Armas-Ka Soral Malaya

ASINTAHIN

Tulang binigkas sa mga lansangan ng Maynila para sa pagdiriwang ng ika-53 anibersaryo ng NDFP

Tignan mo, sa taas, doon sa kalangitan

It’s not a bird, not a plane, hindi rin si Superman

Iyan ang mapanakop na agila ng Amerika

Ng Imperyalistang pahirap sa malawak na masa

Sa paghina ng Imperyalistang kapangyarihan

Kaniyang pinagkakakitaan, pandaigdigang digmaan

Mula Palestina, Venezuela at ngayon ay sa Iran

Kung hindi tayo lalaban, madadamay ang ating bayan

Kaya ngayong araw, nahinog na ang pasya

Ng apat na kababayang makikipagdigma

Ngayong araw na ito, samahan niyo ako

Tanungin natin sila, ano ang kanilang gusto?

Ako ay kabataan, nawawalan ng pag-asa

Na may lipunan pang sa amin ipapamana

Kami’y pinag-aaral hindi para sa bayan

kundi sa dayuhan at pasista’y manilbihan

Ang nagbibigay pag-asa sa aming kabataan

Ay matagalang Digmang Bayan!

Pinapalayas sa tirahan, kaming maralita

Sa taas presyo’y pagkakasyahin kakarampot na kita

pinagkakitaan ng kurakot sinisisi pa sa baha

Pero sa panganib ng krisis, kami ang nauuna

Tanging nagbibigay lakas upang lumaban

Ang matagalang Digmang Bayan!

Ako ay magsasaka, pinagnanakawan ng lupa

Biktima ng sabwatan ng asendero’t dayuhan

Kaming nagpapakain, wala nang kakainin

Sa pagpanaw namin, Amerikano ang salarin

Ang magwawakas lamang sa aming kagutuman

Ang matagalang Digmang Bayan!

Ako ay manggagawa, pang kabayo ang trabaho

Aliping sahuran ng kompanyang Amerikano

Ang aming mga unyonista, kinukulong, pinapaslang

Ng estado’t negosyanteng ganid sa ‘ming pinaghirapan

Kaya aming tatanganan ang misyon na pamunuan

Ang matagalang Digmang Bayan!

Ngayon alam na natin ang makatarungang dahilan

Ng paglaban sa reaksyunaryo ng Bagong Hukbong Bayan

Hamon sa ating lahat na palakasin ang suporta

Sa hukbong magpapalaya sa malawak na masa

Kaya itong agilang dayo sa ating teritoryo

Kasabwat ng asendero, kurakot at berdugo

Silang dumadagit sa yaman ng mamamayan

Tiyak paluluhurin ng proletaryadong himagsikan

Sa gabay ng Partido, sa bigwas ng Hukbo

Sa Pambansang Nagkakaisang Prenteng buo

Itaas ang kamao, kalabitin ang gatilyo

Asintahin:

imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo

Gaano man kalaki ang bagwis nitong agila

Mananaig ang gobyernong bayan,

sinag ng pulang umaga

Suportahan, lahukan ang pakikibaka ng mamamayan

Ating pagpugayan

Ang matagalang Digmang Bayan!