Pambansang Katipunan ng Magbubukid–National Democratic Front of the Philippines (PKM-NDF)

Ipagbunyi ang ika-57 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan! Magbubukid at maralita sa kanayunan, tanganan ang armas para sa Rebolusyong Agraryo at Demokratikong Rebolusyong Bayan!



Ipinagbubunyi ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid–National Democratic Front of the Philippines (PKM-NDF) ang ika-57 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan, na nagsusulong ng armadong pakikibaka sa bansa sa absolutong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-MLM). Binabati ng PKM-NDF ang mga magigiting na pulang kumander at mandirigma ng BHB, na mayorya ay mula sa uring magsasaka sa bansa. Inaalala rin ng masang kasapian at mga tagasuporta ang lahat ng dakilang martir na nag-alay ng buhay tulad nina Ka Benito Tiamzon, Wilma Austria, Randall Echanis, Ericson Acosta, Kerima Tariman at iba pa, na mahalaga at makasaysayan ang iniambag sa pagbubuo, konsolidasyon at pagpapalawak ng BHB at rebolusyonaryong kilusang magbubukid sa bansa.



“Kung walang hukbong bayan, wala anuman ang mamamayan,” ayon sa dakilang gurong si Mao Zedong. Ito ang tangan ng rebolusyonaryong magbubukid sa bansa, dahil ang pyudalismo o palagiang kawalan sa lupa ng masang magsasaka ay hindi maibabagsak kung walang armadong pakikibaka at rebolusyong agraryo. Mahaba ang karanasan ng magbubukid sa pagharap sa ilang salin na pekeng programa sa repormang agraryo ng mga papet na rehimen, at lahat ng ito ay pawang pabor sa mga naghaharing uring panginoong maylupa at malalaking burgesya kumprador, pinepreserba ang malapyudal at malakolonyal na sistema, at dikta ng imperyalismong US. Kasaysayan rin ang nagpakita ng kawastuhan ng pampulitikang linyang Demokratikong Rebolusyong Bayan, na binuo ng PKP-MLM, kung kaya naipagtanggol ng masang magsasaka ang kanyang karapatan sa lupa, nailunsad ang mga komunal na sakahan at bayanihan, at naitaguyod ang kabuhayan at kagalingan ng mga pamilyang magsasaka at komunidad.

Mayaman ang karanasan at aral ng pakikibakang magbubukid mula pa kolonyalismong Kastila, Amerikano, pasistang Hapon, mga papet na rehimen at diktaduryang Marcos, hanggang sa kasalukuyan, at hindi magapi-gapi ng mga papet at pasistang rehimen. Makauri ang aspirasyon ng masang magsasaka na mag-ari ng sariling lupa, kung kaya ito ay susing kawing para isulong ang DRB na may sosyalistang perspektiba, at pundasyon para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasya. Kaya, mula nang sila ay mapamunuan ng PKP-MLM, sumapi sa BHB, namuno sa mga ganap na samahang masa (GSM) at komiteng rebolusyonaryo ng baryo (KRB), binuo ang Rebolusyonaryong Nagkakaisang Prente, pinabagsak ang kapangyarihang pampulitika-ekonomya ng mga malalaking panginoong maylupa sa kanayunan at hinarap ang pasistang atake ng mga papet na rehimen, materyal at kongkreto ang mga naging tagumpay, na nagsisilbing aral ngayon sa ilalim ng Kilusang Pagwawasto.

Walang sinumang pampulitikang pwersa sa bansa ang sinsero at pundamental na tumugon sa linyang masang pagkakaroon ng sariling lupa ng masang magsasaka, kundi ang PKP-MLM, BHB at NDF lamang.

Walang sinumang pampulitikang pwersa sa bansa ang sinsero at pundamental na tumugon sa linyang masang pagkakaroon ng sariling lupa ng masang magsasaka, kundi ang PKP-MLM, BHB at NDF lamang.

Nahaharap rin sa kasalukuyan ang masang magsasaka sa papalalang hambalos ng imperyalistang paghahari – kronikong krisis na dulot ng malapyudal at malakolonyal na sistema, at gerang agresyon ng US sa Iran. Papapataas ang gastos sa pagsasaka at produksyon, at nananatiling papet, pahirap at walang silbi ang rehimeng Marcos, kung kaya, lalo pang naging kagyat na dapat pabagsakin ito upang mapahina ang imperyalistang US. Pahirap ang rehimen dahil ito mismo ang pasimuno ng pagsirit ng presyo ng produktong langis sa bansa, sa pagpapatupad nito ng imperyalistang Oil Deregulation Law at mga kontra-mamamayang pagbubuwis; pahamak ito dahil pasimuno ito ng pagdadagdag, pagpapalawak at konsolidasyon ng mga EDCA sites, na nagsilbing launching pad ng gerang agresyon ng US sa Iran. Dinadamay rin ng rehimen ang sambayanang Pilipino dahil papet ito sa pagpapatupad ng imperyalistang First Island Chain Strategy ng US sa Asia-Pasipiko.

Sa patong-patong na manipestasyon ng malapyudal at malakolonyal na sistema, walang ibang aasahan ang masang magsasaka kundi mismo nang tumangan ng armas. Hindi dapat mamalimos ang mga magsasaka sa isang papet na rehimen, bagkus, ito dapat ay sinisingil at ibinabagsak. Hindi nakakalimutan ng PKM-NDF ang malaking utang na dugo ng pamilya ng diktador na si Marcos, mga dinambong nito na nagdulot ng kronikong krisis sa sambayanan, at sa pagpapanumbalik, ang dagdag na pagpapahirap nito sa taumbayan.

Kaya naman, hindi sapat ang papuring salita lamang para sa BHB, kundi marapat lamang na maramihang lumahok at manguna ang masang magsasaka sa pagsusulong ng Demokratikong Rebolusyong Bayan, Armadong Pakikibaka at Rebolusyong Agraryo. Papaigting na panawagan ng PKM-NDF na sumapi sa BHB ang masang kasapian, magbubukid, kababaihan at kabataang magbubukid. Tangan din ng PKM-NDF ang pag-abot sa mga batayang sektor, tulad ng kabataan, artista at iba pa, para hikayatin sila na tumungo sa kanayunan at maging bahagi ng mga rebolusyonaryong kilusang magbubukid sa mga larangan. Malaki ang kanilang maiaambag sa gawaing masa at propaganda-edukasyon ng PKM-NDF at BHB, para mabuo ang mga Grupong Pang-organisa at Ganap na Samahang Masa, at ang mga Komiteng Rebolusyonaryo ng Baryo. Napakalinaw ng programa ng PKP-MLM sa pagbubuo ng binhi ng Demokratikong Gubyernong Bayan, na makasaysayang pagbubuo ng tunay at malayang estado ng sambayanang Pilipino.

“Ang rebolusyonaryong digma ay digma ng masa; mailulunsad lamang ito kung iaasa at mapapakilos ang masa,”—mayorya sa bansa ang magbubukid, kung kaya, ang digmang bayan ay digmang magbubukid. Ito ay aral na dapat panghawakan hindi lamang ng mga rebolusyonaryo sa ilalim ng PKM-NDF, kundi sa buong bansa. Mapapalakas ang BHB, kung mapapalakas ang baseng masa sa mga larangan. Mapapalakas naman ang mga ito, kung madadagdagan ang mga organisador, propagandista at edukador, upang maramihang mapakilos ang mga magsasaka. Kaya kasabay na panawagan sa maramihang pagsapi sa BHB, ang maramihan ding pagtungo sa kanayunan ng mga rebolusyonaryong pwersa para sa gawaing masa at pamumuno sa mga lokal na pakikibakang magbubukid.

Sa okasyong ito, sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, balangkas ng Demokratikong Rebolusyong Bayan at Kilusang Pagwawasto, muling pinagtitibay ng PKM-NDF ang hindi matutuyong balon ng suporta sa BHB, pagpapalawak ng baseng masa para sa armadong pakikibaka at rebolusyong agraryo, lahatang-panig na pagsusulong ng Demokratikong Rebolusyong Bayan at pagpapabagsak sa papet na rehimen at imperyalismong US.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Isulong ang Rebolusyong Agraryo at Digmang Bayan!