Gabi, madilim. Naka-flash light ako para makita ang daan. Pero may narinig ako na nagsabi, “Kasama, pakibaba yung flashlight mo.” Ako pala ang sinasabihan.

So, ibinaba ko naman ang tutok sa flashlight. Hindi ko naman kasi namalayang nakataas pala. Pagbaba ko sa flashlight, sa bilog na liwanag nakita kong may paa, nakatsinelas, mahabang pantalon na nakatiklop at katabi nito … ang dulo ng barrel ng mahabang baril. Doon ko nakita ang unang image ko ng NPA. Astig!
Bagong pakat ako sa yunit ng New People’s Army para dumalo sa anib ng Partido. First time ba. Halata. Kasi pumasok akong naka-sandals, slacks, at pink na blouse. Hindi t-shirt ha, blouse talaga. At dahil bago nga, syempre, nadapa ako. Pero hindi sa bundok ha, dun pa lang sa kalsada. So, na-sprain ako at kailangan kong gumaling—in two days—para makasama sa paglilipat ng kampo. Tuwing ikatlong araw kasi kami naglilipat ng kampo dahil magalaw ang kaaway sa rehiyon namin.
At dahil bagong salta nga, naibigay ko yung totoong pangalan ko! In my defense, bagong gising lang kasi ako nun. Pupungas-pungas pa ako nung may nagtanong sa akin anong pangalan ko. “ **** po!” Sabay abot ng kamay. Ay mali! “Magda! Si Magda pala ako!”
Hamon sa pag-oorganisa
Ang pinakatan ko ay isang oversized squad. Bilang pagtugon sa kilusang pagwawasto ng Partido, bumaba ang yunit na ito mula sa parte ng kabundukan at lumapit kung nasaan ang masa. Karamihan sa yunit ay galing sa uring magsasaka. Sumunod ay mga kabataang peti-burges na, sa mga kwentuhan, ay very hopeful sa kinabukasan ng rebolusyon at ng bayan.
Sa organizing work, ang kasamang pesante ang kakatok sa bahay at makikipagkamustahan. Ang peti-B naman ang magbibigay ng pag-aaral at mangunguna sa diskusyon (ang iba ay supply officer o kaya medic). Madalas, sa gabi ang organizing dahil nasa bukid at taniman ang mga magsasaka sa araw. Kami naman, sa umaga ang consolidation activities para sa aming yunit. So, educational discussions yun.
Recovery-expansion ang mga lugar namin. Halos 20 years ding hindi ito napuntahan ng mga kasama dahil sa tindi ng militarization sa lugar. Dahil matagal nang hindi sila nakakita ng hukbo, iba-iba ang reaksyon ng masa. Sa isang bahay na napuntahan namin, habang ang tatay ay tuwang-tuwa na makita kami at napakaraming kwento, ang nanay naman ay nag-aalangan na papasukin kami. Tinatakot kasi ng mga militar ang masa para hindi tanggapin ang hukbo sa bahay nila. Naniniguro rin ang masa sa pagtanggap sa mga kasama kasi ang mga sundalo nagpapanggap na hukbo.
Hustisya sa rebolusyonaryon kilusan
Nung pumasok ako, gusto ko rin sanang makarining ng kaso tungkol sa revolutionary justice.
Natutunan ko na sa kilusan na ang hustisya ay hindi “unbending.” May pag-unawa at pag-consider sa komunidad. Halimbawa, kapag katutubo ang may kasalanan sa kilusan, imbes na patawan agad ng parusa kung napatunayang may sala ay maaring angkinin na lang siya ng kanyang komunidad at siguruhin na hindi na siya uulit at makakapaminsala pa. Pagkilala rin kasi ito sa kultura ng mga pambansang minorya at sa sarili nilang paraan ng pagpapanagot sa may kasalanan. Pero depende rin sa bigat ng kaso. Ang mahalaga nag-uusap ang komunidad at ang hukbo at Partido. Hindi tulad sa burgis na hustisya na kulong agad, lalo na kapag mahirap. Dito sa atin, hindi bulag ang hustisya.
Dito ko nakita ang kahalagahan na ma-document ng mga karanasan sa pagsulong ng revolutionary justice. Imagine kung maisulat natin ang lahat ng karanasang ganito, madaling magagabayan ang iba pang yunit sa pagpataw ng hustisya. Maipapakita rin natin ang matingkad na kaibahan ng hustisya ng rebolusyonaryong kilusan sa hustisya ng reaksyunaryong gobyerno.
Recti na ako sa iwas-integ
Mindblowing sa akin noong na-realize ko na NPA pala ako dito. Dahil may maliit na baril akong hawak, cal. 45, hindi pwedeng chika-chika lang ang gawin ko sa hahay ng masa.
Nag-exposure ako kasi hindi ko pa nagagawang mag-integrate sa hukbo kahit noong nasa YS pa ako. Sarado talaga ako. Hindi mo ako mapapaakyat.
Dalawang linggo rin ako sa yunit ng hukbo. Hindi nila alam na abugado ako. CO lang namin ang nakakaalam at ibang officers. Nung andito na lang ako sa sektor nagbukas sa integ. Matindi kasi yung reports ng harassments, militarization sa community. Kaya, recti na ko sa pag-iwas integ.
Feeling ko kasi ang layo namin sa rebolusyon. Siguro may conservatism dahil yata sa pag-conform sa reaksyunaryong batas. Nadadala sa framework na hindi kami armado. Feeling ko dapat may manggaling sa amin gaya ni Hannah Cesista na naghukbo, di ba?
Bar passer na siya noong nagdesisyong sumapi sa armadong rebolusyon. Imbes na sa korte humarap at maghapag ng kaso, sa kanayunan siya pumunta at nagsilbi. Para sa kanya, hindi na sapat ang mga ligal na reporma. Sa dami ng nakita niyang mahihirap na dinaya ng justice system, ng sistema na kailangang baguhin. Napatay siya noong February 2024 ng mga militar sa Bohol. Lima sila. Encounter daw pero sumurender na sila. Pero tinotyur pa rin sila ng mga sundalo tapos minasaker.
Napatunayan ng karanasan ko na kailangan talagang mag-take ng role ang mga katulad kong abugado sa rebolusyon bukod pa sa pag-challenge sa mga repressive laws at pagtanggap ng mga kaso. Bilang abugado sa kilusan, hindi kailangang mag-aral ng abugasya at pumasa sa bar. Ang kailangan sa abugado ay mailabas ang katotohanan. Yun naman talaga dapat, di ba? Tingin ko rin na kailanga pang patiningin yung discussion tungkol sa revolutionary justice.
Totoo naman na kailangang kailangan talaga ng mga makabayang abugado sa panahon ngayon. Pero habang hindi nababago ang mapanupil na sistema at nandiyan ang mga naghahari na may kontrol sa batas, sa ekonomiya at kultura, magiging bandaid ang abogasya para sa mga naagnas na sugat ng lipunan. ### (Isinulat ni Mia Andres mula sa pakikipagkwentuhan kay Magda)