SIYENSYANG HUKBO

Biyolohista ang Pulang Mandirigma

Malapit at bahagi ang Hukbo sa kalikasan.

Banggit ng isang kasama sa talakayan namin sa isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa Luzon. At totoong-totoo ito—mula sa mga lugar na iniikutan ng hukbo, mga tinutuluyan at kinakainan, kasalamuha ng Pulang mandirigma ang kalikasan. Para sa akin bilang isang biyolohista, isang malaking pagkakataon ang pagiging Pulang mandirigma para palalimin ang kaalaman sa saribuhay o biodiversity ng ating bansa.

Kaugnay ang kalikasan

Karaniwang nasa kagubatan at kabundukan ang mga yunit ng ating minamahal na hukbo; minsan nasa mga patag. Bagamat iba’t iba ang kalagayan ng mga gubat, bundok, at kapatagan, sa lahat ng pagkakataon tila mga field researcher ang mga Pulang mandirigma sa kanilang ugnayan sa kalikasan.

Sa araw-araw na gawain sa yunit, nakikita namin ang samu’t saring species—halaman, kabute, insekto, ibon, at iba pa. Madalas na nakakakita ang yunit ng mga sikat na endemic species kagaya ng jade vine, corpse flower, hornbill o kalaw, at marami pang iba. Maraming beses din na napunta ang yunit sa mga lugar na malamang ay hindi pa pisikal na napupuntahan ng mga siyentista o maski sino man. Biruan nga namin sa yunit ang “malay natin, baka makatuklas tayo ng mga bagong species sa mga lugar na ito!”

Saribubay bilang yamang pagkain

Isang porma rin ng pagkilala sa kalikasan na malapit sa sikmura ng sambayanan (literal!) ay ang pagkain. Sa parehong paraan na nakikinabang ang sambayanang Pilipino sa saribuhay na mahahanap sa ating kinakain sa araw-araw—iba’t ibang klase at katangian ng bigas, prutas, gulay, isda, at iba pa—nakikinabang rin ang mga Pulang mandirigma.

Iba’t ibang species ang pinapakinabangan namin sa gawaing produksyon. Lalo na sa mga gipit na sitwasyon at kapag malayo sa mga komunidad, maaasahang pagkukunan ng pagkain ang saribuhay ng kagubatan. Maraming pwedeng matutunan mula sa mga kasama kaugnay sa paghanap at paggamit ng mga ito. Nariyan ang labong at ubod ng iba’t ibang tanim, ang samu’t saring klase ng kabute, at marami pang iba.

Sa ilang pagkakataon, nakahuli rin ang mga kasama ng mga hayop na pwedeng kainin, mula sa maliliit kagaya ng susô at palaka, hanggang sa malalaki kagaya ng sawa. Sa ngayon kahit hindi pa saklaw ang lahat ng endangered species, may mga patakaran na ang maraming yunit para iwasan ang paggalaw sa ilan sa mga ito. Halimbawa sa amin, bawal hulihin ang kalaw.

Mga siyentista at ang BHB

Sa naging karanasan ko, sobrang yaman sa iba’t ibang klaseng hayop, halaman, at kabute ang mga kagubatang nadaanan namin. Maraming posibleng matutunan at matuklasan tungkol sa saribuhay ng ating bansa—isang larangan para sa mga biologist, geologist, chemist, o physicist hindi lang para para pagyamanin ang kaalaman kundi, higit sa lahat, sa konteksto ng paglahok sa rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino.

Para sa akin, paalala rin ang kayamanang ito kung bakit kailangan nating lumahok sa digmang bayan—para protektahan at maalagaan ang kalikasan laban sa pandarambong ng mga imperyalista at ng lokal na naghaharing-uri. Ang pagsapi sa hukbong bayan, ang pagsusulong ng digmang bayan hanggang sa tagumpay ang magtitiyak na mapapanatili ang likas-yaman hanggang sa maitayo natin ang bagong republika ng sambayanan. (ni Cassandra Bigwas, AghamBayan, Publikasyon ng Liga ng Agham para sa Bayan (LAB-NDFP) ###