(Karugtong ito ng kwento ito ni Ka Andeng, isang babaeng kabataang aktibista sa lungsod na minsang dumalo sa selebrasyon ng PKP at pumakat sa yunit ng BHB. Ang naunang kwento ay tumutok sa kanyang personal na danas sa kanyang integrasyon—paano niya hinarap at ang kanyang mga personal insights. (Basahin Masa, kasama, at langgam) Ang bahaging ito naman ay mas nakatuon sa nilahukan niyang implementasyon ng kilusang pagwawasto ng yunit ng BHB—Ed).
Di biro ang pinagdaanan ni Ka Andeng sa loob ng tatlong buwang integrasyon. Naka-assign silang balikan ang mga dating kinilusang baryo, mga recovery areas. Na-imagine raw naman niya ang lahat nang maaring maranasan sa kanayunan, maliban na lang sa walang-humpay na paglalakad. “Akala ko, nakakampo kami,” sabi ni Ka Andeng, kasunod ang malutong na halakhak.
Dalawang beses siyang nakaranas ng depensibang labanan, nagpagulong-gulong pababa ng bundok, nagkapasa ang buong katawan. Dumanas din kami ng gutom, nagdildil ng kamote at talbos ng kamote na “hate na hate ko dati, pero lab ko na ngayon.”
Pero ano man ang mga karanasang ito, hindi siya na-dismoral. Kailangan niyang makasabay sa mga masinsing pag-aaral sa loob ng hukbo at sa hanay ng masa na bahagi ng kilusang pagwawasto.
Gawaing iiwanan, gawaing babalikan
Bumalik si Ka Andeng sa lunsod para tiyaking maayos ang iiwanang gawain. “Kung nagdalawang isip ang grupo ko na payagan ako dumalo nung anib, ngayon, alam na nilang kayang saluhin ang gawain ko. Mas mabuti nga iyon dahil may napasulpot na mga kapalit ko.”
Para kay Ka Andeng, bahagi ng kilusang pagwawasto ang aktibong pagpapasulpot at pagsasanay ng mga second-liners sa mga gawain sa lunsod imbes na iniaasa sa mga nakasanayang tao. Matagal na rin daw kasing sakit ang kakulangang mag-develop ng second liner.
Pakiramdam ni Ka Andeng na di madaling tatanggapin ng yunit niya sa lunsod ang pagpapaalam. Totoo namang lunod sa gawain sa lunsod, “pero paano naman ang deployment sa CS?” banggit ni Ka Andeng. Dugtong pa niya, “Nahihiya actually ako na bumalik sa lunsod, paano ang masang umaasa doon, yung mga naiwan kong gawain?”
Malaki ang pangangailangan sa kanayunan, sabi ni Ka Andeng. “Cliche man pero totoong naranasan ko at nakita ko na malaki ang ambag ng mga peti-burgesyang lunsod—lalo ng mga kabataan—sa CS bilang tugon na rin sa kilusang pagwawasto. Sa gawaing masa, ang tulad kong kabataan, ang krudo ng rebolusyon ang humaharap.”
Mag-aral, mag-organisa, lumaban
Naging pangunahing gawain ni Ka Andeng ang pagtuturo sa loob ng hukbo at sa hanay ng masa. “Buong-buong naming niyakap sa lahat ng pagkakataon ang pag-aaral, pagtasa at lagom at pagpapalalim ng SICA,” sabi niya. Inaangkupan raw nila ang mga kahirapan, lalo na sa mga baryo, para mairaos ang mga pag-aaral gaya ng Batayang Kurso ng Partido (BKP). “May naiba sa appreciation ko sa pag-aaral. Sa CS, sabik ang mga kasama at ang masa sa pag-aaral,” dugtong pa ni Ka Andeng.
“Kapag di kami maka-ikot dahil malapit ang kaaway, nag-aaral kami sa himpilan. O kaya naman pinag-uusapan namin ang mga isyung naririnig sa radyo. Kung nasa baryo naman kami kasama ang masa, nagbibigay kami ng national situationer at sitwasyon ng rebolusyonaryong kilusan,” kwento niya. Bilib na bilib raw ang masa sa kanila tuwing binabahagi ang kilusang pagwawasto, “kayo lang, bukod tangi, ang umaamin sa mga kahinaan ninyo at nagwawasto,” ang karaniwang komentaryo ng masa.
Recovery work
Isa sa mga kahinaang natukoy ay ang geriliya-ismo ng pulang mandirigma at ng lokal na yunit ng Partido. Ibig sabihin, nabitiwan ang gawaing masa, nagkuta sa gubat at naging konserbatibo sa gawaing militar sa gitna ng matitinding atake ng kaaway. Naging kahinaan din ang emperisismo sa anyo ng di malalim na mga panlipunang pagsisiyasat sa kalagayan ng lugar at ang hanayan ng mga pwersa sa mga isyung kinakaharap ng mamamayan.
Hindi raw maiwasang hirap ang masa na magpatuloy ng hukbo sa mga bahay nila dahil sa harassment ng militar. Regular na dumadayo ang militar sa mga komunidad at marami rin sa mga pwersa at supporters ang pwersahang pinasuko. “Pati nga ang mga nagtatanim ng kamote ay pinaghihinalaan ng militar kasi raw ay ipinapakain sa NPA.”
Kahit ganito, mabilis na ang muling pagtatayo ng mga grupong pang-organisa lalo na sa mga kabataan. “Dahil kahit red alert kami, tinitiyak pa ring may gawaing masa,” sabi ni Ka Andeng. Isa ito sa mga pagtutuwid sa naging kamalian dati, lalo na’t dahil sa sobrang hirap ng kabuhayan ng masa ay “nasa fight mode sila,” dugtong niya.
Kahit sa gawaing militar, nariyan ang masa, tinataguyod ang hukbo “lalo na sa panahong hirap na hirap kami,” sabi ni Ka Andeng. Mahusay raw ang masa sa terrain, kayang-kaya nilang iligaw ang kaaway. “Sila rin ang nagsasabi sa amin kung dapat na kaming umalis sa pwestuhan dahil malapit lang ang kaaway. ” Ang mga grupong pang-organisa rin mismo ang tumutulong sa hukbo sa paniktik.
Ang tulong ng masa ay sinasabayan rin mga pagsasanay sa gawaing militar ng hukbo bilang pagtutuwid sa mga kahinaan, “at kapag may pagkakataon, bumibigwas sa kaaway.” Mahusay raw ang mga taktikang gerilya at ang maniobra ng hukbo na kapag isinanib sa kaalaman at suporta ng masa ay nagpapalakas sa hukbo para isulong ang armadong pakikibaka.
Sabi nga ni Ka Andeng, “tinatawanan nga namin ang propaganda ng kaaway na isang tricycle na lang daw kami, sampal nga sa kaaway yung nakabira pa kami kahit nasa depensiba kami.”
“Sa pagbalik namin sa mga dating consolidated areas, ramdam pa rin ang init ng pagtanggap at suporta ng masa,” sabi ni Ka Andeng. May mga kasapi na ng Partido at malalim na ang relasyon ng kilusan sa komunidad. “Komportable sila sa presence namin, kahit ang mga bata,” dagdag niya. Todo ang suporta ng masa sa kanila, mula sa pagkain gaya ng gabi, papaya, kamote, kung minsan kahit vetsin. “Pati nga damit at panty ko sa kanila nanggaling,” noong naiwan niya ang backpack niya nang ma-depensiba sila. “Para sa masa, wala raw sila kung wala ang hukbo.” (ni Jose Simon) ###