Kabataang Makabayan–Balangay Kristine Florendo

NPA@57: Makatarungan ang mag-armas! Kabataan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Sa paggunita ng ika-57 na anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), ipinapaabot ng Kabataang Makabayan-Kristine Florendo ang pulang saludo sa mga kabataang pinili ang ‘di pangkaraniwang landas ng pakikibaka, mga pulang kumander at mandirigma at sa masang patuloy na nagpapakamahal sa hukbo ng mamamayang Pilipino.

Sa bawat dugong inialay ng
mga rebolusyonaryong martir ay
may bagong salinlahi na babagtas sa
kanilang mga naiwang landas.

Mahigit daang taon nang binubusabos ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo ang ating bansa. Ang pyudal at malapyudal na pananamantala na mula pa noong panahon ng kolonyalismong Kastila ay nananatili pa rin hanggang sa kasalukuyan. Pinakatanyag dito ay ang patuloy na kawalang lupa ng mga magsasaka, mataas na upa sa lupa, usura, pang-aalipin o paggawang walang bayad, mataas na upa sa kagamitan, pambabarat sa presyo ng produktong magbubukid, mababang bayad sa mga manggagawang bukid, at atrasadong agrikultura. Pinapanatili ito ng mga imperyalismong Estados Unidos at ng papet na estado nang magpatuloy ang pagiging import-dependent at export-oriented ng bansa. Sa esensya ay sadyang binabansot ang pambansang ekonomiya, industriya, agrikultura at kabuhayan ng mamamayan upang mapagkitaan ng mga lokal at dayuhang naghaharing uri. Ang sistemang ito na malapyudal at malakolonyal ay gumugutom at pumapatay sa masang magsasaka, mula noon hanggang ngayon.

Kaya naman hindi mapagkakaila kung bakit tumagal ng malapit anim na dekada ang rebolusyonaryong pakikibaka ng uring pinagsasamantalahan. Ang pagkabuo sa Bagong Hukbong Bayan ay makasaysayang pag-unlad mula sa mga nakaraang rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino, at ito ay pagpapatuloy sa militante at armadong paglaban ng mamamayan sa mapang-aping uri sa mas moderno o napapanahong porma nito. Sentral dito ang papel ng kabataan sa aktibong paglahok sa Demokratikong Rebolusyong Bayan. Sa bawat dugong inialay ng mga rebolusyonaryong martir ay may bagong salinlahi na babagtas sa kanilang mga naiwang landas. Ang sistemang malapyudal at malakolonyal na umaalipin sa kabataan ang mismong nagtutulak upang humawak ng armas.

Nanatiling hamon sa kabataang matuto nang higit pa sa loob ng mga klasrum at paaralan, at mapanday sa mas malawak na paaralang lipunang Pilipino. Ayon sa dakilang guro na si Mao Zedong, “Ang mundo ay sa kabataan, gayundin sa iba, ngunit sa huling pagsusuri, ito ay para sa kabataan,” na ang pag-asa ng Rebolusyong Pilipino ay nasa kabataan. Ang kabataan ang pinakaaktibo, pinakamasiglang pwersa ng lipunan, pinakasabik matuto, at tutol sa konserbatismo. Sa katunayan, ang tagumpay ng Demokratikong Rebolusyong Bayan na may Sosyalistang Perspektiba ay para sa kapakinabangan ng mga kabataan at salinlahi.

Ang mundo ay sa kabataan, gayundin sa iba,
ngunit sa huling pagsusuri,
ito ay para sa kabataan

Mao Zedong

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Kabataang Nakikibaka!

Isulong ang Armadong Pakikibaka at Demokratikong Rebolusyong Bayan na may Sosyalistang Perspektiba!