(Kwento ito ni Ka Andeng, isang babaeng kabataang aktibista sa lungsod na minsang dumalo sa selebrasyon ng PKP at pumakat sa yunit ng BHB. Naging masaya ang naging kwentuhan ng Liberation staff at ni Ka Andeng at heto ang ilang bahagi ng ng kwento na isinulat ni Mia Andres.–Ed).
Dapat dalawang linggo lang ako. Nagpaalam ako sa kolektib ko na sasama ako sa gaganaping anibersaryo ng Partido diyan lang sa malapit na yunit ng Bagong Hukbong Bayan. Gusto ko sanang makakita ng mga bagong mukha at makapagpataas ng moral ko. Na-overwhelm na rin kasi ako sa dami at bigat ng trabaho sa urban. Actually, bago ako umalis, ang daming nakabinbing trabaho na sa akin naka-task. Pero pinayagan pa rin ako—dalawang linggo nga lang.
Pero yung dalawang linggo, ayun, naging tatlong buwan. Yung selebrasyon kasi ay naging isang malawakang pag-aaral o educational discussion (ED) festival. Na-inspire ako sa anniversary statement ng Partido sa panawagan nitong Kilusang Pagwawasto. Pwede na sana akong bumalik kinabukasan sa lunsod pero nagpaiwan ako.
Kaya yung damit kong dadalawang pares—isang suot at isang baon—yun lang ang napagpapalit-palit ko at mawawala ko rin naman nung napalaban kami. Nakatsinelas lang din ako. Ni wala akong bota para sa mahabang lakaran. Ang dala kong panlamig, malong lang. Wala din akong long sleeves man lang. Buti na lang at nakapagpasulpot ng bota ang mga kasama.
Heavy bleeder din ako pag may monthly period at tumatagal ng dalawang linggo. Meron namang naka-isyu sa aking napkin pero dahil sa tagal, binibigay na sa akin ang napkin ng mga kasama kong babae hanggang sa maubos ko lahat ito. Buti na lang din at na-accupuncture ako ng aming medic at natulungang maampat ang sakit at tindi ng bleeding ko.
Sa mga limitasyon kong ito, naramdaman ko na inalagaan talaga ako ng mga kasama.
Red alert
Most of the time, naka-red alert ang yunit na pinakatan ko. Andun yung nakapaglakad ako ng three days straight. O kaya naman ay hindi kami natutulog sa gabi dahil kulang sa isang kilometro lang ang layo namin mula sa kaaway. In a way, may pagkabagot din yung red alert dahil hindi kami makagampan ng gawain gaya ng EDs. Nakahimpil lang kasi kami. Kapag ganun, nakikinig kami ng balita sa radyo. Eh sanay pa naman ako na maraming ginagawa. Tapos sa pakat ko, kalakhan ng gawa ay lakad.
Kapag mga alas-dos na ng hapon, hihinto na kami sa paglalakad. Ito na ang oras namin para makapag-usap, makapagplano, magpahinga at maligo. Araw-araw akong naliligo. Bisyo na ang pagligo ng araw-araw sa sitwasyon namin. Pero reward ko na sa sarili yung makapag-suot ng bagong labang damit dahil natatanggal nito ang pagod ko. Dahil isang t-shirt lang ang pamalit ko, araw-araw din ang laba ko. Minsan kahit hindi pa tuyo yung damit, kailangan ko nang isuot at sa katawan ko na lang siya matutuyo.
Nakaranas ako ng dalawang labanan sa tatlong buwan ko sa integrasyon. Dalawang magkasunod na araw ang labanan. Kakatapos lang namin noon maglagom ng isang buwang karanasan ko sa integrasyon.
Narinig naming tumahol ang aso pero hindi namin ito pinansin. Ako naman ay nakapaghanda na ng aking pagpapahingahan nang napansin kong napakaraming langgam sa pwesto ko kaya naglipat ako. Kasabay ng alis ko, ay nakarinig na ako ng putok ng baril. Tumama ang bala sa tulugang pinanggalingan ko. May ilang segundo siguro iyon na nag-freeze ako. Buti na lang naalala ko ang tagubilin ng aming command kung saan ang rallying point (RP) kapag mapapalaban kami. Kaya tumalon at gumapang ako papunta sa RP namin.
Sa sobrang takot at panic ko, dali-dali kong pumunta sa RP at hindi ko na naririnig ang mga kasama. Tinatawag pala ako ng aming CO dahil hindi sila makapagpaputok. Ang alam nila ay andun pa ako sa tulugan ko at nag-aalalang baka tamaan ako. Samantalang ako, atras lang ako ng atras. Gumagapang ako pababa ng bundok. Pakiramdam ko, isang oras akong umaatras. Naiiyak na ako sa hingal. Shocked talaga ako. Nababasa ko lang ito dati, o kaya ay naririnig lang sa kwento. Ganito pala talaga ang digma.
Buti na lang at walang nalagas sa amin at nakita rin ako agad ng mga kasama. Salamat na lang din talaga sa mga langgam sa pwesto ko, kundi malamang tinamaan na ako ng bala. Yun nga ang, black and blue ako, puro pasa at bugbog ang katawan ko. Wala rin akong naisalbang gamit. Saka ko malalaman na isang kumpanya pala ang nakasagupa namin. Samantalang kami ay oversized platoon lang. Mabuti na lang at magaling ang command namin sa pagmaniobra.
Hindi naman ako natakot mamatay, at least hindi nasayang ang buhay ko. Pero siyempre, ayoko pang mamatay, noh. Konti pa lang naiaambag ko at marami pa akong gustong ibigay.
Ang masa, ang masa lamang
Dito ko mapapatunayan ang pagmamahal at suporta ng masa sa mga hukbo. Pati bihisan ko, ultimo panty, sila ang nagbigay. Recovery area ang naiikutan ng aming yunit. Ibig sabihin, dati nang may hukbo at myembro ng Partido sa kanilang komunidad pero ngayon na lang ulit nababalikan.
Nasa diwang palaban pa rin sila lalo’t may kinakaharap silang mapanirang proyekto sa kanilang lugar—mga proyektong wala naman silang pakinabang. Masisira ang kanilang mga lupa, kabuhayan at mapapalikas sila. At alam nila na makakatuwang nila kaming hukbo para protektahan ang kanilang lupa.
Kaya nga nagdesisyon akong doon na magfull time. Kahit na mahirap sa kanayunan—yung mahabang lakad, walang makain, yung pagod at takot—wala yan sa tindi ng hirap na dinaranas ng mamamayan sa araw-araw dahil sa pagsasamantala. Kung hindi babaguhin ang sistemang ito lalala pa ito sa mga darating na panahon.
Nakita ko na mas kailangan ako doon sa kanayunan dahil andoon ang armadong pakikibaka. Lalo na ngayong may panawagan ng Kilusang Pagwawasto at konti lang ang kabataang hukbo. Tulad niyan, ako lang ang kabataan sa yunit namin. Sana mas marami pang katulad ko ang sumapi.
Handa na ako. Maiintindihan ng nanay ko ang desisyon kong ito—talikuran ang komportableng buhay na binigay niya sa akin para harapin ang buhay na puro hirap at sakripisyo—dahil alam niyang gusto ko lahat ay maging komportable din ang pamumuhay. Maiintindihan din ng koletib na naiwan at makakaangkop sila sa sitwasyon. Meron at merong magi-step up sa kanila tulad ng pag-step up ko dati. (ni Mia Andres) ###