Siyensyang Hukbo:

Ang Paggawa ng Pugon at Alulod

Sa maraming gawain ng ating minamahal na Bagong Hukbong Bayan (BHB) mula sa pag-oorganisa ng masa hanggang sa pagbira sa pasistang sundalo at pulis ng mga kaaway sa uri, minsan hindi masyadong napapagusapan sa mga talakayan at ED ang kahalagaan ng gawaing kabuhayan. “Paano tayo kakain ngayong araw? Saan tayo pwedeng kumuha ng maiinom na tubig?” Ilan ito sa naging tanong ko noong kumilos ako kasama ang isang yunit ng BHB sa Luzon. Dito ko rin natuklasan ang malikhaing tugon ng BHB sa pang-araw-araw na hamong ito, sa paraan ng nakamamanghang feats of engineering at paggamit ng mga prinsipyong siyentipiko na nagagawa pa rin sa konteksto ng makilos na digmaang gerilya—at sa gitna ng kagubatan!

Paggawa ng pugon

Kalimitan, sa mga kampo at pisikal na base ng BHB, gumagamit sila ng kahoy sa pagluluto ng pagkain. Isang malaking konsiderasyon dito ay ang usok, lalo na kung basa ang kahoy na ginagamit—sa mga kaaway, maari itong maging indikasyon ng presensya ng isang kampo ng BHB.

Ang paggawa ng pugon ang naging sagot ng naturang yunit, na hango sa Hoàng Cầm stove na ginamit ng mga gerilya noong Vietnam War. Naghahanap ng pwesto ang mga kasama na may libis o slope at naghuhukay sila ng kanal dito. Sa dulo ng kanal sa ibaba, nilalagay ang bahay ng apoy na binubuo gamit ang bato. Hinuhubog ang bahay para umangkop sa sukat at laki ng mga kalderong gagamitin. Sa kahabaan ng kanal, naglalagay ng bato o kaya’y katawan ng puno ng saging para takpan ito. Pagkatapos, tinatabunan ng basang lupa ang kanal para takpan ang mga natitirang puwang.

Dahil likas na umaangat ang mainit na hangin, lumalabas na tila hinihigop ng kanal ang usok mula sa apoy sa ibaba. Sa pagdaan ng usok sa mga malilit na puwang sa pagitan ng bato’t lupang pantapal sa kanal, naiiwan ang mga partikulo ng usok at ang lumalabas na lang ay ang init at steam mula sa basang lupa. Nagiging kontrolado ang usok at, kung maayos ang pagkagawa ng pugon, tila hamog na lang ang sumisingaw mula sa kahabaan ng kanal!

Sa kada lipat ng base, gumagawa kami ng bagong pugon, na dumadalas sa panahon ng pagmamaniobra palayo sa operasyon ng kaaway. Iba rin yung karanasan na halos araw-araw kang maghahanap ng mga malalaking bato o kaya’y maghuhukay ng kanal, pagkatapos ng mahabang lakaran sa gitna ng kabundukan. Pero ang susi rito ay ang kolektibong pagkilos ng mga kasama para matapos agad ang paggawa ng pugon—para rin makapagluto agad ng hapunan!

 

 

 

 

 

 

 

 

Paggawa ng alulod

 

Para naman makakuha ng malinis na tubig, palakasin ang agos ng tubig sa mga maliliit na sapa, o kaya’y dalhin ang tubig sa kusina o sa iba pang lugar, gumagawa ng alulod o salulo ang mga naturang yunit ng BHB. Mula sa mga simpleng konstruksyon hanggang sa mga mas komplikadong asembliya, kaya itong gawin gamit lamang ang mga rekursong mahahanap sa gubat.

Kung ang pakay ay palakasin ang agos ng tubig sa sapa, gumagawa ang mga kasama ng reservoir gamit ang bato at lupa para mag-ipon ng mas maraming tubig. Pinapataas nito ang lebel ng tubig kumpara sa susunod na bahagi ng sapa. Mula dito, pwede nang kabitan ang reservoir ng salulo, na pwedeng hubugin mula sa kawayan, katawan ng puno ng saging, o iba pang halamang katulad ng mga ito.

Lalo na sa mga sitwasyon na malakas ang agos ng tubig, maaring bumuo rin ng asembliya ng mga salulo para magkaroon ng maraming daluyan ang tubig na pwedeng gamitin nang sabay-sabay. Pwede rin gawin ito para ibukod ang agos ng tubig—na ginagawa sa panahong hindi pwedeng gumamit ng sabon sa sapa mismo sa dahilang pang-seguridad (maaring indikasyon ang bula ng sabon sa sapa na may mga taong gumagamit nito) at/o konsiderasyon sa masa na nasa ibaba ng bundok na posibleng ginagamit nila ito para sa kanilang inumin.

Siyentista’s inhinyero, tara na!

Mula sa mga siyentipikong konsepto at prinsipyong inaral ko sa hayskul at kolehiyo, iba talaga yung paglapat ng mga ito sa konteksto ng armadong pakikibaka sa kanayunan. Marami rin akong natutunan mula sa mga kasama ko sa yunit na labas sa teoretikal na talakayan sa loob ng klasrum. Nakakatuwa rin na kahit hindi naman alam ng ilang mga kasama ang mga pangalan ng siyentipikong batas at teorya sa likod ng mga ginagawa nila, mahusay pa rin sila sa paggamit ng mga ito para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng yunit.

Marami pang ibang halimbawa ng malilikhaing feats of engineering na makikita sa gawain ng mga yunit ng BHB—sa konstruksyon ng kubo at palikuran, sa pag-ayos at pagbuo ng mga simpleng electronic device, at iba pa. Sa kasalukuyang konteksto ng makilos na digmaang gerilya, nagagamit ng mga Pulang mandirigma ang iba’t ibang prinsipyo ng agham at inhenyeriya para matugunan ang mga pangangailangan ng yunit.

Bilang siyentista, na-realize kong hindi salat sa bagong kaalaman at pag-unlad ng kasanayan ang karanasan sa loob ng larangang gerilya. Marami akong natutunan sa praktika at tiyak marami pang matutunan. Nakita ko rin ang maari ko pang mai-ambag mula sa mga natutunang teorya para makatulong sa mga praktikal na gawain ng hukbong bayan. Walang tapon ang talino’t kasanayan ng mga siyentista sa gawain ng hukbong bayan para maglingkod sa sambayanan. Kaya, tara na sa kanayunan! (Artikulo at artwork ni Cassandra Bigwas, AghamBayan,  Publikasyon ng Liga sa Agham para sa Bayan (LAB-NDFP) ###