuwing sabado naman ay para sa mga matatandang estudyante.
Hindi nagtagal ay malalaman ng mga kaaway ang tungkol sa eskwelahan ng mga katutubo, at kalauna’y susunugin ito ng Philippine Constabulary. Pero bago pa man ito maganap, nalaman na ito nina Sir Han kasama ang dalawa pang rebolusyonaryong guro at ng higit 100 mga estudyante’t pamilya nila kaya’t nakapagbakwit na sila patungo sa sukal na bahagi ng kabundukan.
Itinayo ang kauna-unahang rebolusyonaryong eskwelahan ng Panay sa pangunguna nina Reynaldo at Nonito Aguirre, Sr. Sa pagtutulungan ng hukbo at masa, naitayo nila ang kanilang klasrum gamit ang kanilang mga itak, kawayan at kahoy.
Ang pagsira ng mga pwersa ng estado sa eskwelahan ay hindi naging hadlang kay Sir Han at mga kasama upang patuloy na magturo. Mula sa pagtuturo ng literasiya, kalusugan at sanitasyon, naging palagiang paksa ni Sir Han sa mga pormal at impormal na mga kwentuhan ang programa at patakaran ng demokratikong rebolusyon. Ang kwentuhang kusina ng mga hukbo ay nagiging lunsaran ng pagpapaalala at pagbabahagi ng mga prinsipyo at aral, wastong paraan at pananaw maging sa mga usaping praktikal na kinakaharap ng masa at hukbo. Naglalaan talaga siya ng oras makakwentuhan lalo na ang mga kasama at masang hindi niya madalas makasalamuha.
Taguyod sa araw-araw ng buhay ng masa
Giya rin siya sa paglutas ng mga suliranin na kinakaharap ng magsasakang minorya sa upland ng Central Panay at naging bahagi sa pagmumulat para angkinin nila ang rebolusyon bilang kanila. Noong panahong iyon, nag-aastang panginoong-maylupa ang 3rd Infantry Division na naniningil ng “tumado” o upa katumbas ng doble sa binhing itinanim bawat taon sa mga lugar na sakop ng idineklarang army reservation. Upang epektibong malabanan ang pagsasamantala at panggigipit ng 3rd ID, kinakailangang mabuo ang mas mataas na pagkakaisa sa pagitan ng mga angkan ng mga Tumandok. Kasama si Sir Han sa masigasig na kampanyang edukasyon upang matigil ang alitan sa pagitan ng mga ito. Mula rito, naigiit ang kanilang karapatan sa lupang ninuno na nagresulta sa pagtigil ng paniningil ng “tumado.”
Matindi ang dinadanas na kakapusan ng mga maralitang magsasaka sa kabundukan ng Panay, hindi lang sa komunidad ng mga Tumandok. Naging mahalaga ang pagpataas ng produksyon para maibsan ng kahit bahagya man lang ang kahirapang dinadanas ng mga magsasaka. Si Sir Han ay tuloy-tuloy na naging bahagi ng kampanya sa pagpapataas ng produksyon sa sentral at sur na bahagi ng Panay na inilunsad sa mahigpit na pagtutulungan ng mga magsasaka at mga kasama. Napalawak ang pananim na kape sa kabundukan mula sa mga punlang pinagtulungang hakutin galing sa patag, na hanggang sa ngayon ay napapakinabangan ng masa para pangkonsumo at cash crop.
Lalaya ang bayan
Noong 2002, matapos kumilos sa iba’t ibang lugar sa Panay, dumalaw si Sir Han kasama ang isang yunit ng hukbong bayan sa baryong una niyang pinagtayuan ng eskwelahan. Sa sentro ng baryo, nagsilabasan sa kanilang mga bahay ang taumbaryo dahil nakilala siya ng dati niyang mga estudyante na ngayo’y humahawak na ng iba’t ibang katungkulan sa konseho ng barangay at sa organisasyong masa. Bawa’t isa sa kanila ay nag-alok na doon siya mag-almusal sa kanilang bahay at ipagluluto siya ng manok.
Pero hindi nalubos ang kanilang kwentuhan dahil dumating ang militar na noo’y nagpapatrulya sa di kalayuan. Nagkaroon ng palitan ng putok. Tinulungan ng mga tao na makaatras ang yunit ni Sir Han. Inayos nila ng mga naiwang gamit para hindi makuha ng militar at sinugsog nila sa ilog ang mga kasamang nahiwalay para muling maiugnay sa yunit. Sapagka’t ang naituro niya sa masa ay hindi lang ang pagbabasa at pagsusulat kundi ang sama-samang pagkilos, pagtutulungan at mapanlikhang pagharap sa kaaway sa uri.
Si Sir Han ay madalas nagkukuwento, sa kasama man o masa, ng mga kuwentong nagpapahiwatig ng mga aral mula sa karanasan, lalo na tungkol sa pagharap ng kagipitan at mga hamon, at hindi napapawing pagtitiwala sa masa at rebolusyon. Bilang isang musikero, kompositor, at mang-aawit, maging ang kanyang mga awitin na inihahandog sa mga umpukan ay nagpapaunawa na ang bayan ay lalaya lamang sa pagrerebolusyon ng mamamayan.
Para sa demokratikong karapatan ng mamayan
Inialay ni Sir Han ang kanyang buhay sa pakikibaka at pagsusulong ng demokratikong karapatan ng mamamayan, lalo na ng magsasaka sa kanayunan kung saan siya nakipamuhay bilang hukbo at kadre. Mayo 28, 2021 nang siya ay pinatay ng mga pwersa ng estado sa edad na 74, sa tinutuluyang bahay sa syudad ng Iloilo habang nagpapagamot.
Ang kasaysayan ng buhay ng mga katulad ni Sir Han ay mga kuwento ng walang pag-iimbot na paglilingkod sa sambayanan, ng walang pagod na pag-ambag ng kakayanan sa pagsusulong ng kanilang demokratikong interes at karapatan, gaano man katindi ang panunugis at pamamaslang ng mga pwersa ng reaksyon na sumisiil dito.
Ang pagsisikap niya ay bahagi ng isang mas malawak na pambansa-demokratikong/rebolusyonaryong kilusan na naglalayong maipatupad ang kumprehensibo at progresibong patakarang panlipunan hanggang makamtan ng buong sambayan ang lipunang nararapat nilang matamasa. ### (Trinidad Villegas, Kaguma)
