Pahayag ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid sa ika-53 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng NDFP

Isulong ang Rebolusyong Agraryo at ibagsak ang papet na rehimeng US-Marcos!

Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!

Ipinapaabot ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid ang rebolusyonaryong pagbati sa ika-53 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Nagagalak ang PKM at mga magsasaka sa buong bansa sa okasyong ito dulot ng mahigit limang dekadang pagsasama-sama ng mga magkaka-alyadong rebolusyonaryong lihim ng organisasyong masa (RLOM) ng mga saligang pwersa sa buong bansa na nagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka sa balangkas ng demokratikong rebolusyon ng bayan.



Pinagpupugayan ng PKM ang hindi matatawarang mga sakripisyo at buhay na inialay ng mga kasapi at lider ng bawat RLOM at NDFP. Sa gitna ng pasistang atake sa panahon ng dating diktador na si Ferdinand Marcos ay naitayo ang NDFP noong Abril 24,1973 at ngayon naman sa panahon ng kanyang anak na pasistang si Bongbong Marcos ay nananatiling nakatindig, lumalawak at lumalaban ang NDFP. Sa bawat papet at pasistang rehimeng dumaan at lumipas ay sinikap nilang wasakin ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), Bagong Hukbong Bayan (BHB) at NDFP, subalit lahat sila ay nabigo dahil nakaugat sa masa at sambayanang Pilipino ang NDFP sampu ng kanyang kasaping organisasyon.

Kinikilala at malaki ang pagpapahalaga ng PKM sa NDFP na dinadala sa 12-puntong programa nito ang pagpapalaya sa uring magsasaka at pagsusulong ng rebolusyong agraryo. Sa kanayunan sa balangkas ng programa ng Rebolusyonaryong Gabay para sa Reporma sa Lupa (RGRL) ng Partido, ang rebolusyong agraryo—sa pangkalahatan ang minimum na programa sa reporma sa lupa at maksimum na programa sa mga piling lugar at antas ng kalagayan—ay pangunahing pinapatupad ng Bagong Hukbong Bayan kasama ang mga alyadong organisasyon ng NDFP: ang PKM, Kabataang Makabayan (KM) at Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA). Sa balangkas ding ito ay nakakatuwang ng PKP ang NDFP at mga kasaping organisasyon nito sa paghahawan ng landas para sa pagtatayo ng Organo ng Kapangyarihang pampulitika o mga OKP.

Sa pamumuno na PKP kasama ang pulang armadong hukbo ng mamamayan sa kanayunan, ang BHB, ay tinatamasa at pinakikinabangan na ng mga magsasaka ang tagumpay ng programa sa lupa. Katulad nito ang pagpapababa ng upa sa lupa, pagtataas ng parte sa aning produkto ng mga magsasaka, pagtataas ng sahod ng mga magsasaka at manggagawang bukid, pag-aalis ng mga resikada at iba’t ibang anyo ng pandaraya ng mga komersyante at PML, pagpapababa ng interes sa usura at sa mga piling lugar kung saan malakas na ang binhi ng pulang kapangyarihang pampulitika ay sama-sama ng sinasaka sa paraang kooperatiba at komunal na pagsasaka ang mga nakumpiskang lupa ng mga despotikong panginoong maylupa (PML). Sa lahat ng mga pakikibakang ito at sa pamumuno ng PKP ay nasa unahan palagi ang mga magkakaalyadong kasapi ng NDFP na PKM, KM at MAKIBAKA na militanteng humaharap sa mga komprontasyon at negosasyon sa mga kaaway na uri sa kanayunan ang mga PML, komersyante at usurero.

Sa ilalim ngayon ng pasistang rehimen ni Bongbong Marcos tiyak na mas titindi pa ang paghihirap ng mga magsasaka at mamamayan sa kanayunan. Mas lalalim pa ang iba’t ibang anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala gayundin ang mga pang-aapi dulot na pinaigting na pasistang atake ng militar sa kanayunan. Sa gitna ng pinatinding krisis ngayon sa bansa dulot na gerang agresyon ng imperyalistang US sa Gitnang Silangan na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at mga bilihin ay nabaon sa utang at bumagsak ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda kasama na ang maliliit na negosyante sa kanayunan. Pinabayaan at walang kongkretong programa ng pagtulong ang papet na gubyernong Marcos sa mga magsasaka at sektor sa agrikultura sa gitna ng matinding krisis sa bansa.

Sa ganitong kalagayan ay mas lumalakas ang panawagan sa ating lahat ng magkaka-alyadong kasapi ng NDFP na palawakin at palakasin pa ang mga rebolusyonaryong pakikibaka. Sa bahagi ng PKM ay nananawagan tayo sa lahat ng mga magsasaka, mangingisda at mamamayan sa kanayunan na mas palawakin pa natin ang pagkakaisa at rebolusyonaryong pakikibaka para tahakin ang landas na magbabago sa lipunang malapyudal at malakolonyal na labis na nagpapahirap at nang-aapi sa sektor at buong mamamayan.

Sa deka-dekadang pagsusulong ng Demokratikong Rebolusyong Bayan, Armadong Pakikibaka at Rebolusyong Agraryo, nanatiling pangunahing pwersa ang masang magbubukid sa bansa para sa pambansang pagpapalaya, pagsusulong ng demokrasya at pagpapabagsak sa papet na rehimeng kakutsaba ng imperyalismong US. Ang pagpapahina ng imperyalismong US sa bansa ay magiging mahalagang ambag para pahinain ito sa buong mundo at para sa pagpapalaya ng ng mamamayan sa buong daigdig.

Mahigpit ding nakikiisa ang PKM sa panawagan ng Partido sa lahat ng kasapi ng NDFP at mamamayan na tumungo sa kanayunan at lumahok sa rebolusyonaryong kilusang magsasaka sa kanayunan at Bagong Hukbong Bayan.

Mabuhay ang ika-53 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng NDFP!
Pyudalismo, Imperyalismo at Papet na rehimeng US-Marcos, Ibagsak!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!